SI PO1 Henaro Ruiz ng District Public Safety Batallion ng Manila Police District ay ehemplo ng isang pulis na maituturing bilang psychotic bully.
‘Di tulad ng mga ordinaryong bully na ang kanilang ginagawang pangha-harass sa kapwa ay isang katuwaan lamang – na kung tawagin sa lengguwahe ng barkadahan ay “tripping”, ang pambu-bully naman para kay Ruiz ay isang katakam-takam na gawain na nagbibigay sa kanya ng adrenaline rush. Sa lengguwahe ng kanyang utak, ang tawag niya rito ay orgasm. Ito ang pinaka-ultimate sex trip para sa isang taong tulad ni Ruiz.
NOONG JULY 2, 2012, naubusan ng gasolina ang motor na minamaneho ni PO1 Ruiz sa San Antonio Village, Makati City. Nakita niya ang kapitbahay niyang 13 years old na si Jayjay – ‘di n’ya tunay na pangalan – na naglalakad. Tinawag ni Ruiz ang maliit at patpating si Jayjay para utusan itong itulak ang kanyang motor habang siya ay nakasampa rito patungo sa pinakamalapit na gas station.
Kabisado ni Jayjay na ang pinakamalapit na gas station sa lugar na iyon ay halos kalahating kilometro rin kaya hindi siya pumayag at sabay na inalisan ang pulis.
Makalipas ang ilang oras, habang naglalaro ng trumpo si Jayjay kasama ang kanyang mga barkada sa isang kanto, biglang sumulpot si Ruiz at walang sabi-sabi, agad niyang binunot ang kanyang baril.
Nang makita ng mga kalaro ni Jayjay ang pagbunot ni Ruiz ng kanyang baril, lahat sila ay kumaripas ng takbo at naiwan si Jayjay. Itinutok ni Ruiz ang kanyang baril sa trese-anyos na binatilyo habang nanlilisik ang mga mata at gigil na gigil, sabay sigaw na, “Ano bubunot ka? Sige!”.
At nang makita ni Ruiz si Jayjay na nakataas na ang mga kamay, namumutla, nanginginig sa takot at nagmamakaawa, bigla na lang itong bumirit ng sobrang lakas na halakhak – halos hindi mapatid-patid ang kanyang na-kabibinging halakhak.
NOONG TAONG 2009, isang babae naman na menor de edad din ang pinagdiskitahan ng may tililing na si Ruiz. Tulad ni Jayjay, ang babaeng menor de edad na inaway ni Ruiz ay kapit-bahay rin niya.
Nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng pulis at ng nasabing menor de edad. Nang mapikon si Ruiz, binunot niya ang kanyang baril at ipinukpok niya ito sa ulo ng kaaway niyang dalagita. Matapos niyang mapukpok sa ulo ang kanyang biktima, bumirit ito ng nakakalokong halakhak.
Sa talaan ng PNP-Women’s and Children’s Desk sa Makati City, may nakabinbin nang apat na kaso na isinampa ng mga menor de edad laban kay Ruiz dahil sa kanyang pambu-bully at pananakit sa kanila. Kung isasama ang reklamo ni Jayjay, lima na ang kinakaharap na kaso ni Ruiz.
TINANGKA KONG tawagan si Ruiz sa kanyang cellphone para kunin ang kanyang panig matapos kong matanggap ang sumbong ni Jayjay. Pero pagkatapos kong magpakilala at sabihin ang reklamo laban sa kanya, panay na lang siya ng “hello, hello…”. Kunwari’y hindi niya naririnig ang kanyang kausap sa kabilang linya.
Ilang segundo pa, agad niyang Ipinasa ang telepono sa isang babaeng kamag-anak. Ang nasabing kamag-anak ang nagbigay ng panig para kay Ruiz at idinipensa ang kamag-anak na pulis.
Ang WANTED SA RADYO ay mapapakinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Kasabay na mapapanood din ito sa Aksyon TV Channel 41. Para sa inyong mga sumbong, magtext sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo