SA KAUNA-UNAHANG pagkaka-taon, simula nang siya’y maluklok sa puwesto bilang pangulo, binatikos ni P-Noy nang harap-harapan ang isang ahensiya ng pamahalaan. Naging panauhin si P-noy sa anibersaryo ng Bureau of Customs kamakailan, at sa kanyang talumpati sa mga kawani nito, kinastigo niya ang bureau dahil sa mga katiwalian ng mga empleyado rito.
Partikular na nakatikim ng hambalos sa Pangulo ay ang isang clerk ng BoC na nagngangalang Paulino Elevado. Ang taong ito ay naging laman ng mga balita kamakailan matapos makunan ng CCTV footage ang kanyang minamanehong Porsche 911—na nagkakahalaga ng milyones – na hinahabol ang isang Toyota Innova lulan ang isang estudyante at isang kasama sa South Luzon Expressway.
Nang maabutan ni Elevado ang estudyanteng driver ng Innova, pinagsusuntok niya ito at hindi pa nakuntento, kinuha pa niya ang kanyang baril sa kanyang Porsche at pinagbabaril ang tumatakas na Innova.
Hindi pa malaman ng mga oras na iyon kung lango ba sa alak si Elevado o high ito sa drugs kaya naging ganoon ang kanyang asta. Pero ang sigurado sa mga lumabas na report, si Elevado at ang kanyang kasa-kasamang lalaki ay pawang nakorner ng mga awtoridad sa isang hotel sa Pasay at pareho silang nakalaboso ng dalawang araw.
HINDI KATANGGAP-TANGGAP sa Pangulo na ang isang clerk ng Customs na ang sahod ay wala pa sa sampung libong piso kada buwan ay nakapagmamaneho ng isang Porsche. Pero ang labis na nakapag-init ng ulo ni P-Noy ay ang pagiging saksakan ng abusado ni Elevado dahil may gana pa raw itong manuntok at mamaril.
Noong Martes, matapos magtago, lumutang din si Elevado sa tanggapan ni Customs Commissioner Ruffy Biazon. Sa isang TV interview kay Elevado, kung gaano kabangis siyang manuntok at mamaril, siya ring ang pagiging mistulang basang sisiw nito. Animo’y naihi sa salawal sa kahihingi ng sorry ni Elevado. Dito, sinabi ni Elevado kay Biazon na hindi siya ang may-ari ng Porsche at nag-aahente lamang siya sa may-ari nito na isang car dealer – bilang sideline.
Inamin ni Biazon na may dati ng kasong extortion itong si Elevado. Si Elevado ay idinemanda ng nagngangalang Flor Tagle ng Prime Modas Inc., isang importer, noong Marso ng nakaraang taon matapos tangkaing kikilan siya ni Elevado ng P200,000 kapalit ng pagpirma ng isang district collector para ma-release ang shipment niya. Ito ang lumitaw sa ginawang imbestigasyon ng Revenue Integrity Protection Service ng Department of Finance.
NOONG MIYERKULES, nakapanayam ko si Biazon sa aking programang WANTED SA RADYO 92.3 News fm (Radyo5). Sinabi ko kay Biazon na halimbawa na lang totoo nga ang sinasabi ni Elevado na suma-sideline lamang siya bilang ahente ng isang imported car dealership, ito ay maliwanag na conflict of interest.
Ito ay dahil na rin bilang importer ng mga sasakyan ang kanyang pinag-aahentehang among may-ari ng Porsche, magagamit ni Elevado ang kanyang pagiging kawani ng bureau. Lalo pa na sa kanyang kasong extortion, pinangalandakan niyang kaya niyang magpapirma ng mga dokumento sa isang district collector sa halagang P200,000. Sumang-ayon si Biazon.
Nangako si Biazon na magiging mabusisi ang gagawing imbestigasyon ng bureau laban kay Elevado. Nangako rin si Biazon sa inyong SHOOTING RANGE na walang puwedeng magpadrino kay Elevado para ito ay maabsuwelto. Tututukan ng SHOOTING RANGE ang kasong ito.
Shooting Range
Raffy Tulfo