SI JOPAY Paguia, miyembro ng Sexbomb Girls at isa sa mga supporting cast sa teleserye ng TV5 na Cassandra: Warrior Angel (CWA) ay personal na dumulog sa T3 Reload noong nakaraang Miyerkules para isumbong ang kabastusan ni Chairman Antonio Lalik ng Barangay 848 Pandacan, Manila.
Noong July 2 ng madaling-raw, habang nagte-taping ang grupo ni Jopay sa CWA malapit sa barangay hall, isang malakas na kalabog ang narinig ng crew. Nang lumingon ang isa sa kanila, napansin niyang sinadyang banggain ni Lalik ng kanyang motor ang kotse ni Jopay na nakaparada nang maayos sa isang tabi.
Napikon daw kasi si Chairman dahil sa maraming mga nakaparadang sasakyan ng TV crew na para sa kanya ay nakasasagabal. Pero nakalimutan ni Chairman na siya rin ang pumirma ng barangay permit para sa taping ng nasabing crew at ang pagpapahintulot sa mga sasakyan ng grupo na pumarada sa location ng taping.
Nang mga oras na iyon, lango raw kasi sa alak si Chairman. Pagkatapos niyang mabundol ang kotse ni Jopay umalis agad ito na parang walang nangyari.
Pagsapit ng break time ng taping, nakarating sa kaalaman ni Jopay ang insidente. Hinanap ni Jopay si Lalik kasama ang ilang crew at casts ng CWA. Natunton nila si Chairman sa barangay hall. Noong una, ayaw silang harapin ni Chairman. Pero nang mahinahong pakiusapan ni Epi Quizon – isa sa mga kasama ni Jopay – si Chairman para kausapin sila, saka pa lang ito pumayag.
Ngunit nang kumprontahin nila si Chairman tungkol sa kanyang ginawa, nagmaang-maangan si Kapitan at wala raw siyang maalaalang binanggang sasakyan.
Nangangamoy alak daw si Kapitan at nagwawala na ito sa katatanggi tungkol sa kanyang ginawang kasalanan. Habang ito’y nag-iiskandalo agad na inilabas ni Jopay ang kanyang cellphone at binidyuhan ang kanyang pagwawala.
Nakunan ng video ang paghahamon ni Kapitan kay Epi. Nang may dumating na rumespondeng pulis, lalong tumapang daw si Kapitan at pinagmumura na nito si Epi at si Jopay sa wikang Ingles.
Hinamon pa raw ni Kapitan si Epi at si Jopay na magsumbong kahit pa raw kaninong Poncio Pilato at hindi siya natatakot. Sinabi pa raw ni Kapitan na mas makabubuti pa sa traffic bureau na lang daw magsumbong si Jopay para ito ang gumawa ng imbestigasyon at magdetermina kung siya ay may kasalanan o wala.
PERO PAGKATAPOS maibigay ni Jopay ang kanyang salaysay sa T3 Reload at tinatangka na naming tawagan si Chairman para ito ay kapanayamin upang kunin ang kanyang panig, nabahag ang kanyang buntot. Ayaw niyang sagutin ang aming mga tawag sa kanyang cellphone.
Nang ‘di na makayanan ni Chairman ang stress at maihi-ihi na siguro siya sa kanyang lawlaw na salawal dahil sa katatawag namin sa kanya, tuluyan na niyang pinatay ang kanyang cellphone.
Doon napag-alaman namin na hindi lang pala saksakan ng duwag si Chairman kundi isa rin itong bastos na tao at ang kaya niyang bastusin at hamunin lamang ay ang mga alam niyang hindi lalaban sa kanya tulad ng mga kababaihan.
Ang hindi alam ni Chairman, hindi na kailangan pang pumunta ni Jopay sa traffic bureau. Puwede siyang sampahan ni Jopay ng patung-patong na kasong kriminal tulad ng malicious mischief, unjust vexation, alarm and scandal at slander.
Maaari ring masampahan ng kasong administratibong grave misconduct si Chairman sa Office of the Ombudsman. At ito nga ang napagdesisyunang parehong gawin ni Jopay sa tulong ng T3 Reload. Kaya ang mensahe ko kay Chairman ay “humanda ka!”
Ang T3 Reload ay napanonood sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm. Ito ay kasabay na napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5.
Para sa inyong mga sumbong at reklamo mag-text sa 0918-9-T3T3T3.
Shooting Range
Raffy Tulfo