NATATANDAAN KO na sa kolehiyo ay kadalasang may mga kaso ng estudyanteng hindi nakapapasok sa mga unibersidad dahil hindi sumunod sa itinakdang reglamento ng paaralan. Mayroong mga thesis o research papers na hindi tinatanggap ng mga propesor dahil hindi rin ito sumunod sa mga rekisitos na itinakda ng kursong iyon. Maraming mga alituntunin sa paaralan na kailangang masunod dahil ito ay mga alituntunin at ang pagsunod dito ay may karunungan ding natatamo ang mga mag-aaral.
Bakit sa isang malaking institusyon gaya ng gobyerno ay tila walang pangil ang batas at parang binabalewala lang? Ang nakagagalit ay kung sino pa ang mga gumagawa at nagpapatupad ng batas ay sila pa itong nangungunang mambale-wala sa ipinag-uutos ng batas.
Ang Commission on Elections (COMELEC) ay nagbigay na ng kautusan na dapat ay umalis muna na sa kani-kanilang mga puwesto ang 422 elected officials. Ito ay sa kadahilanang hindi sila sumunod sa mga reglamentong itinakda ng batas tungkol sa pagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa loob ng panahong dapat naipasa ito o deadline kung tawagin.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. ang 422 elected officials ay hindi maaaring manatili sa puwesto sa ilalim ng Republic Act 7166 o ang Synchronized Election Law of 1991. Sa mata ng batas na ito ay ipinapalagay na hindi balido at opisyal ang pagkakaluklok nila sa puwesto.
Napakalinaw ng sinasabi ng batas na hindi sila maaaring umupo sa puwesto kung hindi naisusumite ang SOCE sa “tama at ayon sa kung papaano ito dapat tupdin” base sa itinatakda ng R.A. 7166.
HINDI NAMAN yata tama na sabihin ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. na “overacting” ang COMELEC sa kautusang ito. May batas tayo na dapat ay sinusunod. Masusing pinag-aralan ng COMELEC ang batas na ito na laging isinasantabi ng mga kandidato. Ganoon din ay pinagbuhusan nila ng pansin ang pag-alam sa 422 elected officials na ito.
Hindi sila sumunod sa itinakda ng batas gaya ng personal na pagpirma sa mga dokumento. Kung dati ay nilalapastangan nila ang kautusan at hindi ito sinusunod, mas lalong dapat ay mapatikim sa kanila ang ngipin ng batas para umayos sila sa susunod na eleksyon.
Hindi sila dapat ipinagtatanggol ni Speaker Belmonte. Dapat ay sundin ni Belmonte ang utos ng COMELEC na paalisin muna ang mga kongresistang kasama sa listahan. Dapat irespeto ni Belmonte ang batas dahil sila mismo ang gumagawa nito. May tamang lugar para sa kanilang reklamo at paliwanag, ngunit dapat ay ipatupad muna ang suspension sa mga kongresistang ito dahil ito ang tama.
Ganoon din dapat ang gawin ni DILG Secretary Mar Roxas at payuhan na lamang ang mga mayors, councilors at governors na gawin ang dapat nilang gawin at gawin ito nang tama. May jurisprudence na ang sinasabi ay “the law maybe harsh but it is the law!” Ang ibig sabihin ay ang batas ay batas!
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41 sa programang Wanted Sa Radyo, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. At napanonood din sa TV5 sa programang T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm. Pati na rin sa Aksyon Weekend news tuwing Sabado, 5:30pm.
Para sa inyong mga sumbong, maaaring mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo