NOONG NAKARAANG linggo, isang kumpare kong waiter ang nagtanong sa akin kung bakit pinapayagan daw ng Comelec na maging nominee ng mga party-list group ang mga mayayamang tao.
Kaya niya pala naitanong ito sapagkat kababayan niya ang first nominee ng isang party-list. Ang kababayan niyang ito ay sikat sa kanilang probinsya bilang isang bilyonaryong negosyante.
Sinabi ko sa aking kumpare na marahil nasuhulan ng limpak-limpak na salapi ng kanyang kababayan ang ilang kawani ng Comelec.
Matagal nang ginagawang kenkoy ang party-list system. Ayon pa nga sa iba, binabastardo na raw ito. Kung ayaw matanggap ng Comelec ang mga batikos na ito, hinahamon ko sila na isapubliko ang mga nominee ng lahat ng party-list at sabay na ilabas ang kanilang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). ‘Pag nangyari ito, nakatitiyak akong magkakaroon ng malaking eskandalo.
ANG TINUTUKOY ng aking kumpareng waiter na kababayan niyang bilyonaryong first nominee ng isang party-list ay nagmamay-ari ng mga malalawak na 5-star vacation resort. Sa isang resort pa nga raw na pag-aari ng nasabing nominee, nagpasadya ito ng mahigit 50kms. na private road papuntang kabihasnan.
Nasa sobrang liblib na lugar kasi ang nasabing resort. Kaya ang isa pang tanong ng aking kumpare, ‘di kaya napunta ang lahat ng pork barrel ng nasabing party-list group para sa pagpagawa sa nasabing private road?
KAMAKAILAN, TINANGGALAN ng accreditation ng Comelec ang party-list group na Ang Galing na pinamumunuan ni Mikey Arroyo, anak ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Tinanggalan ng accreditation ang Ang Galing party-list hindi dahil sa nasilip ng Comelec na may iregularidad sa nasabing party-list kundi dahil sa ayaw na ng grupong ito na mabigyan ng accreditation kaya hindi sila um-attend sa patawag ng Comelec.
Pero ‘di lang ang Ang Galing party-list ang may nominee na mga angkan ng pulitiko at ginagamit lamang ang party-list system para mapalawak lamang ang kanilang political dynasty.
At alam ito ng Comelec. Kung gayon, bakit nila ito pinapayagan? Sa muli, ang sagot ay marahil may ilang kawani sa Comelec na mas matakaw pa sa salapi kaysa kay Hudas.
0919-274xxxx – Idol Raffy, magandang araw po! May nais lang po akong isumbong sa inyo. Ako po ay isang ina na nakatira rito sa Molino 3, Bacoor, Cavite. Nagpa-check-up po ang anak ko sa dentista rito sa center ng Molino 3 kasi maga ang ngipin niya. Nagulantang po kasi ako sa ugaling ipinakita ng dentista. Grabe po talaga, Sir! Sinisigawan niya ang mga pasyente. Meron nga pong 78 yrs. old na matandang babae na magpapa-check-up po sana pero umuwi na lang dahil sinigawan niya ito. Ang masama pa, ‘yung pasyente pa ang nag-sorry sa kanya. Sabi po kasi ng dentista, “Puwede ba maghintay kayo! Pagod na pagod na ako, kanina pa akong umaga!” Hindi lang ngayon nangyari ang ganu’n. Dapat po bilang mga lingkod-bayan na nagbibigay-serbisyo sa publiko, sila ang unang nagmamalasakit sa mga kapus-palad nating mamamayan. Alam ko po na hindi ninyo ito palalampasin. Mas maganda nga po kung ma-expose sa radyo at TV ang dentistang ito. More power po sa inyong programa! Maraming salamat po!
ANG WANTED SA RADYO ay mapakikinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na mapanonood sa AksyonTV Channel 41. Para sa inyong sumbong o reklamo, mag-text sa 0917-7WANTED o 0908-87TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo