Ang “bisyong” ikinamatay ni Sec. Robredo!

UNA KONG nakaugnayan si Sec. Jesse Robredo noong kakaupo pa lamang niya sa puwesto bilang kalihim ng DILG.  Tinawagan ako ng isa sa mga assistant niya at sinabing gusto raw akong makausap ni Robredo.

Isinulat ko kasi noon sa aking kolum – sa isa sa mga tabloid na pinagsusulatan ko, ang pagkakasangkot umano ng ilang mga kawani ng DILG sa pangngongolekta ng tong sa mga pasugalan at prostitusyon.

Nang makausap ko si Robredo, wala ng paligoy-ligoy pang sinabihan niya akong magsasagawa siya ng imbestigasyon tungkol sa aking naisulat.  Pagkaraan ng ilang araw, nabalitaan ko na lang na may mga sinibak na personalidad sa DILG na pinaghinalaang sangkot sa mga iligal na gawain. Mula noon, labis niya akong pinahanga sa kanyang istilo ng pamamalakad.

NGAYON, MAS lalo pa akong napahanga nang lubus-lubos nang makita ko sa telebisyon ang napakasimpleng pamumuhay nila ng kanyang pamilya sa probinsya. Nakatira sila sa isang ordinaryong bahay na ang gate ay kinakalawang na sa sobrang kalumaan.

Eksaktong kabaligtaran si Sec. Robredo ng ilang mga kasamahan niya sa gabinete. May isang kalihim pa nga na pagkaraan ng ilang buwan lamang sa puwesto, napaulat nang nagpapatayo ng mansyon sa isang exclusive subdivision.

May isa pa nga ring kalihim na napabalitang nakapagpatayo ng malaking hotel and resort sa probinsya pagkaraan lamang ng wala pang isang taon sa panunungkulan. Hindi ko kayang bilangin ang dami ng mga kurap na tao sa ating gob-yerno.  Kaya ang tanong ng marami, bakit si Sec. Robredo pa ang kinuha ni Lord, at hindi na lang ang sangkatutak na mga magnanakaw sa ating gobyerno?

ANG DILG ay isang makapangyarihang posisyon. Nasa ilalim ng pangangasiwa nito ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology at mga local government unit (LGUs). Ang kalihim ng DILG ang siya ring umuupong chairman ng Napolcom.

Kaya kung isang kawatan ang maging kalihim ng DILG, wala pang isang taon, makapagnanakaw na siya ng bilyon.

Pero si Sec. Robredo ay hindi nagpakasasa sa posisyon, namuhay siya nang simple at walang luho. Wala rin siyang bisyo.   Ngunit kung maituturing mong bisyo ang pagiging mapagmahal at palaging gustong makapiling ang pamilya, iyan lang marahil ang bisyo ni Robredo. At ang bisyo niyang ito ang siyang ikinamatay niya.

Ayon sa mga report, naka-book na si Sec. Robredo sa isang flight ng Cebu Pacific mula Cebu patungong Maynila. Pero sa kagustuhang agad na makauwi ng diretso sa Naga City para makahabol sa seremonya ng kanyang anak na mabibigyan ng medalya dahil sa swimming, nag-charter siya ng maliit na private plane na siyang bumagsak sa karagatan ng Masbate.

IPUPUSTA KO ang lahat ng pera sa mundo, maraming mga tao ngayon ang nanlilisik na ang mga mata at tumutulo pa ang laway sa pag-aasam na mapasakamay sana nila ang puwesto ni Robredo. Ito ang dapat bantayan ni Presidente Noynoy.

Ang mga dapat bantayan ni P-Noy ay ‘yung mga taong ngayon pa lamang ay gumagapang na ng kaliwa’t kanang padrino para masigurong mapunta sa kanila ang puwesto sa DILG. Nakatitiyak na ang mga taong ito ay kukulimbat ng limpak-limpak na salapi para sa bulsa nila at ng kanilang mga padrino kapag naipuwesto.

Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 PM. Kasabay na mapapanood din ito sa Aksyon TV, Channel 41.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleGinugulo ng Ex-Boyfriend
Next articleRafael Rosell, walang kalalagyan sa Siyete!

No posts to display