ANG GOSPEL nu’ng nakaraang linggo ay tungkol sa isang mahirap na biyuda na inilimos ang natitira niyang barya sa templo. Ito na lang ang natitira niyang possession sa buhay. Samantala, isang napakayaman ang naglimos ng labis niyang libong salapi. Tanong ng mahal na Hesus: Sino ang kalugud-lugod sa mata ng Diyos?
Malalim. Matalinhaga. At hitik na hitik ng kahulugan tungkol sa dapat, uri at tibay ng ating pananampalataya. Ating pakaisipin.
Sa dalawang naglimos, mas pinahalagahan ng Diyos ang biyuda. Lubos ang tiwala niya sa Diyos na kahit ang barya ang kahuli-hulihang salapi niya, ‘di siya pababayaan. Samantala, ang mayaman ay nagbigay nang malaki subalit ito’y labis at marami pang natira sa kayamanan niya.
Kokonti ang katulad ng biyuda. Marami sa atin ang ganid sa ating pag-aari at tumutulong lang ‘pag ‘di masasaktan ang bulsa. Karamihan ay sinasamba ang kapangyarihan, salapi at palakpak ng madla.
Kung ikaw ay katulad ng isang negosyanteng Henry Sy, bakit paggising mo sa umaga ang agad sumasaisip ay paano pa lalago ang kayamanan. At lagi, maging number 1 sa Forbes Magazine billionaires’ list. Kung ikaw ay ang negosyanteng Lucio Tan o John Gokongwei, bakit mababalisa ka pa kung bumaba nang ‘sang araw ang napagbentahan mong stocks o ibang investments?
May isang business tycoon na may pribadong silid sa tahanan na ang mga kawani ay walang ginagawa araw-araw kundi bilangin ang salaping pumapasok sa negosyo. May kalyo ang kanilang kamay.
‘Di masama ang salapi o kapangyarihan kung ‘di paaalipin ang ating buhay sa mga ito. Ngunit kalimitan, kabaligtaran ang nangyayari.
Tularan natin ang ehemplo ng mahirap na biyuda. Magbigay nang may kahulugan, sakripisyo at pananampalataya.
SAMUT-SAMOT
TUWING MAY bibitayin na nagkasalang OFW sa ibang bansa, nagkukumahog tayo sa paggawa ng paraan para ‘di matuloy. Dapat lang gawin ito sapagkat buhay ang nakasalalay. Ngunit sa ibang dako, ‘di ba pagkunsinti ito? Karamihan sa kanila, akusado ng drug trafficking at pagpatay na sa ating bansa ay capital punishment ang nakatalaga. May mga banyaga sa ating napapatawan ng capital punishment subalit kanilang bansa ay ‘di sumasaklolo sa kanila.
BUMUBUO NG Askalz at Phil. Volcanoes football teams ay puro mestizo at karamihan ‘di marunong magsalita ng Filipino. Karapat-dapat ba nilang i-represent ang ating bansa? ‘Di ba parang nakahihiya? Kung puro “imported” ang mga players, buti pa ‘di na lang tayo lumahok sa koponan.
NAGLAHO NA ang balita tungkol sa appointment ni Sen. Miriam D. Santiago sa International Court of Justice. ‘Di na rin ito nababanggit ng mabuting senadora. Ano na ang nangyari? Sa kabilang dako, buti nga kung ‘di na siya matutuloy. Kilangan siya ng Senado. Matalim, matalino, parang Doberman kung kumapit sa mga isyu. At may ibang silbi pa siya: sa kahirapan at kalungkutan ng araw-araw, siya’y comic relief.
‘DI MALAMAN ni Sen. Tito Sotto kung saan siya lalagay sa isyu ng plagiarism. Kung aaminin niya, masamang hitsura. Kung ‘di naman, nagsisinungaling siya. Dapat kasi, magkaroon siya ng fall guy. “’Yung chief of staff niya sana ang umako ng sala. Ganito ang ginawa ni businessman Manny Pangilinan. Pinagbuntunan ng sisi ang speechwriter. At publicly, kinastigo niya. Sa puntong ito, check siya. Kung baga sa chess, ang senador, no way out.
ANG PINOY ay talagang pinaghahandaan ang Pasko. Kahit anong hirap at lungkot ng buhay, ang okasyon ay ating idinaraos. Ang ‘Pinas ang may pinakamahabang magdiwang ng Pasko sa buong mundo. Sa Divisoria, ‘di halos mahulugan ng karayom ang dagsa ng taong namimili ng mga pangregalo. Mga mall at bazaar, apaw na rin ng tao. Talagang idinaraos only in the Philippines.
HALOS ARAW-ARAW, tulog-manok ako. Ibig sabihin, mababaw ang tulog at konting kaluskos ay nagigising agad. Kada dalawang oras, takbo sa banyo. Tulog uli. Pagsapit ng 4:00 A.M. pabali-balikwas na sa kama. ‘Di na makatulog hanggang umaga. Sabi nila, sa matatanda kainaman na ang 4-6 oras na tulog. Paikli nang paikl ang gabi. At ang araw ay pahaba na nang pahaba. Ano kayang dahilan?
‘WAG TAYONG paalipin sa isip. Lalo na ang negative thoughts. Mga ‘yan ang pinagmumulan ng kaba, takot at balisa. ‘Pag nakontrol ka na ng isip, patay kang bata ka. Paggising sa umaga pasalamat sa Diyos. Mag-isip ng positive. Kung anong gagawing mabuti at kanais-nais.
SA DAMI kasi ng matutulugan ay sa taniman pa natulog. Ito ang nasabi ng mga pulis makaraang masugatan ang isang lalaki na nadaanan ng nakaumang na pang-ani sa siyudad ng Billings, Montana, U.S.A. Sinabi ni Sheriff Lt. Kent O’Donnell na ang 57-anyos na lalaki ay nagbiyahe sa bansa sa pamamagitan ng bus at nagdesisyong magpahinga sa ilalim ng mga tanim na maisan. Isang magsasaka ang nag-ani nang maramdaman niyang may tinamaan ng kanyang ginagamit na makina. Nu’ng patayin niya ang makina ay narinig niya ang sumisigaw na lalaki.
ISANG TRAK na may kargang 40,000 pounds ng frozen chicken ang nasunog habang papunta sa isang supermarket sa bayan ng Chili sa New York. Nalaman na karga ng trak ang mga manok mula sa Mississippi at papuntang Wegmans Distribution Center, na matatagpuan sa timog kanluran lamang ng Rochester. Hindi naman nasaktan ang drayber. Isinara naman ang isang parte ng highway noong Biyernes habang nililinis ng mga trabahador ang lugar.
HANEP TALAGA si Atty. Ferdie Topacio. Kundisyon niya, isang kiss ni Bea Benene para iurong niya ang kaso. Maaaring pumayag si Bea. Swak na swak ang kasong kriminal na isinampa sa kanya ng abogado.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez