MATAPOS ANG dalawang buwang paglalayag sa dagat mula sa U.S., ang pangalawang dambuhalang sasakyang pandigma ng Philippine Navy ay dumating na. Ang BRP Ramon Alcaraz ay sinalubong ng mga Senior Navy official sa pagpasok nito sa karagatan ng Casiguran, Aurora mag-aalas-dos ng madaling-araw ng Biyernes.
Ang barko ay ipinangalan sa isang miyembro ng Philippine Navy na si Ramon Alcaraz. Pinabagsak niya ang isang eroplanong Hapon gamit ang mataas na kalibre ng baril habang lulan lamang sa isang balsang kawayan. Buong tapang siyang nakipagsabayan sa mga U.S. Navy noong World War II.
Ang BPR Alcaraz ay isang US Coast Guard cutter na nakuha ng Pilipinas sa ilalim ng U.S. defense excess article program. Naglaan ang Philippine Navy ng humigit-kumulang na P600 million upang makondisyon at mapaganda ito. Ang BRP Del Pilar ay isa ring US Coast Guard cutter na nakuha sa parehong programa, P450 million naman ang ginamit sa pagpapaayos nito.
IPINAHAYAG NG Palasyo na wala itong kinalaman sa sitwasyon sa Panatag (Scarborough) Shoal at sa tension sa pagitan ng Pilipinas at China. Ito ay bahagi lamang ng pagpapaunlad ng hukbong dagat ng bansa. Kasunod ito ng paghahain kamakailan lang ng China sa Senado ng U.S. ng isang protesta dahil sa pakikialam at paninindak ng mga sundalong Amerikano sa Panatag Shoal.
Ipinagpasalamat naman ng DFA ang suportang ipinapakita ng U.S. sa isyu ng mga bansa sa Asia hinggil sa “territorial disputes”. Ipinananawagan din nito na magkaisa ang mga bansang apektado sa isyu at lumahok sa mga pagpupulong at paggawa ng mga regulasyon para sa mapayapang pagresolba ng problemang ito.
Kung may kinalaman man ang pagbili ng BPR Alcaraz sa isyu natin sa China, wala akong nakikitang problema rito. Dapat lang maghanda ang Pilipinas sa maaaring kahinatnan ng isyu sa Panatag Shoal. Dapat din namang magkaroon tayo ng kakayahan na bantayan ang ating mga karagatan.
Nababawasan din ang pangamba ng mga Pilipino sa tension at nagbibigay ng lakas ng loob sa bawat isa sa atin. Masasabi na nating hindi tayo kinakayan-kayanan ng mga karatig bansa katulad ng Taiwan. Magiging inspirasyon din ito ng bawat Pilipino upang magsumikap sa kanilang buhay. Nagpapalaki ito ng ating kumpyansa sa sarili at sa gobyerno.
NAKAPANGHIHINAYANG LANG isipin na kung ang bilyun-bilyong pondo para sa PDAF ay sa pagpapaunlad na ng ating Hukbong Sandatahan nilaan, malayong mas nababantayan sana natin ang ating bansa. Mas nakakukuha rin sana tayo ng respeto mula sa ibang nasyon at tao sa mundo.
Mahalaga ang estado at kalakasan ng institusyong militar sa bansa. Ang mga mauunlad na bansa sa mundo ay siyang may pinakamodernong kagamitang pandigmaan. Ganito ang kalakarang pulitika sa daigdig, ang bansang may hawak ng kapangyarihan militar ang siyang tinitingala at nirerespeto.
Kung pinapangarap nating maging isa sa mga nangu-ngunang bansa sa daigdig, panahon na upang seryosohin ng gobyerno ang pagpapaunlad sa ating sistemang militar.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM. Ang WSR ay kasabay na napanonood din sa Aksyon TV Channel 41.
Napanonood din ang inyong lingkod sa T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, maaaring mag-text sa 0908-87-TULFO o sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo