Ang Busabos sa Ating Bansa

TALIWAS SA ipinahayag ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang inaugural speech na “kayo ang boss ko” kitang-kita, parekoy, sa kasalukuyang kaganapan kung sino talaga ang “boss” at sino ang “busabos”.

Dahil kahit mangmang ay alam ang magkabilang-dulo ng isang pa-ngungusap.

Na walang panginoon kung walang alipin. At walang Boss kung walang Busabos!

Balikan natin sandali ang pahayag na ito ni P-Noy roon sa Luneta.

Noong ipinangalandakan niya na “kayo ang boss ko”, ang salitang ito ba ay kanyang ipinaririnig o “bola-bola kamatis” lamang kay Gat. Jose Rizal na naging “piping saksi” sa napakarami nang nangusap na bolerong pulitiko habang nakatanghod ang estatwa ng ating pambansang bayani?

In short, ito kaya ay direktang pambobola sa sambayanang Pilipino at nais lamang ni P-Noy na maging kapani-paniwala sa madla dahil nagmistulang imprimatur si Gat. Jose Rizal?

O ipinahayag ba ito ni P-Noy bilang paglalahad sa tunay na nilalaman ng kanyang puso, ngunit sa dakong huli ay “nagdalanghiya” siya, dahilan kaya hindi na binanggit ang salitang “sabos”?

Huwag na nating bigyan ng masusing pag-analisa ang mga salita ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona nang sabihin nito na hangad lamang ni Pangulong Aquino na maging diktador.

Dahil alam naman ni parekoy na kapag may diktador ay obligadong may busabos!

Bigyang-pansin na lamang natin ang nagtaasang presyo ng panguna-hing commodity sa bansa na ang salarin ay ang pagpaimbulog ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa halip na resolbahin ang panawagan ng taumbayan (Boss) na kanselahin pansamantala ang Value Added Tax sa langis upang hindi na lalong tumaas ang presyo nito, ano ang naging hakbang ng pamahalaang Aquino?

Hindi ba’t tumataginting na salitang “pagtiisan” na lamang natin ito, total aniya ay mayroon namang kapiranggot na “oil subsidy” para sa mga tsuper?

Ang “kasing-kahulugan”, parekoy, ng salitang subsidy ay ayuda, tulong, bigay o limos.

Tanong, kung si P-Noy ay nagbibigay ng limos sa madla, sino ang alila at sino ang panginoon? Ang nag-lilimos ba o ang nililimusan?

Sino ang mayaman at sino ang patay-gutom? Sino ang Boss at sino ang Busabos? Ang nagbibigay ba ng subsidy (limos) o ang nililimusan?

Pero ang higit, parekoy, na maliwanag na pangyayari upang lubos nating mapagtanto ang tunay na depinisyon ng Boss at Busabos ay ang isang kaganapan sa Mindanao.

Sa isang “summit” na ginanap upang mahanapan ng karampatang lunas ang nagaganap na malawakang “brown-out” bunga ng power shortage doon, muling namutawi sa bibig ni P-Noy ang mga salita na siyang nagkanulo sa tunay na kahulugan ng Boss at Busabos.

“Magbayad kayo ng mataas na presyo ng kuryente o pagtiisan ninyo ang malawakang brown-out”.

Sige nga, parekoy, tulong-tulong nga tayo sa pag-analisa kung sa pangu-

ngusap ba na ito ay tayo ang Boss!

Tayo ba ang nagdidikta? Tayo ba ang nasusunod? Tayo ba ang nagmamando? Tayo ba ang panginoon?

Kung may sasagot ng oo, maliwanag, parekoy, na kinakawawa natin ang ating Pangulo.

Ginagawa nating busabos si P-Noy na nagiging sunud-sunuran lamang sa atin!

Sige, parekoy, tayo’y maghasaan ng isip!

Pero ako? Wala nang maisip! Hak, hak, hak!!!

PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09098992775/ 09166951891. 

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleAyaw Mag-Remit?
Next articleXian Lim, very ungentleman?!

No posts to display