SA DARATING na July 27, 2014 magdiriwang ang Iglesia Ni Cristo (INC) ng kanilang centennial anniversary. Ito ay napakalaking kaganapan at napakahalagang okasyong para sa lahat ng kaanib ng INC dahil sa loob ng isang daang taon simula nang maitatag ito, lumaganap na ang aral ng kanilang banal na Iglesia sa mahigit 100 bansa sa buong mundo.
Ito ay kinabibilangan ng 5,600 congregations na may kabuuang bilang na miyembro na humigit sa 27 million worldwide.
Ang kauna-unahang congregation ng INC ay itinatag ng yumaong kapatid nilang si Brother Felix Y. Manalo noong July 27, 1914 sa Punta, Sta. Ana sa Maynila. Naging madali at mabilis ang paglaganap ng INC noon dahil pagsapit ng 1939 ito ay kumalat na sa Ilocos Norte, Cebu at Visayas. At pagdating ng taong 1946, laganap na rin ito sa iba’t ibang parte ng Mindanao.
NOONG JULY 27, 1968, isinagawa ang kauna-unahang worship service ng INC sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng yumaong Executive Minister Brother Eraño G. Manalo sa Ewa Beach, Honolulu, Hawaii – na kung saan doon na rin nagsimula ang Honolulu congregation. Pagkalipas ng isang buwan, naitatag na rin ang San Francisco, California congregation.
Noong taong 1971, lumaganap ang aral ng INC sa bansang Canada at sa iba’t ibang parte ng California. Sa Guatanamo Bay, Cuba naman itinatag ng INC ang kauna-unahan nilang local congregation sa Latin America.
Makaraan ang isang taon, lumaganap na rin ang iba’t ibang congregation ng INC sa Mexico, Aruba at iba pang parte ng Central at South America.
ANG KAUNA-UNAHANG local congregation sa Europe ng INC ay itinatag sa England noong 1972. Tulad ng dati, mabilis ang pagkalat nito sa maraming parte ng Europa pagkalipas lamang ng ilang taon dahil sa kalagitnaan ng dekada ’70, kumalat na rin ito sa bansang Germany at Switzerland.
At pagsapit ng katapusan ng dekada ’80, nakilala na rin ito sa lahat ng Scandinavian countries at mga karatig-bansa nito.
Simula noon, hindi na mapigilan ang paglago ng INC sa mga bansa tulad ng Rome, Italy, Spain, Jerusalem, Israel, Athens at Greece. Sa ngayon, halos sa kasuluk-sulukang parte ng mundo ay kilala na ang INC dahil laganap na ito roon tulad na lang ng mga bansa sa Northern Africa at South Africa.
Hanggang sa bansang Kazahkstan at Sakhalin Island sa Russia ay nakapagtatag na rin ng mga kapilya ang INC. At sa lahat ng bansa sa Asya ay laganap na rin ang mga aral ng INC.
ANG SELEBRASYON sa centennial anniversary ng Iglesia Ni Cristo sa darating na July 27, ay tataon sa pagbubukas ng pinakamalaking arena, stadium at sports complex sa buong mundo. Ito ay ang Ciudad de Victoria Complex ng INC na matatagpuan sa Sta. Maria at Bocaue, Bulacan. Dito magaganap ang isang malaking pagtitipun-tipon ng mga miyembro at bisita ng INC para sa nasabing espesyal na selebrasyon.
Ang Ciudad de Victoria Complex ay may lawak na 75,000 square meters at ito ay may dome na ang sukat ay aabot sa 36,000 square meters. Ito’y sintaas din ng 15 palapag na gusali. Ang expected capacity nito ay hanggang 55,000 katao.
ISA SA katangian ng INC na labis na kahanga-hanga, at isang dahilan na rin kung bakit mabilis ang kanilang paglaganap, ay ang kanilang walang patid na pagkakawanggawa sa pamamagitan ng kanilang medical mission at pagtulong sa mga kapwa na nangangailangan – maging kamiyembro man nila o hindi.
Noong February 15, 2014 halimbawa, napunta sa INC ang Guiness World Record para sa pinakamalaking 24-hour Worldwide Walk. Ang charity walk na ito ay dinaluhan ng 519,521 na mga participant mula sa 54 countries. Ito ay ginawa para tumulong sa mga biktima ng typhoon Yolanda.
Hindi na bago ang mapabalita na ang INC ay regular na nagsasagawa ng kanilang malalaking medical mission events sa iba’t ibang parte ng bansa partikular na sa Metro Manila na dinadagsa ng libu-libo nating kababayan na nangangailangan ng tulong medikal – maging sila man ay kapatid nila sa pananampalataya o hindi.
SI BROTHER Eduardo Villanueva Manalo ang kasalukuyang Executive Minister ng Iglesia Ni Cristo. Panganay siya na anak ni Eraño Manalo at Cristina Villanueva. Ang yumaong Ka Eraño ang pinalitang Executive Minister ni Brother Eduardo.
Si Ka Eduardo Manalo ay nagtapos ng kanyang high school sa Jose Abad Santos Memorial School sa Quezon City. Para sa kanyang kolehiyo, siya ay nag-aral sa University of the Philippines Diliman sa kursong Bachelor of Arts in Philosophy.
Habang ipinagpapatuloy niya ang kanyang undergraduate studies sa UP, kumuha siya ng ministerial studies sa Evangelical College (EVCO) na ngayon ay New Era University na.
Nakapagtapos si Ka Eduardo sa UP noong taong 1978 at sa EVCO noong taong 1980. Matapos makapag-graduate sa EVCO, ang naging unang assignment niya ay sa local congregation ng INC sa Cubao, Quezon City. Siya ay na-ordained bilang ministro noong May 9, 1980 sa INC House of Worship sa Tondo, Manila.
Pagkatapos ng maraming taong pagsisilbi sa iba’t ibang posisyon sa Kapatiran, noong May 7, 1994, si Ka Eduardo ay ginawaran ng posisyon bilang Deputy Executive Minister ng INC matapos iboto – unanimously – ng Church Executive Council.
At bilang Deputy Executive Minister, siya ang naatasang tagapagmana ng tanggapan ng Executive Minister. Kaya noong August 31, 2009, nang pumanaw ang kanyang ama na si Brother Eraño Manalo, siya ang hinirang na kapalit.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo (WSR) sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napapanood din ang inyong lingkod sa programang T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm. At sa Aksyon Weekend, 4:45-6:00 pm tuwing Sabado.
Para sa inyong mga sumbong at reklamo, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo