BUKOD SA mga infrastructure na ipinatatayo at iniiwan ng isang administrasyon pagkatapos ng 6 na taong termino ng Pangulo, tumatatak din ang mga batas na naipasa bilang isang priority bill at legasiya nito. Sa termino ni PNoy ay masasabing ang Reproductive Health Law ang pinakanaging kontrobersyal sa kasalukuyan. Matagal din itong pinagtalunan sa Kongreso at Senado.
Maging ang mamamayan ay nahati rin ang pananaw sa isyung ito. Ang simbahan naman ay nanatiling sarado ang pinto sa mga alternatibo at solusyong iminumungkahi ng Reproductive Health Law gaya ng paggamit ng mga contraceptives. Sa mga buwan na nalalabi sa administrasyong Aquino ay mayroong 2 panukalang batas na inaasahan ng mga tao na maipasa sana at maging ganap na batas. Ito ang Bangsamoro Basic Law (BBL) at Anti-dynasty Law.
Ang Pangulo ay mayroong pagkiling sa BBL Basic Bangsamoro Law dahil inaasahang ito ang magiging sentro ng legasiya ni PNoy. Ang problema sa Muslim Mindanao area ay naging malaking hamon sa mga nagdaang administrasyon. Sa kasalukuyan ay wala pa rin sa ano mang administrasyong nagdaan ang nagtagumpay para makamit ang kapayapaan sa Mindanao.
Ang Anti-dynasty law naman ay tila naging matabang sa pangulo dahil maging siya ay produkto ng isang dinastiya.
ANG ANTI-DYNASTY bill ay matagal nang ipinaglalaban ng Makabayan block sa Kongreso. Ito kasi ang pinagmumulan ng mga korapsyon, at pag-aabuso sa kapangyarihan, ayon sa isang pag-aaral.
Ang pagbibigay-pabor halimbawa ay natural lamang sa mga magkakapamilya. Hindi mo na papipilahin, halimbawa, ang iyong kapatid sa isang pampublikong transakyon kung ikaw ay may kapangyarihang unahin ang kanyang kapakanan.
Maaari ring pagtakpan ang ginawang kamalian ng isang anak na nakapuwesto sa isang pampublikong posisyon, kung ang ama naman ay pangulo ng bansa.
Hindi naman lingid sa ating lahat na halos ganito ang sitwasyon noong panahon ng panunungkulan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Bukod kay GMA na pangulo ng bansa ay nakaupo ang kanyang mga anak at bayaw bilang mga kongresista, kaya naman ay tinaguriang mga “untouchables”ang mga ito.
Hindi rin lang sumesentro ang problema sa political dynasty kina Arroyo. Maging ang mga pangalang Aquino at Binay, ay lumabas sa Senado dahil na rin sa kapangyarihan ng political dynasty.
Hindi rin mabibilang sa kamay ang mga pulitikong nakikinabang sa political dynasty magpahanggang sa kasalukuyan. Batay sa isang pag-aaral sa school of public administration sa University of the Philippines, aabot sa 80% ng mga nakaupo sa mga public offices at halal ng tao ay produkto ng political dynasty.
Sa pagbabalangkas ng pag-aaral na ito ay lumabas na maraming mga mahuhusay na taong maaari sanang nabigyan ng pagkakataon para maglingkod sa taong bayan, ngunit natalo sa eleksyon dahil wala silang pangalan na hinahawakan gaya ng sa isang political dynasty.
ANG KARAPATAN na pumili ang mga botante ng mga pulitikong may mahuhusay na legasiya sa paglilingkod sa bayan ay hindi dapat ipagkait sa mga mamamayan. Ngunit kailangan din nating isipin na mas maraming mga political dynasty ang nag-aabuso at labis itong nakasasama para sa buong bansa.
Maaaring may iilang pamilya na tapat na naglingkod sa bayan, ngunit kailangang magsakripisyo ng mga iilang mabubuting political dynasty para matapos na ang mahabang taon ng pang-aabuso sa kapangyarihan at sa kaban ng bayan ng maraming kurakot at magnanakaw.
Naniniwala ang maraming tao na rito magsisimula ang tunay at malawakang reporma sa pulitika sa Pilipinas. Natural na mahirap maisabatas at maipatupad ang anti-political dynasty bil,l dahil maraming mga kongresista ang nakikinabang dito. Tanging ang kapangyarihan ng Pangulo at impluwensya nito ang susi para maisagawa ito.
Ayon sa isang pag-aaral ng mga eksperto sa Political Science ng De La Salle University, ang Pangulo ng Pilipinas ay ang pinakamakapangyarihan sa pulitika ng bansa kung ikukumpara sa mga kalapit na mga bansa, kung saan ay hindi gaanng nakikita ang kapangyarihan ng pangulo o prime minister sa pulitika. Kaya nasa kamay ng kasalukuyang Pangulo ng Pilipinas ang kapangyarihan para piliting maisabatas ang anti-dynasty bill gamit ang kanyang mga kaalyado sa pulitika sa Kongreso at Senado.
HINDI NA siguro dapat pang pagtalunan kung dapat nga bang ipasa ang BBL bilang isang batas. Ang mga Muslim nating kapatid ay mga Pilipino rin sa puso at isipan. Relihiyon at kulturang paniniwala lamang ang nagpahiwalay sa atin.
Sa loob ng mahabang panahon simula pa nang pagkalooban tayo ng kasarinlan ng mga Amerikano noong 1946, sa unang Republika ng Pilipinas sa pamumuno ni Pangulong Manuel Roxas, hindi na nabigyan ng sapat na ayuda ang mga kapatid nating Muslim sa Mindanao. Makalipas ang napakahabang panahon ay marami pa rin sa mga kapatid nating Muslim ang napag-iwanan ng kaunlaran.
Sa kasadlakan sa buhay ay natuto silang gumamit ng armas para ipaglaban ang kanilang karapatan at naisip nilang paniwalaan na ang pagkakaroon ng kasarinlan at paghiwalay sa Pilipinas ang susi rito. Naging madugo ang digmaan laban sa mga kapatid nating Muslim at mga sundalo ng bansa. Pinoy laban sa Pinoy, iisang lahi ngunit nagpapatayan. Hindi na natin dapat pahabain pa ang ganitong sitwasyon at ang susi ay nasa pagsasabatas ng BBL. Panahon na para paniwalaan natin ang pangakong kapayapaan ng BBL.
Ang kasalukuyang administrasyong Aquino na nagsusulong ng BBL ay nagbuwis na rin ng mga mahuhusay sa kawal ng Pilipinas. Ang kabayanihan ng SAF 44 ay habang buhay nating iispin. Ngunit hindi na natin nais pang magbuwis ng buhay ang mga kawal natin. Sana ay magkaroon ng pagkakaisa ang mga mambabatas natin at tapusin na nila ang paghihirap ng mga mamamayang naiipit sa digmaan sa Mindanao.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo