ABANG-ABA NA ba talaga ang ating kalagayan?
Kamakailan ay napabalita rito at sa ibang bansa na nagiging popular na destinasyon na rin ng mga OFW natin ang bansang Pakistan. Doon, nagtitiyaga sila sa mababang suweldo at ‘di makataong trato para lang makapagtrabaho. At mas masahol, na-lathala sa media ng Pakistan na ang mga nabibiktimang Pinay roon ay nauuwi lang sa prostitusyon.
Hindi na bago ang isyung ito. Marami tayong mga kababayan, na karamiha’y kababaihan, ang nabibiktima ng human trafficking at nabibitag sa prostitusyon. At hindi lang sa Pakistan nagaganap ito.
Pero may isang bagay na nakagugulat sa isyung ito. Ang Pilipinas at Pakis-tan ay itinuturing na kapwa ‘di maunlad na bansa sa Third World. Sa katunayan, halos ‘di na nagkakalayo ang bilang ng mga Pinoy at Pakistani na naghahanapbuhay sa Middle East at iba pang lugar. Nangingibang-bansa ang mga Pinoy dahil sa kawalan ng hanapbuhay rito. Gayundin ang dahilan ng mga Pakistani. Tulad ng Pilipinas, ang ekonomiya nila ay ‘di nagbibigay ng pagkakataon sa mga mamamayan nito na makapagtrabaho nang maayos sa kanilang bansa. Kung halos parehong dahop ang kalagayan natin at kalagayan nila, ano’t pinapatulan pa rin ng mga kababayan natin ang Pakistan gayong mas mababa pa ang kinikita nila roon kaysa rito sa Pilipinas. Katuwiran ng mga OFW, doo’y mabuti na ring nandoon sila, kahit binabarat sa suweldo, kasi’y kahit papaano ay may trabaho sila roon.
Ganoon na ba tayo kadesperado?
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo