KAMAKAILAN, LUMABAS sa i-lang mga pahayagan na napipinto nang magtalaga si President Noynoy Aquino ng permanenteng NBI Director kapalit ni Atty. Nonnatus Caesar Rojas na tumatayo ngayong Officer-In-Charge lamang ng Bureau.
Mas gugustuhin kong magtalaga si P-Noy ng bagong pinuno ng NBI mula sa hanay nito na kung tawagin ay insider. Ito ay sapagkat mas alam ng isang insider kumpara sa isang outsider ang mga masalimuot na bagay tungkol sa Bureau.
Alam din ng isang insider ang kultura at sentimyento ng kanyang matagal nang mga kasamahan at bagay na isaalang-alang niya ito para sa matiwasay na pamamalakad ng kanilang institusyon.
Ang isang outsider ay mangangapa pa at kinakailangang gumugol ng panahon bago tuluyan niyang magamay ang mga pasikut-sikot sa NBI. Samantalang ang isang insider ay wala nang dapat pang matutunan.
PERO DAPAT suriing mabuti ni P-Noy ang pagkatao ng isang insider. Ayon kasi sa impormasyon na nakalap ko mula sa isang source sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA), i-lang mga kawani ng NBI ang nagsisilbing padrino ngayon ng mga smuggler.
Ayon pa sa impormasyon, ilan pa nga raw rito ay mga silent partner mismo ng mga Customs brokerage company. At ang nasabing mga brokerage company ang pasimuno raw sa pag-i-smuggle ng lahat ng uri ng kontrabando.
Kapag nahuli ang mga kargamento ng nasabing mga brokerage company, ang mga kawaning ito raw ng NBI ang siya mismong nagtatatawag sa mga kawani ng Bureau of Customs para pakawalan ang mga kargamento.
Matagal nang gawain ito raw ng ilang mga taga-NBI at ito ang isang dahilan kung bakit mahirap sugpuin ang problemang smuggling sa ating bansa.
Isang paraan daw para dumami ang kliyente ng brokerage na kung saan partner, halimbawa, ang isang kawani ng NBI, ay mananakot at manghuli ng mga smuggler ang nasabing NBI partner. Ang mga smuggler na ito naman daw ay uutusan na dumaan sa brokerage ng nasabing kawani ng NBI para ‘di na magkaroon ng problema sa susunod.
ANG SISTE pa nito, pati ang mga kawani ng Bureau of Customs na ayaw makisama sa kahilingan ng isang kawani ng NBI na silent partner ng isang brokerage company ay nakatitikim din daw ng mga pahiwatig na pagbabanta.
Alam din kasi ng mga taga-NBI na ito kung papaano nila bubutasan ang mga kawani ng BoC – na marami sa kanila ay mga tiwali rin. Kaya humahantong ang resulta sa give and take.
Madali namang malalaman ni Presidente kung sinu-sino itong mga kawani ng NBI na may vested interest sa BoC.
Pero mas marami pa rin ang matino sa NBI. Mula sa hanay ng mga ito dapat piliin ni P-Noy ang magiging bago at permanenteng Director ng nasabing Bureau. Ngunit kung hindi man lang manggagaling dito – kesa manggagaling sa grupo na may interes sa BoC – mas makabubuti pang isang matinong outsider na lamang ang italaga niya.
Kung outsider din lang ang pag-uusapan, puwedeng mamili si P-Noy mula sa hanay ng DoJ. Puwede rin siyang magtalaga ng isang retiradong miyembro ng militar o PNP na isang abogado at bihasa pagdating sa pagkakalap ng intelligence at pagsasagawa ng investigation.
Ang T3 “Kapatid, Sagot Kita” ay mapapanood na ngayon sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm.
Ang teleradyong Wanted Sa Radyo ay mapapakinggan naman sa 92.3 FM Radyo5 at kasabay na mapapanood din sa AksyonTV channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo