MATINDI ANG galit ko sa mga taong mapagmalupit sa mga hayop. Kaya kapag may natatanggap kaming sumbong sa T3 Reload o sa Wanted Sa Radyo (WSR) tungkol sa pagmamalupit sa mga hayop tulad ng mga pusa at aso, ito ay binibigyan namin ng prayoridad at agad na inaaksyunan.
Pero ang ginawa ni Anna Cabrera, Director ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa isang boy ng isang cafeteria kamakailan ay overacting na at maituturing ding hindi makatao.
Ang probinsyanong boy ay nagmagandang-loob na dalhin sa PAWS ang dalawang pagala-galang kapapanganak lamang na kuting sa kanilang cafeteria upang ito ay maalagaan at masagip sa nakasisiguro nang kamatayan sapagkat hindi makita ang ina nito na siyang pagkukunan sana ng gatas ng nasabing mga kuting.
Sa halip na pasalamatan at papurihan, agad na ipinaa-resto ni Cabrera sa mga pulis ang nasabing boy at ipinakulong. Ang tanging kasalanan lamang ng pobre at probinsyanong boy ay isinilid niya sa sako ang mga kuting. Ito raw ay isang kalupitan dahil ang sako ay hindi tamang lalagyan para raw sa mga hayop sapagkat mahihirapan silang makahinga rito, ayon pa kay Cabrera nang ma-interview siya ng News5.
Dagdag pa ni Cabrera, kung kinakailangan daw nilang
magpakulong ng ignoranteng tao para makapagbigay lamang ng mensahe sa lahat laban sa kalupitan sa mga hayop, iyon ay gagawin raw nila.
BAKA HINDI lang OA itong si Cabrera, marahil isa rin siyang taong KSP (kulang sa pansin). Pero kung pansin lang ang pag-uusapan, hindi ko na mabilang ang ilang beses na na-interview namin si Cabrera tungkol sa usaping animal cruelty.
Sana pinangaralan na lamang ni Cabrera ang nasabing boy sa halip na ipinakulong. Dahil below minimum wage lamang ang suweldo ng nasabing boy sa cafeteria kung kaya’t wala siyang pang-piyansa, mukhang mabubulok siya sa kulungan at makakahalubilo ang mga tunay na pusakal ng lipunan sa loob ng city jail.
Magsabi lang si Cabrera at hindi ako magdadalawang-isip na kapanayamin siyang madalas sa T3 at maging sa WSR, pati na sa espasyong ito upang pasikatin siya at ang kanyang adbokasiya – kung gusto niya – pero dapat marunong din siyang maging makatao.
Hindi magandang mabansagan nga siyang makahayop pero tatawagin naman siyang hindi makatao.
Sa muli, walang intensyon ang nasabing boy na saktan ang nasabing mga kuting bagkus nagpakita pa nga siya ng pagkahabag sa mga ito sa pamamagitan ng pagdala sa kanila sa PAWS upang mapaganda ang kanilang kalagayan. Pero ang kabaitang ito ay sinuklian naman ng kalupitan ng PAWS. Ito ay malinaw na isang cruelty laban sa isang inosenteng pobreng boy. Dahil dito, lumilitaw na ‘di makataong makahayop si Cabrera.
ANG WANTED Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5. Ito ay kasabay na napanonood sa Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm. Sa mga nais na dumulog sa action center ng WSR, magtungo lamang sa 163-E Mother Ignacia Avenue, Brgy. South Triangle Quezon City mula 8:00 am – 5:00 pm.
Ang T3 Reload naman ay napanonood sa TV5 at kasabay na napanonood din sa Akyon TV Channel 41 at napakikinggan sa 92.3 FM, Lunes hanggang Biyernes, 5:30 – 6:00 pm.
Alamin ang mga kaganapan sa ating bayan sa isang buong linggo at manood ng Aksyon Weekend tuwing Sabado, 6:30 – 7:00 pm. Sa mga nais magparating ng sumbong sa inyong lingkod, mag-text sa 0908-87-TULFO o 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo