KILALA ANG mga mag-aaral ng University of the Philippines bilang Isko at Iska dahil sila ay mga iskolar ng pamahalaan. UP rin ang nakasungkit ng unang spot sa ranking ng Best Schools dito sa bansa. Kasama rin ang UP sa listahan ng pinakamagandang unibersidad sa buong mundo. Magagaling din na mga propesor ang nagtuturo rito. Wala na rin sigurong hihirap pa sa entrance exam ng UP o ‘yung tinatawag na UPCAT. Pero kahit alam ng maraming bagets na ubod ng hirap ang pagsusulit, marami pa rin sa kanila ang sumusubok dahil sa pag-aasam na makapag-aral dito. Kaya nga ang taas ng aking paghanga sa mga Isko at Iska dahil tunay ngang napakahusay nila.
Namamayagpag din ang University of the Philippines Pep Squad sa larangan ng UAAP Cheerdance competition dahil sa dami ng kanilang nasungkit na top spot! Kapantay nila ang University of Santo Tomas Salinggawi Dance Troup sa dami ng championship titles na nauwi. Pero nitong mga nagdaang taon, naging back-to-back-to-back ang pagiging kampeon ng UP Pep Squad, nitong nakaraang taon lamang sila naging pangalawa sunod sa National University, ang defending champion ngayon.
Ngunit, subalit, datapwa’t, may kasabihan nga tayo na walang perpekto sa mundo at hindi lahat ng gusto mo ay puwede mong makuha. Parang ang UP, kahit gaano pa sila kagagaling sa maraming larangan, mayroon pa ring mga bagay-bagay na hindi mapasakanila at ang tinutukoy ko ang pagiging kampeon sa UAAP Basketball League. Kahit nga isang panalo lang sa season walang masungkit ‘eh, lagi silang 0 – 14 at sila rin lagi ang may pinakakulelat na standing. Pero pero pero, noong Sabado lamang, August 9, ang matagal nang inaasam-asam na panalo ay nakuha rin ng UP Men’s Basketball Team! Natalo nila ang Adamson University Falcons sa iskor na 77 – 64.
Uhaw na uhaw sa pagkapanalo ang UP. Paano ba naman, taong 2012 pa ang huling panalo ng Fighting Maroons sa UAAP Men’s Basketball at ito ay laban nila sa UE Red Warriors sa score na 63 – 48. Hindi rin naman natin masisisi kung bakit sobra-sobra sa saya ang bawat Isko sa kanilang unang panalo ngayong season, nagka-bonfire celebration pa nga noong Sabado dahil matapos nga ang 27 na laro mula pa noong 2012, nanalo rin ang UP Fighting Maroons!
Sina Mikee Reyes at JR Gallaza ng UP ang nakapag-ambag ng 52 na pinakamalalaking puntos sa laro. Sabi ng mga manlalaro ng UP, nakatulong daw ang dalawang flat screen TV na idinonate sa kanila para maobserbahan ang bawat laro ng ibang teams. Sabi rin ni Mikee Reyes, kay sarap daw makatikim ng panalo sa matagal na panahon ng pagkatalo. Ibinahagi pa nila sa madla na dati raw sinasabihan lang daw sila ng kanilang coach na “Do your best” pero ngayong season, iba na raw at ito ay “Win the game”.
Ang pagkapanalo ng UP ay nagbigay rin ng tuwa sa iba pang teams mula sa iba’t ibang unibersidad. Nakatutuwang isipin na naging masaya ang lahat sa kanilang panalo na tinatamasa.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo