Ang dispalinghadong ombudsman at ang jueteng ni Aging

SA KAGULUHANG NAGAGANAP ngayon sa Caloocan City ay muling ipinakita ni Acting Ombudsman Orlando Casimiro ang kalokohan ng nasabing tanggapan.

Wala tayong pakialam, parekoy, kung totoo man o hindi ang akusasyong isinampa ni Vice Mayor Edgar Erice laban kay Mayor Recom Echiverri.

Na kesyo hindi binayaran ni Echiverri ang pagkakautang ng Lungsod ng Caloocan sa GSIS.

‘Yan ay sa kabila ng pag-amin mismo ni GSIS Chairman Daniel Lacson, Jr. na ang nasabing pagkakautang ng lungsod ay simula noong 1997-2002.

Matatandaang si Echiverri ay umupo bilang meyor noon lamang Hulyo 1, 2004.

Ang punto natin, parekoy, ay ang oras kung saan noong Hulyo 7, 2011 ay isinampa ni Erice ang nasabing reklamo sa Ombudsman.

Noon namang Hulyo 11, 2011 ay muling nagsampa si Erice sa Ombudsman ng “motion for preventive suspension” laban kay Echiverri.

At ang nakagugulat ay ilang araw lamang ang nakalipas, o eksakto noong Hulyo 17, 2011 ay nagpalabas na nga ang tanggapan ni Acting Ombudsman Orlando Casimiro ng suspension order laban kay Echiverri, kung saan ang nasabing alkalde ay sinuspinde ng anim na buwan.

Ang reklamo ni Echiverri dahil napakabilis daw ng action ng Acting Ombudsman gayung ni hindi pa siya (Echiverri) nakatatanggap ng kopya ng nasabing reklamo.

Ito, parekoy, ang ating sinasabing kalokohan ng Ombudsman.

Na sa sandamakmak na asuntong naka-pending sa kanilang tanggapan ay bakit hindi nila mabigyan ng action?

Katunayan ang iba nga ay inaamag na sa lintek na opisinang ‘yan pero walang nangyayari.

Isa na sa nasabing mga nakabinbin na asunto ay ang kaso laban sa dating acting mayor ng Pasay City na isinampa noon pang 2008 pero hanggang ngayon ay wala pa ring nangyari.

Pero itong kaso ng Caloocan ay ga-kidlat sa bilis.

Dahil ba isang “super-lakas” sa palasyo ang backer ni Erice?

KAMPANTE TALAGA ANG mga tauhan ng gambling lord na si Aging Lisan habang nagsasagawa ng kanilang iligal na sugal sa O-longapo City.

Dahil ayon sa mga gagong “tawiwit” ni Aging Lisan, maliban sa nakatimbre sila kay Mayor James “Bong” Gordon, Jr. ay kumpleto ang parating ng kanilang Bosing Aging sa kapulisan.

Ano kaya ang masasabi rito ni Mayor Gordon?

Kung hindi totoo itong inginangakngak ng mga “tawiwit” ni Aging Lisan, bakit nga ba hindi mo kayang ipatigil itong Jueteng ni Aging?

Ha?

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleSuper-palpaks
Next articlePa-wholesome na aktor, ubod ng yabang at sobrang user sa dyowang aktres

No posts to display