SA TUWING buwan ng Mayo, ang Flores de Mayo ay isinasagawa. Parte naman ng Flores de Mayo ang prusisyon na isinasagawa, ang Santacruzan.
Ang Flores de Mayo ay ang pista ng bulaklak na ipinagdiriwang ng mga Filipino sa buong buwan ng Mayo bilang pagbibigay-parangal kay Birheng Maria. Bawat isang araw sa buong buwan ng Mayo ay naghahandog ng bulaklak kay Maria para sa kanyang taglay na huwarang kalinisan at kabutihan.
Ang pagdiriwang ng Flores de Mayo ay pinaniniwalaang nagsimula noong 1854 nang ang Vatican ay nagproklama ng doktrina ukol kay Immaculada Concepcion. Ito ay unang ipinagdiwang sa Bulacan at kinalaunan ay lumaganap sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas, at Pampanga.
Ang Santacruzan ay isang prusisyon na isinasagawa sa huling bahagi ng pagdiriwang ng Flores de Mayo. Inilalarawan nito ang paghahanap sa Banal na Krus ni Reyna Elena, ang ina ni Constantino. Dinala ng mga Espanyol ang pagdiriwang na ito dito sa ating bansa at naging bahagi na ng ating tradisyon.
Maraming taon ang nakalilipas, ang emperador ng Roma na si Constantino ay nanaginip na siya ay hinihingan ng tulong na pumunta sa isang digmaan upang lumaban sa ngalan ng Banal na Krus. Nasupil niya ang kanyang kalaban at ang kanyang tagumpay ay naging sanhi nang kanyang pagiging Kristiyano. Siya ang naging unang Kristiyanong emperador sa kasaysayan. Dahil sa lahat ng mga pangyayari, nagkaroon ng inspirasyon ang kanyang ina na si Reyna Elena at noong taong 326 A.D., nagsagawa siya ng isang paglalakbay sa Banal na Lugar upang hanapin ang Banal na Krus.
Ang prusisyon na ito ay nakaayos sa pagkakasunud-sunod mula kay Mathuselah na ang imahe niya ay may balbas at nakayukod, Reyna Banderada na nakasuot ng pulang damit at may dalang dilaw na triyanggulong bandila, Aetas na nilalarawan ang kalagayan ng bansa bago dumating ang Kristiyanismo, Reyna Mora na ang simbolo ay tumutukoy sa dominanteng relihiyon bago dumating ang Kristiyanismo, Reyna Fe na sumisimbolo ng birtud ng pananampalataya, Reyna Esperanza na sumasalamin sa birtud ng pag-asa, Reyna Caridad na sumisimbolo sa birtud ng pagkakawang-gawa.
Reyna Abogada na tagapagtanggol ng mga mahihirap at naaapi. Reyna Sentenciada na sumisimbolo ng mga inosenteng tao na nahatulan ng pagkakasala at sinasamahan siya ng dalawang sundalo. Reyna Justicia na isang personipikasyon ng “salamin ng katarungan”. Reyna Judith na kinakatawan si Judith ng Pethulia, ang naging tagapaligtas ng kanyang siyudad laban sa mga Assyrian, matapos niyang pugutan ng ulo ang mga malulupit na Holofern. Reyna Sheba na nagdadala ng kahon ng mga alahas. Reyna Esther na isang biblikal na Hudyo na nagligtas sa kanyang mga kababayan mula sa kamatayan at pagkawasak.
Samaritana, ang babaeng kinausap ni Kristo sa balon. May dala siyang lalagyan ng tubig sa kanyang balikat. Veronica, ang babaeng nagpunas ng mukha ni Kristo. May hawak siyang bandana kung saan nakabakas ang tatlong mukha ni Kristo.
Ang Tres Marias: Mary of Magdalane na dala-dala ang isang bote ng pabango; Mary, ang Ina ni Kristo na may dalang panyo; Mary, Ina ni Santiago na may dalang bote ng langis. Marian na nagdiriwang sa maraming katawagan kay Birheng Maria; at si Reyna Elena, ang bantog na personang nakahanap ng tunay na Krus. May dala siyang maliit na krus at konsorte naman niya ang kanyang anak na si Constantino.
Ito ang ilang mga impormasyon tungkol sa Flores de Mayo at Santacruzan.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo