ISA ANG Formal Economy sa mga kategorya ng miyembro ng PhilHealth na may malaking bilang ng membership. Kabilang dito ang:
- Lahat ng nagtatrabaho sa gobyerno at pribadong opisina – regular, casual, contractor o project-based.
- Mga may-ari ng micro, small, medium at large enterprises
- Mga kasambahay (R.A. 10361 or “Kasambahay Law”)
- Mga family drivers
Madali lamang ang pagpaparehistro ng mga nagtatrabaho sa gobyerno at pribadong opisina. Kung wala pang PhilHealth Identification Number (PIN), kinakailangan lamang na punan nang maayos at kumpleto ang PhilHealth Member Registration Form (PMRF) at ibigay ito sa employer para isumite sa PhilHealth kasama ang ER2 Form (Report of Employee-Members). Hindi na kailangang magsumite ng anumang supporting document maliban na lamang kung ito ay hihingiin ng PhilHealth.
Kung mayroon nang PIN ang isang empleyado, kailangan lamang na ipaalam niya ito sa kanyang employer upang mailagay ito sa ER2. Ipadadala ng PhilHealh sa employer ang PhilHealth Identification Card at Member Data Record (MDR) ng miyembro.
Para naman sa mga employer, hindi na kinakailangan pang magsumite ng dokumento kung ito ay nakarehistro na sa Philippine Business Registry (PBR). Kung hindi pa PBR-registered, kinakailangang isumite ang mga sumusunod:
- Single proprietorships – DTI Registration
- Partnerships, corporations, foundations at iba pang non-profit organizations – Securities and Exchange Commission registration
- Cooperatives – Cooperative Development Authority (CDA) registration
- Backyard industries/ventures at micro-business enterprises – Barangay Certification o Mayor’s permit
Upang mai-enrol naman sa Formal Economy ang mga kasambahay at family drivers, kailangan lamang isumite ng kanilang employers ang mga sumusunod sa pinakamalapit na PhilHealth office:
- Household Employer Unified Registration Form
- Household Employment Unified Report Form
- Unified Registration Form
Ang halaga ng kontribusyon ay paghahatian nang pantay ng employer at empleyado ayon sa buwanang sahod ng empleyado nang hindi hihigit sa 2.5%.
Upang matiyak na agad naka-post sa PhilHealth database ang inihulog ng isang employer para sa kanyang mga empleyado, hinihikayat ng PhilHealth na gamitin nito ang EPRS o ang Electronic Premium Reporting System (EPRS). Ang nasabing sistema ay maaaring i-download sa www.philhealth.gov.ph/onlineservices. Punan lamang nila ang Electronic PhilHealth Online Access Form (ePOAF) at isumite ito sa pinakamalapit na PhilHealth Office.
Para naman sa mga employers na may sampu o mas mababa pa sa sampung empleyado, maaari pa
rin silang magsumite ng kanilang remittance forms o RF-1 na naka-hard copy. Ito ay kailangang isumite sa ika-15 araw pagkatapos ng applicable month at ang quarterly reports naman ay dapat isumite sa PhilHealth sa o bago ang ika-15 araw pagkatapos ng applicable quarter.
Anu-ano naman ang mga benepisyong maaaring ma-avail ng mga miyembro sa ilalim ng Formal Economy?
Una, may in-patient benefit packages o mga pakete ng benepisyong maaaring mapakinabangan ng miyembro at ng dependent nito kung ito ay naospital nang hindi bababa sa 24 oras. Halimbawa, naospital ang isang empleyado ng isang pagawaan ng pintura dahil sa sakit na High Risk Pneumonia. Ibabawas sa kabuuang bayarin niya ang halagang P32,000 bilang kaukulang benepisyo nito para sa nasabing sakit. Ang tawag dito ay case-based payment, kung saan may nakalaan nang halaga sa bawat kondisyong medikal na maaaring maging sanhi ng pagpapa-ospital ng miyembro.
Mayroon ding Z Benefit Package para sa mga malalang sakit na nangangailangan ng mahaba at mahal na gamutan. Ilan sa mga karamdamang ito ay breast cancer at prostate cancer na may benepisyong P100,000 bawat isa.
Mayroon ding out-patient benefits na naka-pakete na rin tulad ng paggamot sa Tuberculosis sa pamamagitan ng Directly Observed Treatment Short-course; paggamot sa Malaria na maaaring makamit sa mga accredited rural health units; at pakete naman para sa paggamot ng kagat ng aso o iba pang hayop na maaari namang makamit sa mga accredited animal bite treatment centers ng pamahalaan.
Kung ang isang Formal Economy member ay hindi na namamasukan, maaari pa rin niyang ituloy ang kanyang pagiging miyembro. Magpalipat lamang ng membership category mula Formal patungong Informal Economy, at magbayad ng prima sa alinmang tanggapan ng PhilHealth o accredited payment center:
Kung ang buwanang kita sa nakaraang 12 buwan ay P25,000 pababa, ang quarterly premium ay P600.00
Kung ang buwanang kita sa nakaraang 12 buwan ay mahigit sa P25,000, ang quarterly premium ay P900.00
Maaaring magbayad quarterly, semi-annually o annually.
Para sa karagdagang katanungan, tumawag lamang sa Corporate Action Center ng PhilHealth, 441-7442 o magpadala ng e-mail sa [email protected] o maaari ring bumisita sa www.facebook.com/PhilHealth o sa www.youtube.com/teamphilhealth.
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas