ANG MGA SECURITY guard na marahil ang pinakaaping manggagawa sa ating bansa. Halos karamihan sa kanila ay nagtatrabaho ng hindi bababa sa dose oras kada araw, sa sahod na ‘di lalampas sa three hundred pesos per day. Ibig sabihin, bukod sa wala sa minimum wage ang suweldo nila, hindi rin sila binabayaran ng over time.
Mababa na nga ang pasahod, madalas delayed pa ito. Kung minsan pa, hindi talaga sila nakakatikim ng suweldo at pinababale-bale lamang.
Ngunit hindi dito nagtatapos ang kanilang kalbaryo dahil marami sa kanila ang pinagtatrabaho nang walang day-off. Kadalasan pa, hindi lang pagbabantay ang kanilang nagi-ging trabaho – ginagawa rin silang receptionist, telephone operator, janitor, kargador at traffic assistant.
Ngunit ang pinakamasaklap sa lahat ay kaawa-awa na nga ang kanilang sitwasyon, ninanakawan pa sila pagdating ng suweldo. Kinakaltasan sila para sa SSS, PhilHealth at BIR ngunit hindi naman nire-remit ang pera sa mga nasabing ahensiya. May ilan din sa kanila ang kinakaltasan ng mga halaga na hindi malinaw kung para saan.
At ang pinakaaasam-asam ng mga tulad mo at tulad ko pagdating ng Pasko – ang 13th month pay – ay hindi natatanggap ng napakarami sa kanila.
Hanggang sa kanilang pagre-resign, hindi pa rin sila tinatantanan ng pang-aapi dahil kinailangang mapudpod muna ang kanilang mga sapatos sa kakabalik-balik sa kanilang ahensiya bago makuha ang kanilang cash bond. Kapag minalas-malas pa nga, hindi na nila ito nakukuha, dahil sa katagalan, ang ahensiya nila kundi man nagsara na ay nagpalit na ng pangalan.
Bakit ko alam ang lahat ng ito? Dahil sa tinagal-tagal ng panahon, araw-araw walang patid ang pagdagsa ng mga security guard sa action center ng WANTED SA RADYO (WSR) at idinudulog ang mga nabanggit kong pang-aapi.
NGAYON ANG MALAKING tanong, nasaan na ang mga pulitiko ng mga party-list group na nangako na kapag nailuklok ang kanilang grupo sa Kongreso tututukan nila ang kapakanan ng mga security guard?
May mga pulitiko, tanggapin man nila o hindi, na wala sa Kongreso ngayon kung hindi dahil sa mga security guard. Ang bilang ng mga security guard sa buong bansa ay aabot sa 450,000. At kapag isinama mo rito ang kanilang asawa’t mga kamag-anak, ang voting population nila ay aabot din sa mahigit isang milyon.
Kung talagang may pagpapahalaga ang mga pulitikong ito sa mga taong nagluklok sa kanila sa puwesto, gumawa na sana sila ng mga batas na tutugon sa mga nabanggit kong problema.
Ang siste, karamihan sa mga pulitikong ito, kundi man nagmamay-ari ng security agency, sila o ang kanilang mga kamag-anakan ay kasosyo sa mga security agency.
Wala naman talaga silang pagpapahalaga sa mga security guard, ginamit lamang ng mga tarantadong ito ang mga sekyu para maisakatuparan ang kanilang kasakiman at kapakanan. Ang galing nilang mambola.
ANG INYONG SHOOTING RANGE ay napapanood Lunes hanggang Biyernes, 11:30-12:15 pm sa Balitaang Tapat sa TV5. Pagsapit ng 2:00-4:00 pm naman, ang inyong SHOOTING RANGE ay napapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, sa programang WSR na naka-simulcast sa Aksyon TV Channel 41.
At pagdating naman ng 5:30-6:00 pm, ang inyong SHOOTING RANGE ay mapapanood pa rin sa TV5, sa programang T3. At tuwing Lunes, 11:30 pm, matutunghayang nakikipagbakbakan ang inyong SHOOTING RANGE sa mga mapang-api at mapang-abuso sa programang WANTED sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo