MAY NAMUMUONG sigalot nga-yon sa pagitan ng dalawang grupo sa loob ng Bureau of Plant Industry (BPI) na maaaring humantong sa isang malaking iskandalo kung hindi maaagapan.
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, ang dalawang halos hindi na mapipigilang mag-uumpugang-bato ay ang grupo ni BPI Director Clarito M. Barron sa isang panig at ang kanyang chief of Quarantine Service na si Luben Q. Marasigan sa kabilang banda naman.
At ang sentro umano ng kanilang pinag-aawayan ay ang karapatan at kapangyarihan sa pag-isyu ng mga extended import permit. Ang grupo ni Barron ay kaanib ni LEAH CRUZ, presidente ng Vegetable Importers, Exporters and Vendors Association (VIEVA), samantalang kaanib naman ng tropa ni Marasigan ang mga independent vegetable importer.
Nagsimula ang lahat nang may natanggap na liham ang Bureau of Customs noong January 1, 2012 mula umano kay Barron. Sa nasabing liham, pinapayagan ni Barron si Marasigan na pumirma ng ilang mga extended import permit para sa bawang hanggang April 30, 2013.
Nasundan ito ng isa pang liham noong April 1, 2013 – mula pa rin umano kay Barron – na pinahahaba pa ang karapatan ni Marasigan hanggang December 20, 2013 para pumirma ng mga nasabing extended import permit.
PERO NOONG March 26, 2013 pa lang, isang liham ang natanggap na ng opisina ni BoC Commissioner Ruffy Biazon mula kay Barron pa rin. Sa bagong liham na ito, mariing pinabulaanan ni Barron ang kanyang pagbibigay ng karapatan kay Marasigan na pumirma ng mga extended permit para sa bawang. Lumilitaw rito, animo’y pineke ni Marasigan ang pirma ni Barron sa mga naunang liham nito sa BoC na paborable sa kanya.
Nakasaad din sa liham na ito ang paghiling sa bureau na hulihin ang lahat ng mga pumapasok na imported na bawang na gumagamit ng import permit na may pirma ni Marasigan.
Ayon pa sa source, nagsumbong umano si Cruz kay Barron dahil ang mga dati niyang suki ay unti-unti nang nawawala, at ito pala ay dahil nakapag-i-import na sila nang kanya-kanya – sapagkat nakakukuha na sila ng import permit mula kay Marasigan.
Nakakuha raw kasi ng kakampi ang ibang independent garlic importer sa katauhan ni Marasigan matapos ma-monopolize umano ni Cruz ang pagkuha ng import permit para sa bawang na kanya namang “pinagagamit” umano sa ibang mga importer sa mapagkakasunduang halaga – na kadalasan ay mataas na presyo.
NOONG APRIL 2, 2013, isang liham pa rin ang natanggap ng BoC mula kay Barron. Kinokontra nito ang mismong liham na supposed to be ay ipinadala rin niya sa bureau noong April 1, 2013. Sa bagong liham na ito, sinabi ni Barron na may pahintulot mula sa BPI ang mga extended import permit para sa bawang, pero siya lang dapat ang may karapatang pumirma rito at wala nang iba pa.
Mabilis naman ang naging aksyon ng tanggapan ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Danilo Lim sa kalituhang ito. Nag-alert ang grupo ni Lim ng ilang container ng bawang na covered ng extended import permit na pirmado ni Barron noong April 26, 2013.
Kasabay noon, lumiham si Director Dino Tuazon ng Customs Intelligence and Investigation Service kay Barron para humingi ng clarificatory advise hinggil sa legitimacy ng kanyang mga extended import permit. Pero hanggang ngayon, wala pa rin daw natatanggap na formal response ang bureau hinggil dito.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagpasok ng hindi bababa sa 30 containers kada linggo ng mga bawang gamit ang extended import permit na ekslusibong mga pag-aari umano ng mga kaanib ni Barron na siya namang ikinangingitngit sa galit ng grupo ni Marasigan.
(Itutuloy)
Shooting Range
Raffy Tulfo