SA PANAYAM ng kapatid kong si Erwin sa kanyang programang “Punto Asintado” sa Radyo5 kay Department of Agriculture Secretary Proceso Alcala noong katapusan ng Abril, mariin niyang sinabi na walang iniisyung “extended” importation permit (IP) ang Bureau of Plant Industry (BPI) para sa pag-angkat ng mga bawang.
Kanya ring idinagdag na hindi niya pinahihintulutan ang pagbibigay ng extension sa mga nag-expire ng mga IP ng garlic lalo pa’t harvest season ngayon ng bawang dito sa atin at ayaw niyang maapektuhan ang ating mga magsasaka. Ang susunod na dapat na opisyal na pagbibigay ng IP para sa bawang ay sa August pa ng taong ito.
Ang pagbibigay ng pahayag ni Alcala tungkol sa usaping ito ay bilang kanyang kasagutan sa mga kumakalat na balita hinggil sa patuloy na pagbibigay ng BPI ng IP para sa mga bawang sa kabila ng ipinalabas niyang kautusan – noong nakaraang taon pa – na ipinatitigil ang pag-iisyu ng IP para sa nasabing gulay.
Ayon pa sa mga kumakalat na balita, ang mga dati nang nagamit na IP at nag-expire noong nakaraang taon ay tinatatakan lamang ng “extended” at muling ipinagagamit sa mga pinapaborang importer.
BASE SA mga binitiwang pahayag ni Alcala, dalawang bagay ang lumilitaw tungkol sa uri ng kanyang pamamalakad sa DA. Una, wala siyang alam sa mga nangyayari sa mga tanggapan na pinangangasiwaan ng kanyang departamento tulad ng BPI. Ang usapin tungkol sa pag-iisyu ng mga “extended” IP ay isang napakalaking bagay na hindi dapat nakalulusot sa kanyang kaalaman. Dito pa lang, nagmimistula na siyang tanga.
At pangalawa, hindi siya nirerespeto, bagkus, siya ay binabastos pa ng kanyang mga tao. Lantarang sinusuway ng kanyang mga tauhan ang kanyang mga kautusan. Kung bakit nakaya siyang bastusin ng kanyang mga tauhan, tanging si Alcala lamang ang nakaaalam.
Pero ang inyong magiging tanong ngayon, hindi kaya alam ni Alcala ang lahat ng mga pinaggagagawa ng kanyang mga tao at siya ay nagmamaang-maangan lamang?
NOONG APRIL 2, 2013, nagpadala ng liham sa Bureau of Customs ang kanyang BPI director na si Clarito M. Barron para ipabatid sa mga kawani ng customs na inaamyendahan niya ang patakaran tungkol sa “extended” IPs para sa mga bawang, at siya na lamang ang puwedeng maging signatory sa mga IP na ito.
Bago nito – noong January 1, 2012, lumiham si Barron sa BoC para sabihing pinahihintulutan ng BPI ang chief ng kani-lang Quarantine Service na si Luben Q. Marasigan para pumirma sa mga “extended” IP. Pero binawi rin niya ito noong March 26, 2013 sa pamamagitan ng isa pang liham na ipinadala pa rin niya sa BoC kung saan nakasaad na hindi niya pinahihintulutan si Marasigan na pumirma sa mga “extended” IP.
KUNG NAIS linisin ni Alcala ang kanyang pangalan upang lumitaw na wala siyang kinalaman sa katiwaliang ito at hindi siya isang bastusing amo, bakit hindi niya sampahan ng kaso sa Ombudsman si Barron para lumabas ang katotohanan?
At para matigil na rin ang nangyayaring kalituhan sa BoC, kinailangang magpadala ng liham si Alcala kay Commissioner Ruffy Biazon para ihayag ang official stand ng DA hinggil sa usapin ng “extended” IPs.
Mahigit tatlong linggo na nang magpadala ng liham ang BoC sa pamamagitan ni Director Dino Tuazon ng Customs Intelligence Investigation Service upang humingi ng clarificatory advise kay Barron hinggil sa legitimacy ng mga “extended” IPs na patuloy na pinapayagan ng BPI na magamit ng ilang mga importer ng bawang.
Pero hanggang sa ngayon wala pa ring sagot si Barron. Dapat tanungin ni Alcala kung bakit ayaw sagutin ni Barron ang liham ni Tuazon. Ito ay kung talagang inosente si Alcala at hindi niya alam ang pinaggagagawa ng kanyang mga tauhan.
Shooting Range
Raffy Tulfo