GUSTO MO bang yumaman, pero ayaw mong mayaya sa coffee shop? Siguro naman naiintindihan n’yo ang half-meant na biro ko. Sa panahon ngayon, kabilaan ang mga nabibiktima ng mga scam at bogus na networking o investment schemes. Kahit na paulit-ulit nang nababalita ang mga Pinoy sa mga modus na ito, hanggang ngayon, marami pa rin ang nananakawan ng kanilang perang pinaghirapan. Kadalasan sa mga nabibiktima nito ay may mga pamilyang umaasa sa kanila. Kay sakit naman. Huwag na huwag hayaan na mabiktima nito.
Kaya naman ako ay may ipakikilalang bagong HERO na sasalba na sa inyo sa kahirapan, tutulungan pa kayong umasenso.
Apat lang ang dapat tandaan. Parang ang apat na letra sa salitang HERO. Ang hero mo sa larangan ng investment. Sa panahon ngayon, hindi na sapat ang traditional deposit gaya ng savings account at time deposit account. Sa madaling salita, sa panahon ngayon, hindi na sapat ang basta-basta mag-ipon lang. Bakit? Dahil sa kaiipon mo nang kaiipon, hindi mo napapansin, nakaipon ka nga, pero ang kapangyarihan ng pera mo na makabili ng mga bagay-bagay ay pakaunti na nang pakaunti. Kinakailangan mong mag-invest! Sa larangan ng investing, may hero ka!
Sino nga ba ang hero na ito? At anong kapangyarihan ang kanyang taglay?
- H-orizon
Sa larangan ng investing, dapat tandaan ang Horizon. Ano ibig sabihin nito? Kinakailangan, alam mo kung hanggang kailan mo kaya patulugin ang iyong pera sa iyong pag-iinvest-an. Dapat maging makatotohanan lahat ang iyong mithiin! Huwag aasa na bukas, yayaman ka, agad-agad! Dahil napakaimposible nito maliban na lang kung nanalo ka sa lotto. Sa pag-i-invest, ang kaibigan mo rito ay oras.
- E-xperience
Sa pag-i-invest, huwag sige-sige! Dapat isaalang-alang mo ang iyong karanasan. Kasi kung bago ka pa lang na investor, dapat mag-invest ka lang sa mga konserbatibong produkto muna. Ito ‘yung mga investment na pang short term lang. Kumabaga, para lang masubukan. At hindi ka mabigla, paglagyan muna ang mga investment outlets na konserbatibo na pang short term lang. Hindi gaano kalaki ang tubo na makukuha mo, pero mas mataas pa rin naman sa traditional deposit products ng mga produkto. Kung may experience ka naman na, p’wede ka na ring mag-invest sa mga mas agresibong investment outlets.
- R-isks
Sa lahat ng kuwento ng pag-asenso, may kailangang haraping risks. Wala nang libre sa mundo! Kaya dapat alamin mo muna lahat ng risks na posible mong kaharapin. Paano mo malalaman ito? Simple lang, mag-research, magbasa ng mga bali-balita, at magtanong sa mga eksperto o sa mas nakaaalam.
Mahalagang malaman ang mga ito para handa at alam naman natin ang mga hindi magagandang puwedeng mangyari.
- O-bjectives
Lahat ng bagay, may dahilan. Lahat ay may dapat patunguhan. Lahat ay iyong makukuha kung umpisa pa lang alam mo na ang gusto mong makuha. Nakalilito ba? Ang ibig sabihin lang naman n’yan ay dapat sa umpisa pa lang, alam mo na kaagad sa sarili mo kung para saan o para kanino ba ang pag-i-invest na ginagawa mo. Sa ganitong paraan, mas madali kang makapagpo-focus dahil alam mo na agad kung para saan ang mithiin mong umasenso. Sabi nga nila, hindi ka makapaglalakbay kung hindi mo alam ang iyong pupuntahan.
Hindi madaling umasenso. Pinaghihirapan ito. Pero kung susundin mo naman ang H-E-R-O mo, maliligtas ka sa kapahamakan.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo