LIKAS NA sa mga kabataan ngayon ang pagkahilig sa mga kakaiba. Mula sa kakaibang hairstyles tulad ng ombre hair sa mga babae at Mohawk sa mga lalaki, kakaibang konsepto ng mga kainan sa Maginhawa, kakaibang accessories na gawa sa goma, ang loom bands, kakaibang aktibidad tulad ng Outbreak at Scream Park. Ngayon, panibangong kakaiba ang paniguradong susubukan ng mga bagets, ang Breakout Philippines.
Ang Breakout Philippines ay inorganisa at konsepto ng mga gumawa ng matagumpay na Outbreak Manila. Kung sa Outbreak, tayo ay natakot sa mga zombies na kasabay nating mag-marathon, kakaibang pakulo mayroon ang Breakout Philippines. Kung sa Outbreak ang kinakailangan n’yo ay bilis ng pagtakbo at lakas ng loob, sa Breakout naman, kinakailangan n’yo ng talino, tiyaga, tapang, pasensya at kasama. Ang dami ba? Ganoon talaga ‘eh. Bakit? Dahil ang Breakout Philippines ay maihahalintulad mo sa pelikula na Sherlock.
Ang Breakout Philippines ay maihahalintulad mo sa cartoon series na Dexter Laboratory. Ang Breakout Philippines ay maihahalintulad mo sa mga computer at cellphone games na iyong nilalaro, mga laro na ang kailangan mong gawin ay makalabas sa isang trap, maze o kuwarto. Ang Breakout Philippines ay maihahalintulad mo sa CSI, NBI o Detective na ang trabaho ay mairesolba ang misteryo ng isang problema o kaso.
Puwede mong maihalintulad ang Breakout Philippines sa mga ito pero hanggang doon na lang iyon dahil wala itong kagaya. Hindi ito scripted gaya ng Sherlock Holmes dahil on-the-spot ang mga pangyayari. Hindi ito ginagamitan ng controller o keypad tulad ng computer games dahil ikaw mismo ang player… in 3D version. Hindi ito parang si Dexter Laboratory dahil hindi ka naman nag-iisa para iresolba ang mga kaganapang ‘di maganda. Hindi rin ito mag-aala CSI, NBI o Detective dahil hindi mo naman kinakailangan ng lisensya para makapagbigay-solusyon sa mga kaso.
Ganito ang magiging kaganapan sa Breakout Philippines, lima o hanggang anim kayo dapat sa grupo. Kayo ay mata-trap sa isang kuwarto na puno ng misteryo. Sa loob ng 45 na minuto, kinakailangan n’yong makalabas sa kuwarto sa pamamagitan ng pagpaplano bilang grupo, pagresolba sa mga puzzle, maze o challenges upang makatakas sa pagkakabihag.
May dalawang uri ng kuwarto ang hatid sa atin ng Breakout Philippines. Una ay ang “Prison Room”. Dito, kayo ng mga kagrupo mo ay isang police officer na na-frame up kaya nakulong kayo sa isang kuwarto. May mga clues naman na makakarating sa iyo sa kung paano makalalabas ngunit kinakailangang magawa nang matagumpay ang plano sa pagresolba sa mga challenges sa loob ng 45 minuto bago dumating ang mga tao na nagkulong sa inyo.
Ang pangalawa naman ay ang “Adarna’s Lair”. Kung sa Prison Room kayo ay isang police officer, dito naman sa Adarna’s Lair kayo ay isang detective na naglalayong makadiskubre ng mga kaalaman tungkol sa isang virus na nagiging sanhi ng pagdami ng zombies. Kaya, bilang isang grupo, kinakailangan n’yong matukoy kung paano matitigil ang pagkalat ng virus na ito bago mahuli pa ang lahat. Dahil paglagpas ng 45 minuto, kayo ay makakain ng mga zombies.
Masaya, ‘di ba? Kaya ano pa ang hinihintay n’yo mga bagets? Sulitin ang bakasyon at sulitin ang Breakout Philippines. Nasa halagang P400.00 hanggang P600.00 ang presyo ng tickets bawat miyembro ng grupo. Lumiliit ang babayaran kapag lumalaki ang bilang ng grupo. Mas marami, mas masaya, mas tipid pa. Ito ay ginaganap sa Paragon Plaza, Mandaluyong City.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo