Ang Hatol Ng Senado

MATAPOS ANG mahabang pagdinig ng iba’t ibang grupo hinggil sa tunay na naganap sa Mamasapano massacre, maaaring lumabas na anumang araw ang hatol ng Senado kay PNoy. Sinabi ni Senator Grace Poe na hindi bibigyang-pagkiling ang ehekutibo kung sakaling may pananagutan ito sa nangyari.

Maaaring sapat na rin ang ginawang pagdinig sa Board of Inquiry (BOI) ng Senado sa pangunguna ni Poe sa isyu ng Fallen 44, kung saan maraming PNP-SAF ang namatay sa naganap na engkuwentro. Bunsod nito, malamang na hindi na rin kailangan ang pagbubuo pa ng isang “truth commission” sa Senado.

Malaki ang magiging papel ng rekomendasyon ng BOI sa Senado sa magiging kapalaran ng Bangsamoro Basic Law (BBL) sa mga susunod na araw. Kung sakaling hindi ito maging paborable sa BBL, tiyak na maaantala ang pagpasa nito bilang batas at malaki ang mababago sa mga probisyong nakapaloob dito. Kung anu’t ano pa man ay dapat harapin ng administrasyong Aquino ang hatol ng Senado.

MAY TATLONG pinakamahalagang punto ang nalaman ng sambayanan mula sa BOI sa Senado. Una, malinaw na nagkaroon ng pagkukulang sa koordinasyon ng Oplan Exodus. Pangalawa, ang pagkakasangkot ni General Alan Purisima sa Oplan Exodus sa kabila ng pagiging suspendido nito bilang Chief ng PNP. Pangatlo, ang pagiging bahagi ni Pangulong Aquino sa pagdedesisyon sa Oplan Exodus. Ang pinakamainit na tanong ngayon ng sambayang Pilipino ay kung may pananagutan nga ba si Pangulong Noynoy ayon sa resulta ng BOI sa Senado.

Mahalaga ang tinatawag na “succession of events” o ang pagkakasunud-sunod ng pangyayari. Simulan natin ang pagbabalangkas sa tanong na bakit namatay ang 44 SAF commandos? Sa tagal ng pagkakaipit ng mga SAF commandos sa gitna ng taniman ng mais sa Mamasapano ay tiyak na naubusan sila ng bala at napulbos ng mga tama ng baril mula sa mga MILF at BIFF na nakapaligid sa lugar sa likod at itaas ng mga malalaking puno na bumabalot sa maisan.

Malinaw na lumabas sa pagdinig sa Senado na ang hindi pagdating ng tulong mula sa AFP sa loob ng oras na binabakbakan ang mga SAF commandos ang naging mitsa sa pagkakalagas sa mga ito. Kung may mga kanyon sanang pumutok at mga eroplanong lumipad sa paligid ay nagkaroon sana ng pagkakataong makaligtas ang mga SAF commandos, ayon sa nasibak sa Director ng SAF na si General Getulio Napeñas. Ngunit sa kasamaang palad ay hindi dumating agad sa tamang oras ang tulong na ito.

NAG-UUGAT ANG unang yugto ng pagbabalangkas na tumutukoy sa hindi pagdating ng tulong mula sa AFP sa tamang oras, sa unang mahalagang punto ng BOI sa Senado. Ito ang kawalan ng tamang koordinasyon. May balidong dahilan ang AFP sa hindi pagdating ng kinakailangang tulong mula sa kanila at ito ay ang kawalan ng koordinasyon. Lumabas na wala talagang naganap na koordinasyon ang Oplan Exodus sa AFP dahil sa tinatawag na circumstantial at incidental events na naging bunga at bahagi ng napagkasunduan sa pagpupulong nina Purisima, Napeñas, at Pangulong Aquino sa Bahay Pangarap bago ang pagsasagawa ng Oplan Exodus.    

Ang detalye na mahalaga sa pagpupulong na ito ay ang pagsasabi ni Purisima na hindi dapat ipaalam kay General Leo Espina na OIC ng PNP, at DILG Secretary Mar Roxas ang paglusong ng Oplan Exodus bilang bahagi ng tinawag nilang “time on target”. Sinabi rin ni Purisima na siya na ang bahala sa dalawa na nagdulot ng kalituhan kay Napeñas at nagresulta sa kawalang koordinasyon ng plano sa AFP. May balidong dahilan din naman si Napeñas kung bakit inisip niya na si Purisima ang dapat gumawa ng koordinasyon sa AFP dahil sinabi nga nito na siya na nga ang bahala sa “dalawa”.

Ang punto ni Napeñas ay sinunod lamang niya ang ang instruction ni Purisima patungkol sa “time on target” kung saan ay hindi ipaaalam kina Espina at Roxas ang pag-implementa sa Oplan Exodus. Kaya naman hindi rin siya maaaring mag-coordinate kay General Catapang na Chief ng AFP dahil dapat siyang magpaalam kay Espina para gawin ito. Sumatotal, ito nga ang naging epekto ng instruction ni Purisma na “time on target” at hindi pagpapaalam kina Espina at Roxas.

ANG DALOY ng pagbabalangkas natin na tumutukoy sa kawalang koordinasyon sa AFP ay nag-uugat ngayon sa pagiging bahagi ni Purisima sa implementasyon ng Olpan Exodus sa kabila ng pagkakasuspinde nito sa puwesto. Ito ang pangalawang mahalagang punto ng BOI ng Senado. Sabi nga ni Sen. Miriam Santiago, kung hindi nakialam si Purisima ay maaaring buhay pa ang 44 SAF commandos.

Sa huling daloy ng balangkas na ito ay tutukoy ang lahat ng pangyayari sa partipasyon ni Pangulong Aquino sa Oplan Exodus. Ito ang pangatlong mahalagang punto ng BOI sa Senado. Ang pinaka-“crucial” sa mga desisyon ni Pangulong Aquino ay ang pagpayag na makialam si Purisima sa implementasyon ng Oplan Exodus sa kabila ng pagkasuspinde nito sa puwesto.

Dito sa puntong pagpayag niya kay Purisima na makialam maaaring managot si PNoy. Ito ay dahil sa kung hindi niya pinayagan na makialam si Purisima ay hindi maipatutupad ang “time of target” at hindi magkakaroon ng dilemma si Napeñas sa pahayag na “ako ang bahala sa dalawa”, at hindi sana nagkaroon ng problema sa koordinasyon sa AFP, na ikinamatay ng 44 SAF commandos.

Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-8788536 at 0917-7926833.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleAnak sa Pagkadalaga, Ayaw Kilalanin ng Ama
Next article‘Wag Maingay!

No posts to display