ISANG MAPAGKAKATIWALAANG source ang nagsabi sa inyong lingkod na ang Volvo Phippines at Hyundai Philippines ay kasalukuyang inimbestigahan ng dalawang ahensya ng ating pamahalaan.
Ang dalawa ay iniimbestigahan hindi dahil sa depektibo ang mga makina ng mga sasakyan nila na maaaring magsanhi ng aksidente sa kalye, kundi dahil sa umano’y depektibo ang binabayarang buwis para sa importation ng mga car and heavy equipment nito na maaaring magdulot ng pagkasugat sa kaban ng bayan.
Ang mga ahensya ng pamahalaan na nag-iimbestiga umano sa mga importation ng nasabing foreign car and heavy equipment manufacturer ay ang Bureau of Customs (BoC) at Bureau of Internal Revenue (BIR).
At ito ay kinumpirma ng mismong director ng Customs Intelligence and Investigations Service ng BoC na si Dino Tuazon.
Ayon kay Tuazon, patuloy na nagsasagawa ang BoC ngayon ng post audit sa lahat ng car at heavy equipment importation ng Volvo Philippines at Hyundai Philippines. Nakasentro raw ang kanilang imbestigasyon sa Civic Merchandising at Good Morning International.
Ang Civic Merchandising ang tumatayong customs broker ng Volvo Philippines samantalang ang Good Morning International ay para sa Hyundai Philippines naman, ayon pa rin kay Tuazon.
SA KASALUKUYANG imbestigasyon na ginagawa ng BoC, napag-alamang sangkot sa technical smuggling ang Civic Merchandising at Good Morning International tulad ng undervaluation.
Ang pagdedeklara sa value ng ipinarating nilang dump truck sa sobrang napakababang halaga ay isang halimbawa ng katiwalian na nakita ng BoC, ayon pa kay Tuazon.
Sa katiwaliang ito, ipinalilitaw nila sa kanilang customs declaration na ang value ng mga brand new na ipinararating nilang mga dump truck ay mas mura pa kaysa sa halaga ng isang kakaragkarag na tricycle, pabirong dagdag pa ni Tuazon.
Hindi lamang sa mga heavy equipment kundi maging sa mga kotse na ipinararating ng Civic Merchandising at Good Morning International para sa Volvo Philippines at Hyundai Philippines ang nakitaan din daw ng maling pagdedeklara sa tamang value para labis na makatipid sa pagbayad ng customs duties, sabi pa rin ni Tuazon.
Ang pagmi-misdeclare naman umano sa mga Volvo at Hyundai heavy equipment bilang “machines and parts” sa customs ay isa rin sa mga katiwalian na iniimbestigahan din ng BoC, paglilinaw din ni Tuazon.
Kumpara sa undervaluation, mas malaking pagkakalugi sa buwis ang tama sa ating gobyerno sa misdeclaration kung kaya’t ang mga nahuhuling misdeclared shipments ay awtomatikong ikinukonsidera bilang seizure items at kalaunan ang mga ito ay ibinibenta ng BoC sa isang public auction.
Samantalang ang kargamentong nahuling nag-undervalue ay pinagmumulta lamang ng karagdagan at nararapat na buwis.
AYON PA kay Tuazon, katuwang daw ng BoC ang BIR sa pag-iimbestiga sa katiwaliang ito. Pero ayon sa aking mapagkakatiwalaang source sa Department of Finance (DoF), wala raw ginagawang imbestigasyon ang BIR tungkol dito. Totoo raw na nakarating sa kaalaman ng BIR ang anomalyang ito, pero hindi raw nila pinursigi ang pag-iimbestiga matapos mabigyan ng “malaking regalo” ang isang mataas na opisyal dito.
Dagdag pa ng source, ang nasabing “malaking regalo” ay naipaabot daw sa nasabing BIR official sa pamamagitan ng isang miyembro umano ng Revenue Integrity Protection Service (RIPS) ng DoF.
Ang RIPS ay isang unit na nagkakalkal sa mga katiwalian na kinasasangkutan ng mga kawani na nasa ilalim ng pangangasiwa ng DoF tulad ng BoC at BIR. Pero sa kaso hinggil sa “malaking regalo” na naibigay sa isang opisyal ng BIR, ang taga-RIPS na nag-abot ng pera rito ang siyang nakatumbok daw sa naturang anomalya at isinumbong sa nasabing BIR official para pareho nilang pagkakitaan, ayon pa sa source.
Shooting Range
Raffy Tulfo