NOONG MARCH 12, 2011, inalok ng isang lalaking pasahero ang taxi driver na si Edgardo Lumapac ng isang camera sa halagang P1,500. Sinabi ng lalaki na mayroon kasi siyang personal emergency at kailangan na kailangan niya ng pera.
Sa kagustuhang makatulong, dinala ni Edgardo ang lalaki sa isang kaibigan para roon ialok ang ibinebentang camera dahil hindi naman siya interesado.
Ngunit wala roon ang nasabing kaibigan kaya si-nabi ni Edgardo sa lalaki na susubukan niyang ialok ang camera sa kanyang misis na si Emma. Pagdating ng bahay, nag-usap at nagkatawaran ang misis ni Edgardo at ang lalaki hanggang sa nagkasundo sila sa presyong P800.
Pagsapit ng March 16, bandang 4:30 ng hapon, nagising si Edgardo sa pagkakatulog sa loob ng kanyang kuwarto nang bigla siyang hablutin ni PO2 George delos Santos. Kinaladkad ni delos Santos si Edgardo palabas ng kanyang bahay.
Pagdating sa labas ng bahay, bumulaga kay Edgardo ang kanyang nakaposas nang misis. May kasamang hindi nakikilalang lalaki si delos Santos. Hina-hanap ni delos Santos kay Edgardo ang camera.
Pumasok ng bahay si Edgardo kasunod si delos Santos para hanapin ang nasabing camera. Hinalughog ng pulis ang bahay ng mga Lumapac. At nang ‘di niya mahanap ang camera, kinaladkad ni delos Santos si Emma sa kulungan ng Mayamot, Antipolo PCP. Kinuha rin ni delos Santos ang driver’s license ni Edgardo.
Inutusan ni delos Santos si Edgardo na ibalik ang camera at pagkatapos ay magbigay pa ng P15,000 bago niya pakawalan si Emma at maisoli na rin ang kanyang lisensiya. Pagkaraan ng dalawang araw at hindi pa rin makapag-produce ng pera si Edgardo, dumulog na siya sa WANTED SA RADYO (WSR).
Humahagulgol si Edgardo habang ikinukuwento ang kanyang sumbong noong Biyernes, March 18. Magdadalawang araw na kasing nakakulong ang kanyang misis at hindi na rin nakakain ng sapat ang kanyang dalawang anak dahil hindi siya nakakapasada. Hindi na rin daw tumitigil sa kakaiyak ang kanyang dalawang supling dahil hinahanap ng mga ito ang kanilang ina. Putlang-putla si Edgardo. Hindi pa kasi ito nakapag-almusal at pananghalian. May baon siyang plastic container ng softdrinks na may lamang tubig. Ito ang pumapawi ng kanyang gutom.
Halos gumuho ang aking mundo nang makita ko si Edgardo dahil sa labis na pagkaawa. Makailang beses naming tinangkang tawagan si delos Santos sa kanyang cellphone ngunit ayaw sagutin ng put*#@% &!ang pulis patolang ito ang aming mga tawag. Pero natawagan namin ang hepe ni delos Santos na si Police Senior Inspector Christopher dela Peña. Sinabi ni dela Peña na patungo ng piskalya si delos Santos at Emma para sa isang inquest proceeding.
Inutusan ng inyong SHOOTING RANGE si dela Peña na agad na pakawalan si Emma at isoli ang lisensiya ni Edgardo. Hindi na nag-atubili at nangako si dela Peña na gagawin niya iyon. Sinamahan ng grupo ng WSR si Edgardo sa tanggapan ni dela Peña at nang araw ding iyon, pinakawalan si Emma at naibalik kay Edgardo ang kanyang driver’s license.
Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Kasabay na mapapanood din ito sa Aksyon TV sa free channel 41. Channel 1 sa Cignal Cable at channel 7 sa Destiny Cable.
Shooting Range
Raffy Tulfo