SA AKING pagkakaalam, ipinagbabawal ang panghihiram ng tiket sa ibang authorized MMDA enforcers. Oo nga’t authorized ang MMDA enforcer at naka-uniporme pa pero dapat ay may sarili siyang tiket na nakapangalan sa kanya at hindi kailangang lumapit sa iba para manghingi.
Pasko ng nakaraang taon nang harangin ng isang MMDA enforcer na si Calalas si David Lucas, bus driver, sa Metropolis Alabang. Isang bus ang nakaharang sa harap ng minamaneho ni Lucas nang sumingit ang isang naka-motor na MMDA sa kanyang harap at agad hinihingi ang kanyang lisensya. Nagtaka itong si Lucas dahil hindi naman hiningan ng lisensya ang bus na nasa kanyang harap. Nang umalis ang naka-motor at dahil alam ni Lucas na wala siyang ginawang kasalanan, umalis siya at dumiretso na sa tollgate. At doon ay sinundan pala siya ni Calalas, na napag-alaman namin na isa palang supervisor. Dito na hiningi ang kanyang lisensya at binigyan ng hiram na tiket mula sa isa sa kanyang mga kasamahan.
Mukhang gusto talagang tiketan ni Calalas itong si Lucas dahil nagawa niya pa talagang manghingi ng isang kapirasong tiket kay Nilo Lacuarta, ang nakalagay na pangalan sa ipinakitang tiket ni Lucas sa aking programang WANTED SA RADYO. Maraming inilagay na violations itong si Calalas – arrogant, reckless driving, disregarding traffic signs, atbp.
Kinausap ko si Tomas Landrito, ang may hawak kay Calalas, at sinabi ko sa kanya ang kayabangan ng kanyang tauhan. Sinabi naman niya na agad sasamahan itong si Lucas upang maayos ang kanyang lisensya at gagawan ng aksyon ang kawalan ng tiket ni Calalas.
Ang maipapayo ko lamang sa mga motorista ay galangin ang mga naka-unipormeng enforcers at agad umamin kung may nagawang violation pero huwag kayong papayag na mabigyan ng tiket na hiram – dapat ay nakapangalan sa nagbigay ng ticket ang ticket na ibibigay sa inyo.
HUMINGI NG tulong sa WSR sina Ivy at Jeffrey Dela Peña na makasuhan na ang suspek na si Jake Archiles Puti, ang pumatay sa kanilang ama na si Alfonso Discodido, noong Enero 5, 5:30pm sa Sitio Pusawan Barangay Ususan, Taguig.
Aminadong natatakot sina Ivy at Jeffrey dahil hindi pa nga nakukulong ang nasabing suspek at nangangamba sila na baka sila ay balikan dahil kasalukuyan pa ngang laya itong si Jake Puti.
Kaya minabuti naming ilapit ito kay Deputy Chief of Police Col. Celso Rodriguez at sinabi niya na kanyang sasamahan sina Ivy at Jeffrey sa pagsampa ng kaso at sa paghahanap sa suspek.
Humanga naman ako sa kagalingan at mabilis na aksyon ni Col. Rodriguez dahil aming nalaman na nagpadala na siya ng mga mobile na iikot sa lugar gabi-gabi bago pa man namin nailapit sa kanya ang problemang ito. Nailapit na pala sa kanya ang problema nina Ivy at Jeffrey sa pamamagitan ni Barangay Chairman Marcelino.
ANG INYONG lingkod ay mapakikinggan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 p.m. Ito ay kasabay na mapanonood sa AksyonTV Channel 41. Sa mga nais magsumbong o magreklamo, magsadya lamang sa WSR Action Center na matatagpuan sa 163E Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, Quezon City. O hindi kaya’y mag-text sa aming text hotline sa 0949-4616064.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 p.m. sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo