ANG HOUSE Bill 2562 ay nagpapanukala na tanggalin ang parusang pagkakakulong sa sinumang mapatutunayang nagkasala ng paninirang-puri. Ang panukalang ito ay nagde-decriminalize ng libel o libelo.
Ipinanukala ng 2 Mindanao congressmen na sina Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez at kapatid nitong si Maximo na representante ng isang party-list group ang HB 2562. Imbes na patawan ng pagkakulong ang sinumang magkakasala sa krimen na ito ay magmumulta na lamang ng P6,000 hanggang P30,000.
Ikinatuwiran ni Rodriguez na ang kasalukuyang batas ay pumipigil sa freedom of speech o karapatang magpahayag. Hindi umano maaaring magkaroon ng batas ng libelo sa isang demokratikong bansa, kung saan ang karapatang magpahayag ang bumubuhay rito.
Ang libelo sa ilalim ng Artikulo 353 ng Revised Penal Code ay nag-uutos na ang sinumang magkakasala rito ay may kaparusahang pagkakakulong ng isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan (arresto mayor), anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon (prision correctional). Bukod dito ay may pagmumulta na P200.00 hanggang P6,000.00.
SA PILOSOPIYA ng batas o jurisprudence, may dalawang basehan kung ang gawa ng tao ay maituturing na krimen o hindi. Batay sa isang jurisprudence… “an act is criminal if, it is injurious or offensive.” Ang ibig sabihin ay una, kung ang gawa ay lumulikha ng pisikal na sugat o pananakit, ito ay maituturing na krimen. Pangalawa, kung ang gawa ay nakasasakit o nakasusugat ng damdamin at pagkatao.
Kung tinatanggalan ng HB 2562 ng criminal liability ang libelo, ito ay taliwas sa jurisprudence na nabanggit sa itaas. Hindi lang kasi nalilimitahan ang krimen sa mga gawa na may pisikal na implikasyon o pinsala sa katawan.
Itinuturing ding krimen ang mga gawa na nakapipinsala sa emosyonal na aspeto ng pagkatao at reputasyon. Gaya ng mga krimen na may pisikal na banta sa tao, ang emosyonal na pananakit ay may antas din ng kapinsalaan.
Ayon sa mga sikolohista, malaki ang pagkakaiba ng physical pain at emotional pain. Partikular ay sa haba ng paghihilom ng sugat na naidulot sa tao ang bigat ng pagkakaiba. Ang parehong sugat o pinsalang natamo, pisikal man o emosyonal ay mayroong proseso ng paghihilom.
Ang proseso ng paghihilom ng pisikal na sugat ay natural at wala sa kamay ng tao. Ang katawan natin ay may sariling mekanismo ng paggaling. Samantala, ang proseso ng paghihilom ng emosyonal na sugat ay wala sa mekanismo ng katawan. Mas malawak ang aspeto ng paggaling nito. Maraming mga salik ang kailangang ikunsidera katulad ng mga tao sa kapaligiran, panlipunang estado ng biktima at personal na disposisyon sa buhay.
Kung tutuusin ay mas matagal ang proseso ng paghilom ng emosyonal na sugat kaysa sa pisikal. Kadalasan ay inaabot ng taon. Ang pinsala ay malawak din sapagkat hindi lamang ang pagkatao ng biktima ang napinsala kundi pati ang kanyang pamilya, trabaho o pinagkakakitaan.
Kung may parehong pinsalang dulot ang pisikal at emosyonal na sugat o mas may bigat ang pinsalang emotional, mas lalo pang dapat na ituring na krimen ang pananakit na ito.
ANG HB 2562 ay lalo lamang magdudulot ng hindi pantay na pagtingin ng batas sa mga mayayaman at mahihirap. Parang sinasabi lang ng batas na maaari nang gawin ng mayayaman ang pagyurak sa pagkatao, paninirang-puri at pagsisinungaling dahil may kakayahan silang magbayad ng P6,000.
Ang batas ay dapat nagdudulot ng pagkakapantay-pantay at hindi nagsusulong ng mga papabor sa mayayaman lamang.
Ang tunay na demokrasya ay hindi nasusukat sa kalayaang magpahayag ng ano mang saloobin. Hindi bahagi ng kalayaang magpahayag ang paninirang-puri at pagsasabi ng walang katotohanang pahayag. Ang tunay na demokrasya ay isang responsible at makatotohanang pagpapahayag.
Shooting Range
Raffy Tulfo