MARAHIL AY isa kayo sa mga nagkaroon ng kuru-kuro sa pag-amin ni PNoy na bukas ang isip niya sa pagkakaroon ng term extension kung ito ang “gusto ng mga boss niya”. Marami ang nagulat at iba’t ibang reaksyon ang lumabas. May natuwa, nagalit, at nagduda. Alin ba sa mga ito ang naging reaksyon n’yo?
Kung ako ang inyong tatanungin, iba ang nakikita ko sa likod ng pahayag at planong ito ng Pangulo. Naniniwala akong may mas malalim na balak ang administrasyong Aquino rito. Tila may gusto silang paniwalaan ng mga tao at ito ang kanyang huling baraha.
Sa artikulong ito ay ipaliliwanag ko ang nakikita kong huling baraha ng administrasyong Aquino. Tatawagin ko itong huling baraha dahil ito ang magsusulong ng mga balakin ni PNoy pagkatapos ng kanyang termino. Hindi na tatakbo ang Pangulo sa 2016 Presidential Elections, ngunit mayroon siyang hawak na huling baraha.
MALALIM ANG sinabi ni PNoy na bukas ang isip niya upang makinig sa kanyang mga boss. Maaaring ipinakikita niya na isa siyang pinuno na gagawin ang lahat ng ipinag-uutos ng mga mamamayan sangalan ng demokrasya. Hindi ako naniniwala na babasagin ni PNoy ang paniniwalang inukit ng kanyang mga magulang sa sambayanang Pilipinas at ito ay ang paglaban sa diktadurya.
Lumalabas sa aking pag-aanalisa na para masabi ng tao na sila ang direktang pumili sa kandidatong gusto nila ay sinasabi ni PNoy na makikinig siya sa kanyang mga boss. Handa umano si PNoy na makinig sa kanyang mga boss sa pagpapalawig ng kanyang termino, ngunit hindi niya sinabi na susunod siya rito. Dahil alam niyang may isang termino lamang ang isinasaad sa Saligang Batas ng Pilipinas.
Ang ibig sabihin ay lumilikha ang administrasyon ng pakiramdam para sa mga tao na ang ating Pangulo ay tunay na matapat sa tao at sumusunod sa Konstitusyon. Paanong makikinig si PNoy sa mga taong nagsasabing dapat ay magkaroon pa ng isang termino ang pangulo at maipakita rin na tapat siyang susunod sa Saligang Batas?
ANG SAGOT sa katanungang iyon ay ang huling baraha ni PNoy. Inaasahan kong sa paglapit ng eleksyon ay biglang kakambyo sa isyu ng term extension ang administrasyong Aquino at sasabihing ang pipiliin ni PNoy na kandidato ay siyang “katulad ni PNoy” na mayroong tuwid na daan. Isang taong magpapatuloy sa tuwid na daan.
Sa ganitong pag-ikot ng mga pangyayari ay masasabi ni PNoy na nakinig siya sa kanyang mga boss dahil ang talagang nais ng kanyang mga boss ay maipagpatuloy ang magandang nagaganap ngayon sa ating bayan at ekonomiya dahil sa kanyang tuwid na daan. Ang taong pipiliin niya ang siyang magtutuloy ng tuwid na daan kaya’t nakasisiguro ang taong bayan na mananatili ang kanilang interes.
Ang pagpapatibay sa Saligang Batas naman ay isusulong niya at gagawin niyang simbulo ito ng pagtalima sa kanyang mga magulang na hinangaan at itinuring na mga bayani dahil sa pagtatanggol sa Saligang Batas na ito. Hindi niya sisirain ang imaheng ito dahil lamang sa pag-aamyenda ng Saligang Batas at pagtakbo ulit pa sa pagkapangulo. Pipili siya ng kanyang kandidato at sasabihing ang taong napili ay siyang pinili ng kanyang mga boss!
NGAYONG BUMABABA ang popularity at approval rating ng Pangulo ay lalong nilalagay siya sa sitwasyon na hindi pumapabor kay Pangulong Aquino na manalo sa 2016 Presidential Elections. Hindi siya susugal dito at itataya ang Pangalang Aquino. Walang matinong political analyst at adviser ang magpapayo sa kanya nito.
Ngunit ang gamitin ang isyu ng term extension ay isang magandang baraha para manalo ang kanyang presidential bet. Dahil lalong maniniwala ang halos lahat ng sektor ng lipunan sa kabutihan ng intensyon ni Pangulong Aquino ay lalong lalakas ang kandidatong kanyang ieendorso. Iisipin ng mga tao na ito ang pinakamagandang nangyari sa ating politika.
Para sa mga makakaliwa at oposisyon, magiging isang tagumpay sa kanilang laban ang magiging biglaang pagkambiyo ng Pangulo sa isyu ng term extension at Constitutional Change. Iisipin nilang nakinig o natakot sa kanila si PNoy. Lingid sa kanilang kaalaman ay nakaplano ito upang sila ay mapaamo. Ang mga tagasuporta naman ng Pangulo at mga taong naniniwala sa kanya ay mauunawaan siya at susunod sa kung ano ang kanyang desisyon dahil naaayon ito sa tuwid na daan.
SA HULI ay lumalabas na ang lahat ng nangyari mula sa simula kung saan nagkaroon lamang ng ugong sa usapang term extension ng Pangulo hanggang sa kanyang pag-amin kay Atty. Mel Santa Maria ng TV5 na bukas siya na makinig sa kanyang mga boss, ay pawang isang malaking plano para palakasin ang simpatya ng mga tao kay PNoy at makuha ang suporta ng mga ito para sa kandidatong kanyang isusulong.
Mahalaga na manalo ang kanyang kandidato dahil titiyakin nitong hindi siya malalagay sa alanganin kung wala na siya sa puwesto bilang Pangulo ng bansa. Ito rin ang maggagarantiya na mananatili sa kanilang partido ang kapangyarihan ng ehekutibo. Maipagpapatuloy rin nito ang mga proyektong kanyang nasimulan na magtatakda sa mga bagay na kanyang nagawa para sa bayan o kanyang legasiya.
Ang lahat ng ito ang huling baraha ng Pangulo. Buksan natin ang isip sa mga hakbang na ginagawa ng administrasyong Aquino. Natitiyak kong isang istratehiyang politikal ang lahat ng ito. Maging mapanuri tayo at analitikal. Balikan natin ang sinabi ng isang Greek Philosopher na si Parminedes na, “Ang tunay na kahulugan ay hindi ang ipinapakita sa mata, kundi ang nararamdaman ng katuwiran.”
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo