PARANG KAILAN lang ay tumutok tayo sa unang State of the Nation Address (SONA) na ang tema ay tuwid na daan. Ngayon, makikita na natin ang dulo ng tuwid na daan sa huling SONA ni Pangulong Noynoy Aquino. Ang mga political analysts ng bansa ay kanya-kanya nang pagbibigay ng pagtanaw sa huling lalamanin ng SONA ni PNoy. Ano nga ba ang huling hirit ni PNoy sa kanyang huling SONA?
Siguradong gaya ng mga nakaraang presidente, magbibida itong si PNoy ng kanyang mga inaakalang nagawa para sa Pilipinas. Mga litrato ng gusali at mga tulay na naitayo sa ilalim ng kanyang pagiging Pangulo ng bansa. Inaasahan ko na rin na katakut-takot na mga graph at figure illustrations ang kanilang ilalabas para maipaliwanag ang hindi nararamdamang yaman ng mga mamamayan na tiyak na ipagmamalaki ni PNoy.
Ano pa kaya ang sasabihin ni PNoy na hindi pa natin narinig? Ang gasgas na tuwid daan ay tiyak na kanyang babalikan at sa pagkakataong ito ay mas ipagmamalaki na marami ang nagawang mabuti ng tuwid na daan. Tiyak na babanggitin niya ang mga malalaking isyu gaya ng pagkakatanggal ni Chief Justice Renato Corona at pagkakakulong ni Janet Lim-Napoles, kasama ang mga pinag-initang pulitiko ng kanyang administrasyon. Pagkatapos mabanggit ang lahat ng ito, ang tanong ngayon ay bumuti ba talaga ang buhay ni Juan Dela Cruz sa panahon ni PNoy?
Ang naiisip kong bubulaga sa lahat ay ang pagtutukoy ni PNoy sa kung sino ang bibigyan niya ng suporta sa darating na eleksyon sa 2016. Gagamitin ni PNoy ang kanyang SONA para ilahad ang plataporma ng kandidatong kanyang susuportahan. Ito ang pinakamagandang pagkakataon para ilabas ng administrasyong Aquino ang kanilang alas sa halalan. Sino ang mapalad na kandidato?
MAHALAGA ANG pagkakataong ito para kay Mar Roxas. Ito na ang pinakahihintay niya at ng partidong Liberal. Ang pagtutuloy sa tuwid na daan ang magiging sentro ng SONA ni PNoy. Titiyakin ni Pangulong Aquino na maipararating niya nang malinaw sa tao na mahalaga ang maipagpatuloy ang tuwid na daan. Ang mga benepisyo at progresong ipagmamalaki niya ay kinakailangang maituloy dahil malayo pa ang laban sa kahirapan at korapsyon. Malamang ito ang linyang bibitawan ni Pnoy.
Ang pagtutuloy ay nasa kamay ng isang kaagapay ni PNoy sa pagpapatakbo ng bayan sa loob ng halos anim na taon. Wala nang iba pang pag-iiwanan ng tuwid na daan kundi si Mar Roxas. Ito rin ang kalooban ng partido Liberal. Ganito ang sistema ng partido at hindi basta-basta sumusugal sa isang pagbabago sa liderato ito.
Sa tinatakbo ng pagkakataon ay hindi si Grace Poe ang isusulong ng Liberal party para sa pagkapangulo. Ngunit ang isang maaaring sorpresa ay ang pagkakakuha ng partido sa matamis na “oo “ ni Senator Poe para maging katambal ni Roxas sa presidential race.
Ang “utang na loob”, “pagkakaibigan” at “walang iwanan” ang ilan lamang sa mga puwersa ng kulturang Pilipino na magtutulak kay PNoy na si Mar Roxas ang suportahan sa 2016. Hindi naman natin nakalimutan ang maemosyong talumpati ni Roxas sa pagbaba sa kandidatura niya sa pagkapangulo noong 2010, para bigyang-daan si PNoy sa posisyon.
Kung hindi niya ito gagawin ay makukumormiso ang kanyang pagkatao bilang isang kaibigan at pangulo. Hindi rin nakatitiyak si PNoy ng suporta kung hindi na siya pangulo mula sa mga ikakaso sa kanya ng mga mauupong bagong opisyal ng gobyerno.
Seguridad ang isa pang mahalagang pakay ng huling SONA ni PNoy. Ang paggamit niya sa kanyang huling SONA para pumusta sa kandidatong kanyang susuportahan ay magtitiyak ng kanyang seguridad kapag bumaba na siya sa puwesto.
Matagumpay naman ang demolition plan para kay VP Jejomar Binay at basang-basa na ang kanyang papel ngayon sa taong bayan. Naging mainit din ang patutsadahan nina Binay at Poe sa mga isyung ipinukol nila sa isa’t isa. Ang nanatiling tahimik at tikom ang bibig ay si Mar Roxas. Tila sinadya niyang hindi muna ianunsyo ang kanyang kandidatura dahil gusto niyang makita ng lahat na tutok siya sa pagseserbisyo sa bayan habang ang mga katunggali sa pagkapangulo ay nagsisimula nang magsiraan.
Hindi talaga si Mar Roxas ang mag-aanunsyo ng kanyang kandidatura. Si PNoy ang gagawa nito sa kanyang huling SONA. Ito ang huling panggulat ng administrasyong Aquino sa mga tatakbo para pagkapangulo sa 2016.
Ito ang natatanging bago sa SONA ni PNoy mula sa mga nagdaang SONA ng pangulo. Ngunit hindi na rin ito bago. Inaasahan ng marami na sa hinaba-haba man daw ng prusisyon at mga paliguy-ligoy ay kay Roxas din matutuloy ang endorsement ni PNoy.
SA HULI ay inaasahan kong titiyakin ni PNoy na dito na niya tutuldukan ang kanyang karera bilang isang pulitiko. Hindi niya dapat gayahin ang mga huling sinundang pangulo, na muling naghangad ng kapangyarihan sa pagtakbo sa mas mababang posisyon sa pulitika. Ito kasi ang susukat sa tunay na pagkatao ni PNoy at magiging pamantayan ng kanyang pagiging matuwid, bilang anak ng isang bayani at simbulo ng demokrasya sa Pilipinas.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am – 12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo