Ang Imbestigasyon ng NBI sa Pork Barrel Scam

NITONG NAKALIPAS na buwan ay lalo nang nagsilabasan ang baho ng lintek na pork barrel na ‘yan! Unti-unti nang sumusingaw ang kabulukan ng korapsyon mula Senado at Kongreso hanggang sa mga mayor. At ang puno’t dulo ay ang PDAF o mas kilala bilang pork barrel.

Hindi na ako magtataka kung ang susunod na puputok na istorya ng pagkurakot sa PDAF ay manggagaling sa Palasyo.

NAGBIGAY NA ng imbitasyon ang NBI sa 97 mayor na nadadawit sa P900 million Malampaya fund scam na hinihinalang plinano ng businesswoman na si Janet Lim-Napoles. Kinumpirma rin ni DoJ Secretary Leila De Lima na nagsimula na ang NBI sa kanilang imbestigasyon ng maanomalyang pork barrel na binunyag ng mga whistleblowers na sina Benhur Luy at Merlin Suñas na dating mga tauhan ni Napoles.

Ibinunyag nina Luy at Suñas kay De Lima na pinepeke ng mga tauhan ni Napoles ang pirma ng 97 mayor para palabasing sila ang nag-request at nakinabang sa Malampaya fund na napunta kunwari sa mga gastusin dala ng bagyong Ondoy at Pepeng noong 2009. Ngunit ang totoo ay walang napunta sa mga mayor, dahil napunta ang P900 million kay Napoles.

Dinagdag pa ni Suñas na siya ang nagsilbing coordinator sa Department of Agrarian Reform para sa Malampaya fund project. Sila ang nag-ayos ng mga letter request para sa mga LGU at mga dokumento para mailabas ang pondo. Sa huli, ang pondong lumabas ay sasabihing napunta sa mga pekeng NGOs.

Naniniwala si De Lima na maraming nalalaman sina Luy at Suñas na malamang ay tototo lahat dahil nagtatahi-tahi ang mga salaysay nila sa mga impormasyon at ebidensiyang nakalap ng NBI.

SA SUSUNOD na linggo ay malamang lumabas na ang resulta ng imbestigasyon ng NBI sa isyu ng pork barrel kung saan nasasangkot naman ang ilang Senador at mga Kongresista. Pagkatapos nito ay sasampahan ng kaso ang mga mambabatas na madadawit sa resulta ng imbestigasyon ayon kay De Lima.

Kasabay nito ay hinamon ng oposisyon sa Senado ang Pangulo sa isyu ng pork barrel. Sinabi nila Senator Nancy Binay at JV Ejercito na dapat ay tanggalin na rin ang PDAF ni PNoy para magkaroon ng makatotohanang transparency sa mga gastusin ng gobyerno.

Umalingawngaw sa balita ang P1 trillion President’s Social Fund noong nakaraang linggo. Kasama rito ang P229 billion na special purpose funds, P139 billion na unprogrammed funds at P200 billion para sa mga public school buildings.

KUNG MAYROONG halos P1 trillion na PDAF ang Pangulo, bakit kailangan ibenta pa sa pribadong kompanya ang mga pampublikong ospital? Bakit nagtataas ng presyo ang mga state colleges and universities? Bakit tumataas ang fees sa housing loan? Naniniwala ako sa reklamo at mga tanong na ito ng mga lider ng manggagawa.

Hindi ko sinasabi na ninanakaw ang pondong ito, ngunit hindi ba dapat ay mas mabuting dito ituon ang pondo kaysa sa gawin itong “discretionary fund”?

Sa palagay ko ay mas nalalagay sa alanganin ang pondo ng bayan kung mananatiling hindi malinaw ang alokasyon nito. Para sa akin, hindi man ninanakaw ng ehekutibo ang pondong napupunta sa pork barrel, inaagawan naman nito ng opurtunidad sa budget ang mga problema at pangangailangan ng taong bayan na mas nangangailangan ng pondo mula sa National Budget.

Huwag naman sanang suwapang sa pork barrel ang mga gumagawa ng tuwid na daan!

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleMatagal Nagtitiis sa Asawa; Gustong Ipa-Annul ang Kasal
Next articleWaging best actor sa Puchon International filmfest
Joel Torre, markado ang role sa OTJ

No posts to display