Ang Indigent Sector ng PhilHealth

“GALANGIN NATIN ang mahihirap at iba pang sektor na isinasan­tabi ng lipunan. Sila rin ay may dignidad at pagkakakilanlan tulad nating lahat.”

Makabuluhan ang mensaheng ito ni Pope Francis sa bansa. Ang administrasyong Aquino sa simula pa lang ay matuwid na daan na ang ipinapangako. Na hahabulin ang lahat ng tiwali sa mga nakaraang administrasyon para maibalik muli ang kaunlaran, hustisya, at katarungan sa bansa at maiwasan ang paglayo ng agwat ng mga mayayaman at maralita.

Nakikiisa ang PhilHealth sa layunin ni Pope Francis at ng administrasyong Aquino sa paglilingkod sa mga mahihirap. Patunay rito ang pagbibigay-halaga sa Indigent Sector bilang isa sa anim na kategorya ng membership sector ng Korporasyon. Tinaguriang “Puso ng National Health Inusrance Program”, ito ay kinabibilangan ng mga mahihirap na pamilyang napili ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) gamit ang pamamaraan ng pagtukoy na tinatawag na National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) o Listahanan. Tinutukoy nito ang mga pamilyang nararapat mapabilang sa mga programa ng gobyerno na naglalayong maibsan ang kahirapan. Sa kasalukuyan, mahigit apatnapung milyong indigent members at dependents na ang nakatala sa PhilHealth, kung saan ang kanilang prima ay binabayaran ng National Government.

Ang bawat miyembrong napabilang sa indigent program ay makatatanggap ng Member Data Record (MDR), kung saan nakasaad ang kanyang PhilHealth Identification Number (PIN), ang petsa kung kailan siya nakaseguro sa PhilHealth, at ang mga pangalan ng kanyang kuwalipikadong dependents na maaari ring makagamit ng benepisyo mula sa PhilHealth.

Maaari ring makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan upang matukoy kung sinu-sino ang mga kabilang sa Indigent Program sa isang lugar.

Ang indigent member sampu ng kanyang qualified dependents ay may mga benepisyong maaari nilang ma-avail kung sakaling maospital dahil sa karamdaman o operasyon. Kabilang dito ang TSeKaP o Tamang Serbisyo Para sa Kalusugan ng Pamilya (na kinabibilangan ng primary preventive at diagnostic services. Tulad ng konsultasyon, pagkuha ng BP, breast examination, visual inspection na may acetic acid, CBC, urinalysis, fecalysis at marami pang iba.

May Z benefit package (Special benefits for Catastrophic Illnesses) – mga benepisyong ibinibigay para sa mga sakit na nangangailangan ng mahaba at matagal na gamutan. Kabilang dito ang Acute Lymphocytic/Lymphoblastic Leukemia, Breast Cancer, Prostate Cancer, End-Stage Renal Disease na nangangailangan ng kidney transplantation, Coronary Artery Bypass Graft Surgery, Tetralogy of Fallot in Children, Surgery for Ventricular Septal Defect in Children, Cervical Cancer, Z MORPH (Mobility, Orthosis,Rehabilitation, Prosthesis Help) at “Peritoneal Dialysis (PD) First” para sa End-Stage Renal Disease. Kabilang din dito ang mga benepisyo para sa piling orthopaedic implants.

Mayroon ding tinatawag na MDG-related benefit packages, kagaya ng Outpatient Malaria Package, Outpatient HIV-AIDS Package, Outpatient Anti-Tuberculosis Treatment through Directly-Observed Treatment Short-course (DOTS) Package, Voluntary Surgical Contraception Procedures, Animal Bite Treatment Package.

Ang Indigent members ay itinuturing ding mga benepisyaryo ng programang “ALAGA KA para sa maayos na buhay” ng gobyerno na naglalayong mapangalagaan ang kalusugan ng mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng masigasig na pagbibigay-impormasyon ukol sa mga benepisyong PhilHealth at iba pang serbisyong pangkalusugan na maaari nilang makamtan.

Subali’t ito ang pinakamagandang balita para sa ating mga miyembro ng Indigent Program ng PhilHealth: Wala na kayong dagdag-bayad (No Balance Billing) kung magsasadya sa mga pagamutang pag-aari ng gobyerno at mga pribadong non-hospital facilities tulad ng dialysis centers at lying-in clinics dahil sagot na ng PhilHealth ang mga bayarin sa ospital at doktor.

Katulad ng Sponsored at OFW members, ang availment period ng mga miyembro ng indigent program ay nakapaloob sa validity period na nakasaad sa kanilang MDR. Tiyakin din na ang pasilidad at ang doktor na titingin ay accredited ng PhilHealth.

NAIS KO nga po palang kunin ang pagkakataong ito upang pasalamatan ang ating major sponsors para sa ating 2015 PhilHealth Run: People’s Television 4, Pfizer Philippines, Nine Media Corporation, Tupperware Philippines, Oishi, Smart Communications, Philippine Charity Sweepstakes Office, Philippine Gaming and Amusement Corporation, Air Juan, at Maxima Machineries Incorporated, at minor sponsors dito sa NCR tulad ng Tiger 22 Media Corporation, Philippine Veterans Bank, Cook Magazine, Philippines Graphic Magazine, Businessworld, Maynilad Water Services Inc., Banco de Oro at The Generics Pharmacy.

Muli, nais ko pong ipaalala na bukas na ang registration para sa PhilHealth Run 2015. Ang mga UHC advocates at interasadong mananakbo ay maaaring mag log-on sa run2015.philhealth.gov.ph para sa iba pang mga detalye.

Kung mayroon po kayong katanungan o nais bigyang linaw, maaari kayong tumawag sa aming Action Center sa (02) 441-7442 (office hours lamang po) o kaya ay mag-email sa [email protected]

 

Lagi po nating tatandaan sa Alagang PhilHealth, kayo ang Number 1!

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleLove is in the Hot Air Balloon, ‘di ba?
Next articleKasong impeachment kay PNoy

No posts to display