HINDI NA siguro bago sa ating lahat ang “call center”. Marami sa ating mga kaanak, kaibigan, at kapit-bahay ang empleyado ng isang call center. Ayon nga sa huling tala ng Department of Labor and Employment (DOLE), bukod sa bilyong dolyar na pumapasok sa Pilipinas dahil sa mga call centers, ito na rin ang may pinakamalaking bilang ng mga manggagawa. Ang call center ang isa sa mga salik kaya patuloy rin na sumisigla ang ating ekonomiya.
Base sa isinagawang pag-aaral ng U.P. School of Economics, malaking bagay ang naging kontribusyon ng mga call center companies sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo at sa kasalukuyang pamahalaan sa ilalim naman ni Pangulong Noynoy Aquino. Kaya naman maraming ekonomista ang nagsasabing umunlad ang Pilipinas sa parehong magkasunod na administrasyon. Kapwa tumaas ang Gross Domestic Product (GDP) at Purchasing Power Parity (PPP) mula 2005 hanggang ngayong taong 2015. Sa loob ng isang dekada ay malaki ang itinaas ng employment rate kumpara mula noong 1994-2004.
Ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) ay huling ginawa sa Pilipinas noong 1996 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos. Lumalabas na halos 20 taon ang nakaraan bago muli tayong naging host country ng APEC. Isa sa mga pangunahing naging paksa noong 1996 sa APEC summit sa Pilipinas ay ang pagpapasimula ng mga call centers sa iba’t ibang bansa gamit ang makabagong teknolohiya ng telekomunikasyon. Kung pag-uuganayin natin ang APEC noon at ang kasalukuyang ekonomiya na nagmumula sa mga call centers ngayon, masasabi nating naging matagumpay at nakinabang ang Pilipinas sa pagdaraos ng APEC noong 1996.
MASASABI NA nga nating masuwerte ang panahon nina President Gloria Macapagal Arroyo (PGMA) at PNoy dahil sa mga panahong ito namukadkad ang ekonomiya na nilikha ng mga call centers. Kaya rin hindi nakapagtataka na sa kabila ng mga kasong graft and corruption sa ilalim ng administrasyong Arroyo ay nakapagtala pa rin ng pag-angat sa ekonomiya ang Pilipinas. Sa madaling salita, hindi naman dapat kay Arroyo ma-credit ang ganda ng ekonomiya noong panahon niya, kundi nagkataon lamang na umunlad ito dahil sa mga call center companies.
Gayun din ang paniniwala ng mga eksperto sa ekonomiya, na ang magandang takbo ng ekonomiya ngayon ay hindi dahil sa tuwid na daan ni Pnoy, kundi dahil sa patuloy ang paglago ng ekonomiyang nilikha ng mga call centers. Sadyang nakikinabang lamang ang kasalukuyang gobyerno sa maunlad na ekonomiyang nagmumula sa call centers. Kung sisiyasatin nang maigi, ang ugat ng underspending ng pamahalang Aquino ay maiuugnay rin sa magandang takbo ng buhay ng mga Pilipinong bahagi ng ekonomiyang bunga ng call centers. Dahil maayos ang kanilang hanap-buhay ay nababawasan nang malaki ang pondo para sa subsidiya ng mga mamamayang kapos sa pera at trabaho.
MARAHIL AY masasabi nating nagbunga rin ang korikulum ng elementary, secondary at tertiary education sa bansa dahil sa paglalaan ng maraming units sa pag-aaral ng English language at paggamit din nito bilang medium of instruction sa pagtuturo. Dahil dito ay mas maraming mga Pilipino ang nakauunawa at nakapagsasalita ng English language, kumpara sa mga bansang Japan, Korea, at iba pang karatig-bansa sa South East Asia. Madaling natututo ng English ang mga Pilipino hindi gaya ng mga Hapon at Koreano. Palibhasa ay nakalakip sa mga TV advertisement, mga local na palabas sa bansa, at kahit saan ka magpunta sa Pilipinas ay ginagamit ang English language sa salita o spoken at sa mga sulat o print media.
Bunga nito ay mas pinupuntahan ng mga call center investors ang Pilipinas dahil sa kakayahan ng mga Pilipinong magsalita ng English language. Ang resulta ay ang Pilipinas ngayon ang may pinakamaraming call centers kumpara sa mga kasama nating bansa sa South East Asia. Ito ay isang malaking bagay para sa paglago ng ating GDP at employment sa bansa. Sa kasalukuyan ay naalpasan na rin ng call centers ang halaga ng dolyar na nagmumula sa remittances ng mga overseas Filipino workers.
MAGANDANG BALITA ang paglago ng call centers sa Pilipinas dahil maaaring ito na ang simula para bumalik na ang mga mahal natin sa buhay na nagtatrabaho sa ibang bansa. Naging malaki ang sakripisyo ng maraming pamilyang Pilipino sa pag-alis ng kanilang mga kaanak kapalit ang dolyar na kita. Maraming pamilya ang nasira dahil dito. Ngayong lumalaki ang mga call centers sa Pilipinas, marami na ring mga dating OFW ang nakabalik sa bansa para rito na magtrabaho sa mga call centers at makapiling na araw-araw ang kanilang mga sariling pamilya.
Kailangan lang ay gumawa pa ng mga batas na magbibigay-proteksyon para sa mga call center workers. Marami rin kasing mga call center agents ang nagkakasakit dahil sa kakaibang oras ng trabaho nila na kadalasan ay gising sila buong magdamag. Ang kalusugan ang pangunahing kalaban ng mga manggagawa ng call centers kaya dapat dito tumutok ang mga kongresista, senador, at maging ang papalit kay PNoy.
Marapat din lang siguro na kilalanin natin at pasalamatan ang lehislador ng batas at itinuturing na ama ng call center business sa Pilipinas. Siya ang dating senador na si Mar Roxas. Dapat ay maging patas din tayo sa mga taong nagseserbisyo sa bayan at bigyan natin ng papuri ang gumagawa ng mabuti, habang patuloy rin nating binabantayan ang mga nag-aabuso sa kapangyarihan at sa kaban ng bayan.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo