PARANG KAILAN lang nang ipagdiwang natin ang simula ng 20th Anniversary ng PhilHealth noong February 14, 2015. Bigla akong napaisip… ano na nga ba ang mga naging kaganapan sa PhilHealth sa unang anim na buwan ng taong 2015?
Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang mga mahahalagang kaganapan sa programang PhilHealth sa nakalipas na anim na buwan at kung anu-ano pa ang mga dapat abangan sa huling anim na buwan ng taong kasalukuyan.
Noong buwan ng Pebrero ay ginanap ang isang conference na may temang PhilHealth@20: Four Tracks One Goal Towards UHC. Ito ay isang malaking pagtitipon ng mga eksperto mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo para sa pag aaral tungo sa kalusugang pangkalahatan. Ika-17 naman ng Pebrero nang maganap ang makasaysayang PhilHealth Run 2015: Ready, Tsekap, Go! kung saan mahigit limampung libong (50k) Pilipino sa buong kapuluan ang dumalo at sabay-sabay na tumakbo. Ang PRAISE Awards 2015: Gawad Pagkilala ng Manggagawa ay naganap noong huling linggo ng Pebrero upang parangalan ang mga natatanging empleyado sa larangan ng paghahatid ng dekalidad na serbisyo publiko at sa pagiging mabuting ehemplo sa kanilang kapwa kawani.
Buwan ng Pebrero din nang pormal na igawad sa PhilHealth ang ISO 9001:2008 Certificate. Ito ay isang prestihiyosong pagkilala sa PhilHealth sa larangan ng pagbibigay ng dekalidad na serbisyo sa bawat miyembro at tamang pamamalakad at direktiba ng Korporasyon. Kasabay rin nito ang paglunsad ng 20th Anniversary commemorative stamp at medal.
Kinilala rin ng PhilHealth ang mga partner banks and non-banks nito sa patuloy at maayos na pagtanggap ng premium remittance mula sa mga miyembro nito. Gayundin, ang pagkilala sa mga matatagal nang partner ng PhilHealth sa larangan ng premium collections.
Bukod dito, may mga bagong sistema at benepisyo rin na ipinalabas ang PhilHealth at ito ay ang mga sumusunod:
- All Case Rates Search Engine sa PhilHealth Website – mas madali nang malaman ng mga miyembro kung magkano ang sagot ng PhilHealth sa bawat sakit o karamdaman;
- Member Inquiry Facility sa PhilHealth Website – maaaring makita o maberipika ng miyembro ang detalye ng kanyang Member Data Racord (MDR) gamit ang Internet;
- Health Care Institution (HCI) Portal – mabeberipika ang claims eligibility ng miyembro at mas mapadadali ang proseso ng claims availment dahil mas kaunti na ang requirements na hihingin ng ospital;
- Enhanced Primary Care Package o Tsekap (Tamang Serbisyo sa Kalusugan ng Pamilya)– ang mas pinagbuti at pinalawak na Primary Care Benefits na mayroong kaakibat na promotive, preventive, at diagnostic services para sa mga miyembro nito na nasa ilalim ng Indigent at Sponsored Program;
- Pagpapalawig ng dialysis coverage mula 45 days hanggang 90 araw kada taon;
- Pagbubukas ng oportunidad para sa pribadong institusyong pangkalusugan upang maging contracted facility para sa Z-benefit packages;
- PhilHealth coverage para sa Ebola and Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus (MERSCoV).
Ang lahat ng inobasyong ito ay sadyang ginawa para sa lahat ng mga miyembro para sa mas maayos at mas madaling paggamit ng benepisyong PhilHealth.
Makaaasa kayong mas paiigihin at palalawakin pa ng PhilHealth ang benepisyong pangkalusugan at patuloy na serbisyong dekalidad para sa lahat.
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas