MAINIT NA USAPIN ngayon ang tungkol sa Republic Act 9344 o mas kilala sa tawag na Juvenile Justice Welfare Act. Sa batas na ito mas pinagtutuunan ng importansiya ang kapakanan ng isang crime offender na nasa gulang na mas mababa sa 18 years old.
Nakapaloob sa RA 9344 na hindi dapat papanagutin ang isang nabanggit na menor de edad sa nagawa niyang krimen tulad ng paghahalo rito sa kulungan ng mga hardened criminals o iyong mga tinatawag na pusakal.
Dahil dito, nagpipiyesta ang mga sindikato sa paggamit sa mga menor de edad sa kanilang mga masamang gawain – lalo na ang mga drug lord.
Mayroon ding mga menor de edad na sadyang sinasamantala ang RA 9344 para maisakatuparan ang mga trip nila. Ang mga kabataang ito ay palaging bitbit ang kanilang mga birth certificate para sakaling mahuli sila, agad nilang iwawagayway ang dokumentong ito at pa-kakawalan na sila ng ating kapulisan.
Nakapagtataka na marami pa rin ang sumusuporta sa RA 9344. Ito ay base na rin sa mga ginawang pag-dedebate sa pamamagitan ng mga pro at anti-RA 9344 sa iba’t ibang programa sa telebisyon.
Inaamin ko na ako ay sa panig na dapat babaan ang edad ng mga mabibigyang proteksyon ng batas na ito. Ito ang simpleng tanong ko sa mga supporters ng RA 9344 na ayaw itong paamiyendahan: Ano ang mararamdaman ninyo kapag ginahasa ng isang menor de edad ang inyong anak at kapag nahuli siya ay papakawalan din? Ang masaklap pa, pagkalipas ng ilang araw maba-balitaan ninyong muling nanggahasa ang menor de edad na ito, at anak naman ng inyong kapitbahay ang kanyang ginahasa at pagkatapos, tulad ng dati, kinailangan siyang pakawalan dahil siya ay protektado ng RA 9344.
Kaya ko naitanong ito sapagkat ilang taon ang nakakaraan isang magulang ang dumulog sa inyong SHOOTER na nalagay sa kaparehong sitwasyon na aking nabanggit.
Ang mga mambabatas na nasa likod ng pagpasa ng RA 9344 ay maliwanag na manhid sa kalagayan ng mga mahihirap nating kababayan. Sa aking mga karanasan, karamihan sa mga nabibiktima ng mga karumaldumal na krimen – tulad ng rape – ng mga menor de edad na napapaulat sa talaan ng ating mga kapulisan ay mga nasa C, D, E class ng ating lipunan. Ito ay iyong mga kababaihan na nagko-commute o naglalakad lamang sa kanilang pinupuntahan.
Samantalang ang mga nasa A & B class ng ating lipunan ay hindi mabibiktima dahil sila ay nagmamaneho ng kanilang mga sariling sasakyan o kung hindi man sila’y ipinagmamaneho at kung minsan pa ay may kasamang alalay. Sa grupong ito napapasama ang mga mambabatas natin na may pakana ng RA 9344.
At siyempre halos lahat sa grupong ito bukod sa may sarili silang mga sasakyan, nakatira rin sila sa mga subdibisyon na guwardiyado at protektado. Kaya, basta safe sila at ang kanilang mga mahal sa buhay, wala na silang pakialam sa iba pang mga mamamayan at kailangan nilang gumawa ng batas tulad ng RA 9344 para masabi lang na sila ay nagtatrabaho.
Ang inyong SHOOTING RANGE ay mapapanood Lunes hanggang Biyernes, 11:30-12:15 pm sa programang Balitang Tapat sa TV5. At pagsapit ng 2:00-4:00 pm, Lunes hanggang Biyernes, makikipagbakbakan ang inyong SHOOTING RANGE sa mga abusado’t mapang-api sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3 FM Radyo5.
Shooting Range
Raffy Tulfo