KUNG TOTOO nga talaga ang kumakalat na balita na may balak na tumakbo sa pagka-alkalde ng Quezon City si Vic Sotto sa darating na eleksyon, nakataga na sa bato ang kanyang pagkakapanalo. Kahit sino pa ang kanyang maging katunggali tiyak na malalampaso.
Pero kung ang mga masugid niyang tagahanga mula Aparri hanggang Jolo ang tatanungin, marahil mas gugustuhin nilang tumakbo siya para sa isang national position tulad ng senador nang sa gayon lahat sila ay kanyang mapagsisilbihan.
At sakali mang pinili niyang tumakbo sa pagka-senador, nakasisiguro siyang makukuha niya ang top position pagdating sa paramihan ng boto. ‘Di tulad ng ibang showbiz celebrities na pumapalaot sa pulitika at binoboto ng kanilang mga fans dahil sa popularidad, si Vic Sotto ay bobotohin dahil sa kanyang mga ginagawang pagtulong sa mga mahihirap sa pamamagitan ng Eat Bulaga.
Madalas kong napapanood ang nasabing noontime show at napapansin kong hindi lamang isang entertainment show ito, kung tutuusin puwede rin itong maituring na isang public service program dahil namimigay ito ng tulong at biyaya sa mga komunidad.
KUNG MERON mang dapat sisihin sa nangyaring pag-amok ng security guard na si Orlan Ventura noong Sabado sa Cubao, Quezon City, ito ay walang iba kundi ang ating gobyerno. Ayon sa report, nais daw magbale ni Ventura sa kanyang agency para sa pang-tuition ng kanyang anak.
Pero sa halip na maunawaan at pagbigyan, sinibak siya sa kanyang trabaho, kaya ang nangyari, naaburido ito at naghuramentado.
Matagal nang alam ng ating gobyerno ang talamak na pang-aapi sa mga security guards ng kanilang mga agency ngunit nagbubulag-bulagan lamang ito.
Sa mahigit isang dekada ko ng pagtatanggap ng mga sumbong sa action center ng aking programang WANTED SA RADYO, araw-araw, walang mintis, dose-dosenang mga security guards ang dumudulog sa amin at pare-pareho ang kanilang mga sumbong.
Sobrang baba sa minimum wage, dose oras pataas ang trabaho kada araw na walang overtime pay, walang day off dahil pitong araw diretso ang kanilang trabaho, palaging delayed ang suweldo, minumura kapag nagrereklamo sa kanilang suweldo, all-around ang kanilang trabaho at walang 13th month pay ang pangkaraniwan nilang mga sumbong.
Pero ang pinakamatindi sa lahat, kayod kalabaw na nga sila sa kakarampot na suweldo, kinukupitan pa sila ng kanilang agency. Kinakaltasan sila kada suweldo para sa SSS at PhilHealth, ngunit hindi naman nire-remit ng kanilang agency sa mga nabanggit na ahensiya ang mga perang nakakaltas sa kanila.
Kapag mahina-hina ang dibdib ng isang security guard na nakararanas ng ganitong klaseng mga pang-aapi, madali siyang bibigay at maghuhuramentado. Noong nakaraang linggo nga lang, isang complainant na dumulog sa T3 ang nabaril ng shotgun sa ulo ng isang naghuramentadong security guard.
Marami nang naitala na mga security guard na natopak at nakapanakit sa mga nagdaang taon, ngunit sadyang hindi ito binibigyang pansin ng ating pamahalaan. Marahil, marami ring mga may topak sa ating gobyerno, dahil hindi nila napapansin ang mga malalang problema sa ating bayan.
Pero seriously speaking, hihintayin pa ba natin na dumating ang panahon na magiging biktima ang maraming taong banyaga ng isang naghuhuramentadong security guard, tulad ng ginawa ng isang pulis sa Luneta noong nakaraang taon, bago magising ang ating pamahalaan sa kanilang tunay na kalagayan?
Para sa inyong mga sumbong magtext sa 0918-87-TULFO o dili kaya sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo