NAGBUKAS NA ang mga pampublikong paaralan sa buong Pilipinas. Dito lamang sa Metro Manila na may 865 public schools ay hindi na halos magkasya ang aabot sa 2,172,576 na mag-aaral sa kanilang mga silid aralan. Ginagamit na rin ang mga school corridor, clinic at maging opisina ng principal para lamang matuloy ang pag-aaral ng kabataang Pilipino.
Sa ganitong kalagayan ng mga public school natin sa bansa, anong magandang kinabukasan ang naghihintay sa kanila? Nag-uugat kaya sa problemang ito ang bumababang kalidad ng edukasyon sa primary at secondary level ng Department of Education (DepEd)?
KUNG SISIYASATING mabuti ang mga graduatena mayroon tayo ngayon, tila hindi na bago sa atin ang dalawang reyalidad na kinasasadlakan nila. Una, marami sa kanila ay hindi nakakukuha ng mga trabahong angkop sa kanilang pinag-aralan at kadalasan ay pasok sila sa tinatawag na “underemployed”. Ito ay ang pagkakaroon ng trabaho na mas mababa ang suweldo at puwesto sa dapat ay ginagawa at tinatanggap ng isang tao.
Ang pangalawa naman ay ang kawalan ng trabaho o ang hindi nila pagkatanggap sa kanilang mga inaaplayang kompanya. Ito ay dahil sa wala silang kakayahan o skills na hinahanap ng mga kompanyang ito. Kaya ang marami sa kanila ay nagtitiis na lang sa mga trabahong mas mababa ang kita kaysa sa kanilang inaasahang suweldo base sa kanilang mga degree o titulong tinapos sa kolehiyo.
Ang tanong ngayon ay saan nag-uugat ang problemang ito? Ang mga eksperto sa edukasyon ay nagsasabing ang basic education ay napakahalaga sa bawat mag-aaral sa kolehiyo at maging sa bawat tao bilang bahagi ng isang lipunan. Halimbawa, ang kaalaman sa pagsulat at pagbasa ay hindi lamang nalilimitahan sa kakayahang makapagsulat at makapagbasa kung ito ay nakaugnay sa usaping kuwalipikasyon sa trabaho.
ANG HINAHANAP ng mga kumpanya ay mga graduate o manggagawa na hindi lang basta nakapagsusulat at nakababasa. Ang hinahanap nila ay mga taong mahusay magsulat at magbasa. Mahusay sumunod sa mga instruksyon. Madaling makaunawa ng trabaho at matalas ang isip.
Kung iuugnay ito sa kalagayan ng mga mag-aaral ngayon sa mga public schools, malayong maging mahusay sila sa mga skill o kakayahang kakailanganin nila sa hinaharap upang sila ay makakuha ng maayos na trabaho.
Mahirap ang matuto sa isang paaralang may ganitong sitwasyon kung saan ay siksikan ang mga estudyante. Sa huli, makatapos man ang marami sa kanila, hindi rin sila makatutuloy sa kolehiyo dahil mahihirapan silang maipasa ang entrance exams ng colleges at universities sa bansa. Hindi na sila tutuloy sa kolehiyo at mamasukan na lamang bilang mga construction worker, pagkakatulong sa bahay o waitress sa isang kainan.
Sa sitwasyong meron tayo ngayon sa ating mga pampublikong paaralan, halos mababanaag na natin ang kinabukasang ibibigay natin sa ating mga estudyante. Ang DepEd ay patuloy lamang sa ganitong bulok na sistema kaya’t lalong dumarami ang mahihirap sa bansa. Ang mga anak ng mahihirap ay magiging mahirap din sapagkat hindi sila nabibigyan na magandang esdukasyon ng ating pamahalaan.
DAPAT AY masusing pag-aralan ng DepEd ang sitwasyong may 80 estudyante sa bawat silid aralan ng ating elementarya at high school. Paano makapagtuturo ang isang guro sa 80 estudyante? Ang mga skills gaya ng basic reading at writing ay nangangailangan ng tinatawag na one-to-one interaction sa pagitan ng guro at mag-aaral.
Mahirap ituro ang basic writing dahil kailangan mong hawakan ang kamay ng mag-aaral para sa tamang paghawak ng lapis halimbawa. Paano ito gagawin ng isang grade 1 teacher sa 80 estudyante? Kaya lalabas na hindi posibleng matutukan ng guro ang bawat mag-aaral nito. Ang resulta sa huli ay mahinang kalidad ng edukasyon.
Sa tingin ko ay simpleng math problem lang ang problema sa pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa primary at secondary level ng DepEd. Hanggang mayroong sitwasyon sa public schools kung saan may mga classroom na may 80 students na class size ay asahan na natin na mababa ang kalidad ng edukasyon dito.
Sinabi kong simpleng math problem ito dahil ang kailangan lamang ay bawasan ito sa kalahati. Maximum ng 40 students lamang ang kayang hawakan, turuan at tugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante, ng isang guro ayon sa mga eksperto. Kaya malinaw na kung nais nating itaas ang antas ng kalidad ng edukasyon sa primary at secondary level, ay kailangang maipatupad ang ganitong standard size ng class population.
HINDI PA man naipatutupad ang grades 11 at 12, na dalawang taong dagdag sa basic education program ng DepEd ay ganito na ang problema sa classrooms, paano pa kaya kung dumating na ang taong 2016 kung saan sisimulan ang grades 11 at 12?
Hindi lang kasi sapat na magplano ang ating pamahalaan sa isang papel at batas. Kailangan nitong magdagdag ng pondo para maipatupad ang plano at batas. Maliwanag na kapos ang budget na ibinigay ng pamahalaan para magpatayo ng sapat na bilang ng mga classrooms kaya magpahanggang ngayon ay malaking problema ang siksikan sa klase.
May pondo naman tayo mula sa mga kinolektang buwis. Ang problema ay ang hindi paglalagay ng sapat na pondo para sa edukasyon. Ang mas malaking problema ay ang paglalagay ng pondo sa mga madaling nakawin at pagkakitaan gaya ng PDAF at DAP ng Pangulo. Kung seryoso ang ating pamahalaan na paangatin ang kalidad ng edukasyon ng basic education sa Pilipinas, ipakita nila ito sa pamamagitan ng pagpapagawa ng marami pang silid aralan sa buong bansa.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong at reklamo, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo