NANOOD AKO ng pelikulang Heneral Luna. Maganda at very inspiring ito para sa mga taong interesado kung ano ang kuwentong nakatiklop sa likod ng katauhan ni Heneral Luna. Marami ang kuru-kuro sa pagkamatay niya. Sino ang tunay na may kinalaman at salarin nito?
Subalit para sa akin, sa gitna ng kailangan sa oras na dapat mangyari para sa isang bansa, ito ay isang dugo ng kabayanihan. Isang bahagi ng kasaysayan na humubog sa ating katangian bilang Pilipino ang ipinakita sa pelikulang Heneral Luna ng mahusay na director na si Jerrold Tarog.
Nang simulang magkaroon ng sariling republika ang ating bansa noong 1898, itinatag ni Hen. Luna ang Philippine’s first Military Academy sa ilalim ni Pangulong Emilio Aguinaldo. Siya ay tinaguriang pinakamagaling na heneral sa panahon ng Philippine-American War.
Sa ngayon, itinuturing na highest grossing film ang Heneral Luna sa lahat ng nai-produce na historical films ng Pilipinas dahil umabot na diumano ito ng kitang mahigit P200 million. Sa pinagsama-samang galing at husay sa pag-arte ng mga character at stage actors sa pangunguna nina John Arcilla (bilang Hen. Antonio Luna), Mon Confiado, Epi Quizon, Joem Bascon, Noni Buencamino, at marami pang iba, binigyang-buhay nila ang bahagi ng kasaysayan na maaaring hindi naitala sa mga history books. Bagama’t sinasabi na ang palabas na ito ay kumbinasyon ng ‘real’ at ‘imaginary’, nag-iwan pa rin ito ng kamalayan sa mga manonood upang simulan nating i-proseso sa ating mga isip at puso kung tayo nga ba ay nag-iisip at gumagawa para sa bayan o sa pansarili lamang.
Sa mga gabinete ng unang republika, mayroong ipinaglalaban hanggang sa huli ang kasarinlan bilang Pilipino na tulad ni Heneral Luna. Ang iba naman, lalo’t may ‘business interest’ at politika ay nais ang mas mapayapang pakikisalamuha sa mga dayuhan kaya ang dahilan ay tigilan na ang pakikidigma dahil marami lamang ang mamamatay at walang kasasapitan ang buhay at kaunlaran.
Sa katauhan ni Heneral Luna, naniniwala ako na isa siyang taong may mataas na lebel ng pag-iisip o henyo sa tinatawag na ‘art of war’. Nagmula siya sa may kayang pamilya, nag-aral ukol sa military sa Europa, ng pharmacy, literature, at chemistry. Marahil, ayaw niya ng mga walang kabuluhang mga pag-uusap, parang kung ano ang plano o direktiba, ay dapat iyon ang sundin bilang military.
Na kung ang ipinaglalaban mo ay ang bayan, dapat bayan ang ipinagtatanggol at walang lugar ang sumuko sa mga dayuhan. Sa kanyang mga adhikain sa bayan at pagiging seryoso sa pagpapatupad ng kanyang mga plano, mabilis siyang magalit o mag-react sa mga pagbabago, kung kaya marahil sinasabing ang kanyang ‘temper’ ang siyang dahilan kung bakit maraming nagagalit na nagbunsod sa ‘political jealousy’ na sanhi ng kanyang kamatayan.
Sa aking pananaw, ‘universal’ itong nangyayari kahit anong lahi. Nangingibabaw nga naman ang pag-unlad sa isang pakikitungo sa mapayapang pamamaraan. ‘Ika nga, kung panay digmaan, ano ang kaunlaran na matatamo ng isang bansa? Wala, kundi kamatayan. Subalit ang ginawa ng ating mga ninuno ay isang kuwentong magbibigay-aral sa ating lahi bilang isang tunay na Pilipino, ang ipaglaban ang kanyang karapatan ng kanyang bansa.
Bagama’t may mga nais ilahad na lihim ang pelikulang Heneral Luna, naiiwan pa rin sa mga manood ang paghusga. Ang mahalaga, nagbibigay ito ng bagong timpla sa dati nang lasa ng kasaysayan. Higit sa lahat, hinangaan ko ang mga wardrobe o costume ng mga karakter. Mahinay ngunit klarado ang bawat eksena. Ang maganda, nilagyan ng ‘visual effects’ upang ipakitang makatotohanan ang bawat eksena. Ang mga ‘dialogue’ at ilang eksena ay ginawang makabago upang bigyan ng kaunting ‘humor’ ang pelikula.
Maganda rin ang kanilang cinematography at musical scoring. Hindi nakapagtataka, sapagkat ang director na siya ring writer at editor ng pelikula ay masasabing naglikha ng isang ‘masterpiece’. Binabati kita, sana magkita muli tayo, kaibigang Jerrold Tarog! Mabuhay!
Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia.
For comments and suggestions, email: [email protected]; cel. no. 09301457621
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia