PAANO MO ba malalaman na ang taong nasa harap mo ay ang first love mo? Una, kapag dumaraan siya, bumibilis ang tibok ng puso mo. Pangalawa, kapag nakikita mo siya, matik na ikaw ay mapangigiti. Pangatlo, gusto mo laging maging presentable para mapansin ka niya. Pangatlo, halimbawa sa eskuwelahan, kung saan siya sumaling organization o club, gusto mo roon ka rin. Pang-apat, sinasadya mo na makita siya. Panglima, kapag kinausap ka niya, natatameme ka. Pangpito, kapag naririnig mo ang boses niya, kilig na kilig ka na. Pangwalo, kapag nakakasama mo siya, nagiging kumpleto na ang araw mo. At pang-siyam, kapag ang lahat ng walong ito ay higit pa sa dalawang taon mo nang ginagawa o nangyayari ito sa buhay mo. Dahil kung mga tatlong buwan pa lang, e ‘di crush pa lang iyan. Pero kung iyon nga, kung taon na ang binibilang, aba! Pag-ibig na nga iyan!
Lahat ng iyan ay nasa pelikulang “A Crazy Little Thing Called Love” na isang Thai movie. Kaya hindi na rin naging kataka-taka ang pagiging sikat nito sa mga Pinoy dahil nga nakare-relate tayo rito. Malamang lahat tayo ay daraan sa pagkabaliw sa ating first love. Ang nakabibilib sa pelikulang ito, hindi ito naipalabas sa mga sinehan dito sa ating bansa ngunit ito ay naging viral lang sa mga social networking site. Ibig sabihin, kakaiba ang impact nito sa mga bagets ng ‘Pinas! Kahit nga ako, sa YouTube ko lang din naman ito napanood.
Ang pelikulang ito ay isang tipikal na kuwento ng pag-ibig na nabuo sa high school. Mababaw ang mga eksena nito dahil nga mga bata pa lamang ang bida rito, sina PNam at Pshone o Pimchanok Luewisetpaiboon at Mario Maurer sa totoong buhay. Pero kahit mababaw man ito, tagos naman sa puso ang emosyon na nakapaloob dito.
Pinakita rito ang mga makukulit at nakakikilig na eksena na tipong hahamakin ang lahat makuha lang ang pagtingin niya, bagets version nga lang. Mapanonood dito ang pag-transform ni PNam sa pagiging ugly duckling patungong beautiful swan! Nagpaganda talaga siya nang husto para mapansin ni PShone. At mas nagpasaya pa rito ay ang barkada natin na hindi mawawala lalo na sa pang-aasar sa tuwing daraan ang love mo. Ito rin ay ipinakita sa plot ng istorya.
Kaya tayo nakare-relate sa palabas na ito dahil kung minsan, mayroon at mayroon sa atin na iibig o umiibig sa isang sikat at maganda o guwapo sa school. Sa istorya, si Pshone ay ang heartthrob sa paaralan nila. Football varsity player din! Kaya laking hiwaga sa atin kung paano mai-in love ang isang sikat na si Pshone sa isang tipikal na babae na si PNam. Kaya natin tinangkilik ang pelikulang ito, sa kagustuhang masagot natin ang hiwagang ito.
Hindi lang naman puro tungkol sa pag-ibig lang ang pelikulang ito. Tinatalakay rin nito ang mga personal na bagay na pinagdaraanan ng isang kabataan. Tulad ng kay PNam. Ginagalingan niya sa paaralan at nag-aaral nang mabuti para maging Top 1 para hindi mabigo ang kanyang pamilya at para matupad ang pangarap niyang makapagaral sa New York. Si Pshone naman, hinarap niya ang malaking hamon sa buhay niya nang siya ang tumira ng penalty kick sa laro. Malaking hamon ito para sa kanya dahil ayaw niyang mabigo ang kanyang ama na dati ring football player at ang kanyang paaralan na parehong umaasa sa kanya.
Pero ang pinakamagandang aral sa pelikulang ito ay una, nang ipinakita sa huli na noon pa lamang kahit hindi pa kagandahan si PNam, gusto na siya ni Pshone. Sinasabi lang nito na ang pag-ibig ay hindi sa itsura lang ang basehan ngunit nasa kalooban ng isang tao. At pangalawa, hindi man naging sila noong una, hindi nila ito pinagpilitan. Nasaktan nga sila, pinagpatuloy lang nila ang buhay nang makamit nila ang mga pangarap nila sa buhay at hanggang dumating din ang tamang panahon para sa kanilang dalawa.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo