Ang Libre na Nakapagpapasaya Nang Wagas

MAY UGALI ang mga bagets na kapag nakarinig ng salitang “libre”, mabilis lumaki ang ngiti sa kanilang mga mukha. May biruan pa nga na kung gusto mong samahan ka ng kaibigan mo sa trip mo, sabihin mo lang ililibre mo siya para wala nang dala-dalawang isip, sasama siya agad-agad. Madalas din nagiging pain sa pustahan na kapag natalo, dapat manlibre. Hindi na rin nawawala sa kaisipan ng tao ngayon na kapag may malaking kaganapan sa buhay ng tao tulad ng birthday, graduation o promotion sa trabaho, malamang sa malamang, kantyaw na “libre” ang aabutin mo. Masaya talaga kapag tayo ay nalilibre. Lalo na kung kuripot ka. Naku, siguro ang saya-saya mo na kapag may nanlilibre sa iyo. Pero, alam n’yo ba hindi pa ‘yan ang pinakamasayang libre na puwede mong maranasan. Bakit? Dahil ang matinding kasiyahan ay hindi nabibili ng pera. Anu-ano nga ba ito?

Tunay na Kaibigan

Nangunguna sa listahan ang pagkakaroon ng tunay na kaibigan. ‘Yung kaibigan na nariyan para sa iyo, kailangan mo man siya o hindi. ‘Yung kaibigan na babatukan ka sa iyong mga katangahan pero dadamayan ka sa iyong kalokohang pinasukan. Hindi ito matutumbasan ng kahit gaano kalaking pera. Hindi nakakabili ang tunay na kaibigan.

Mapagmahal na Pamilya

Bakit nga ba pangalawa ito sa aking listahan? Ito ay dahil simula’t sapul naman, wala naman tayong kontrol sa pagpili ng pamilya na kabibilangan. Hindi tulad sa tunay na kaibigan, tayo ang pumipili nito. Gayunpaman, hindi rin matutumbasan ng pera ang relasyon ng pamilya. Sila ‘yung grupo ng tao na tanggap ang iyong kabutihan at kamalian. Sila ‘yung mga taong handang tumanggap sa iyo kahit tinakwil ka na ng lahat. At sila rin ‘yung mga tao na minsan mo nang kinakalimutan, pero mahal na mahal ka pa ring tunay.

Lesson na Babago sa Iyong Buhay

May kasabihan nga tayo na “the best teacher is not found in school, but in life, and that is experience”. Oo tama, hindi mabibili ng pera ang mga lessons sa buhay na siyang makapagpapabago sa ating pagkatao. Kasi hindi kinakailangan ng matrikula para ito ay makuha. Wala ring miscellaneous na kailangan intindihin.

Pagpapatawad

Ang pagpapatawad ay kailanman hindi mabibili ng pera. Kapag nakagawa sa iyo ng kasalanan ang isang tao, sa tingin mo ba kapag sinabi niya na babayaran na lang niya ng pera ang nagawa niyang kasalanan sa iyo, ‘di ba, mas magagalit ka pa sa kanya? Iisipin mo pa na dinadaan ka pa niya sa pera. Panghahawakan mo pa nga na ang simpleng pagsabi ng “sorry” na bukal sa kalooban ay siyang susi lamang para kayo ay magkabati ng dating nakaalitan.

Hindi ko rin maitatanggi na nabibili ng pera ang mga luho ng isang tao tulad ng cellphone, tablets, damit, sapatos, pagkain at kung anu-ano pa. Ito ay magdudulot ng saya sa atin. Pero, panandaliang kasiyahan lamang. Dahil ang mga luho naman na ito ay nalilipasan ng panahon. Malalaos din. At mauubos din. Kaya atin lang ding napatunayan mula sa listahan na nabanggit na hindi mabibili ng pera ang mga bagay-bagay na siyang magbibigay ng wagas na kaligayahan sa tao.

Usapang Bagets
By Ralph Tulfo

Previous articleBea vs Maricar tapatan
Next articleLegal na Paraan Para Masingil ang Umutang

No posts to display