MARAMI SA ating mga kababayan ang namangha sa naging iregular na pangitain ng buwan (moon) nitong nakaraang Lunes ng gabi. Samu’t sari rin ang mga ispekulasyon kung ano ang nasa likod ng kakaibang anyo ng buwan at tila may mahalagang mensahe itong dala-dala.
Sa nakaraang mga panahon, ang buwan ay hindi lamang nagsisilbing tanglaw o ilaw sa gabing madilim kundi pinagkukunan din ito ng mensahe ng mga sinaunang tao upang maging gabay nila sa panghinaharap.
Dito nila binabase ang mga desisyong kailangan nilang gawin o mga pagpili sa buhay gaya ng kung anong pananim o hanap-buhay ang naitakda ng anyo ng buwan. Lumang pagtingin at paniniwala na rin ang pagtaas ng tubig sa dagat kung bilog ang buwan ngunit may katotohanan ito base na rin sa pag-aaral ng siyensya at laws of nature.
Si Thales ang pinakamatandang Greek philosopher, ayon sa mga datos ni Plato at Aristotle ay siya ring unang nakatuklas ng misteryo sa likod ng isang lunar eclipse. Kayang-kaya niyang ma-predict ang susunod na lunar eclipse sa pamamagitan ng mathematics at astronomy.
SA KULTURANG Pilipino, ang buwan ay sumasalamin sa mga misteryo sa buhay ng tao. Ang paniniwalang naglalabasan ang mga maligno, engkanto at aswang ay lumang sabi-sabi na tumatak sa isip ng mga bata dahil ito ang malimit na panakot ng mga magulang sa mga anak na may katigasan ang ulo o isang paraan ng pagdidisiplina.
May mga nagsasabi ring magdadala raw ito ng delubyo o masamang panahon sa mga tao kaya’t hindi ito magandang pangitain.
Marami sa kulturang Pilipino, paniniwala at moralidad ang nakadikit sa hiwaga ng buwan. Ito ang gumabay sa mga ninuno natin at naging kasangkapan nila para harapin ang lahat ng mga laban sa kanilang pamumuhay.
NGAYONG MALALIM na ang pag-aaral sa kapaligiran at sa kalikasan ay mas nauunawaan na ng tao ang ganitong kaganapan dahil sapat na ang mga kagamitan at teknolohiya para maipaliwanag ito.
Ang lunar halo o moon halo, ayon sa mga eksperto, ay isang “optical effect” sanhi ng tinatawag na refraction of moonlight mula sa ice crystals ng upper atmosphere. Ito ang naging paliwanag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ipinaliwanag din ng isang astronomy professor sa Rizal Technological University, na ang pagbaba ng temperature sa upper atmosphere ang siyang naging sanhi ng pagkakabuo o formation ng ice crystals. Ang tinatawag na “icicles refract” ang gumagawa ng parang mala ilaw na epekto sa isang salamin na nagresulta sa formation ng isang “ring” sa palibot ng buwan.
Ang “moon halo” ay maaari ring signos ng isang paparating na malakas na pag-ulan ayon kay Jose Mendoza, chief ng PAGASA Astronomical Publication Unit.
LUMIPAS MAN ang panahon na may taglay na hiwaga ang mga anyo ng buwan ay nanatili pa rin ang kahalagahan na malaman ng tao ang kahulugan ng paiba-iba nitong kaanyuan. Tanda ito na dapat ay patuloy nating pahalagahan ang ating kapaligiran at kalikasan.
Kagandahan man, hiwaga o isang teknikal na kaalaman tungkol sa mundo o panahon ang dala ng buwan ay dapat nating laging isaisip na kayamanan itong dapat nating pag-ingatan.
Sana ang susunod na salinlahi ay may pagkakataon pa ring masilayan ang lahat ng ito.
Shooting Range
Raffy Tulfo