Ang Mahalagang Bato

ANG NATIONAL Kidney Month ay ipinagdiriwang taun-taon pero kami ay naniniwala na lahat tayo ay maaaring maging kidney champions anumang panahon at anumang oras. Kaya naman ang ating tatalakayin ngayong linggong ito ay kung paano aalagaan ang ating mga bato o kidney at kung paano makatutulong ang inyong PhilHealth kapag dumating ang araw na tayo ay dapuan ng karamdamang hindi natin inaasahan lalung-lalo na kung tayo ay magkasakit sa bato.

Lagi nating sinasabi na “mahirap magkasakit”. Totoo po ang kasabihang ito dahil napakalaking hamon sa ating pamilya ang pinansiyal na gastusin hindi lamang sa pagpapa-ospital pero mas lalo kung maraming gamot at matagal na gamutan ang ating kakailanganin para sa kidney disorder.

Ang mga indibidwal na mayroong kidney disorder ay maaari pa ring magkaroon ng makabuluhang buhay. Maaari pa rin silang magtrabaho, makapiling ang kanilang pamilya nang matiwasay, at manatiling aktibo sa mga gawaing pisikal. Nguni’t ipinapayo rin sa kanila na magkaroon ng pagbabago sa kanilang pagkain o diet at paraan ng pamumuhay. Mahalaga ring malaman na ang heart attack at stroke ay mga karaniwang kumplikasyon ng mga taong may kidney disease, kaya naman ang mga pagbabagong tinalakay natin ay makabubuti para sa kanilang puso at bato.

Ang pagbabago sa pag-ihi, pagmanas ng paa, kamay o mukha, madaling pagkapagod, back pain, pagkawala ng ganang kumain, pagsusuka, at pagkahilo ay ilan lamang sa karaniwang sintomas na maaaring maramdaman ng isang pasyenteng may kidney disease. Kapag naramdaman ninyo ang mga sintomas na iyan, makabubuting kausapin ninyo ang inyong doktor tungkol sa alalahaning ito upang maagapan ang paglala ng inyong kidney disease.

At para naman maiwasan ang paglala ng kidney disorder, ang mga sumusunod na payo ay dapat sundin:

  • Panatilihing mababa ang blood pressure sa punto na itinakda ng inyong doktor;
  • Kapag may diabetes, kontrolin ang lebel ng blood glucose o asukal sa katawan;
  • Panatilihing nasa tamang antas ang inyong blood cholesterol;
  • Inumin ang mga gamot na ibinigay ng inyong doktor;
  • Tumigil sa paninigarilyo;
  • Maging aktibo at magbawas ng timbang kung overweight

Hindi natin hinahangad ang paglala ng sakit ng ating mga kababayan nguni’t ang PhilHealth ay kaagapay ninyo sa panahon ng matinding pangangailang pinansiyal sa panahon ng pagkakasakit. Kaakibat ng sakit sa bato, kapag sumailalim sa kidney transplant ang isang miyembro, binabayaran ng PhilHealth ang operasyong ito sa ilalim ng Z Benefit Package sa halagang P600,000 para sa buong gamutan at pag-aalaga. Pero kung ang isang pasyenteng miyembro ay sasailalim sa peritoneal dialysis, covered pa rin po ito ng PhilHealth sa halagang P270,000 kada taon, kasama na ang mga gagamiting solusyon na kakailanganin ng pasyente. Maaari ring sumailalim ang pasyente sa hemodialysis na binabayaran din ng PhilHealth sa packaged rate na P4,000 kada sesyon sa buong 45 days sa isang taon na maaaring makamit sa aming mga accredited free-standing dialysis clinics.

Sagot din ng PhilHealth ang ilan pang kondisyon na may kinalaman sa bato, tulad ng Nephrectomy na isang procedure kung saan tatanggalin ang kidney o bahagi nito sa halagang P30,300.00; Nephrolithotomy kung saan may maliit na incision na gagawin sa inyong likod upang maalis ang kidney stones sa halagang P27,120.00; at Nephrorrhaphy kung saan isinasara ang sugat o injury sa kidney sa halagang P23,300.00.

Upang ma-avail naman ang Z Benefit Package, lalung-lalo na sa mga pamamaraang gagawin para gamutin ang sakit sa bato, kinakailangang ang miyembro ay bayad nang hindi bababa sa tatlong buwan sa loob ng anim na buwan bago makamit ang PhilHealth benefit. Para sa mga miyembro ng Sponsored Program, mga  OFWs at individually paying members na may policy contract, ang eligibility nila ay batay sa validity period na makikita sa kanilang membership cards o policy contracts. Ang No Balance Billing (NBB) ay nag-a-apply pa rin sa mga kwalipikadong miyembro sa ilalim ng Sponsored at Indigent Programs at kanilang mga dependents.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Z benefit package, o sa mga sakit at operasyon na sagot ng PhilHealth, bisitahin ang ACR Search Engine facility sa homepage ng aming website, www.philhealth.gov.ph. Silipin din ang aming mga social media accounts gaya ng Twitter: @teamphilhealth, Facebook:  www.facebook.com/PhilHealth, at YouTube: www.youtube.com/teamphilhealth. Maaari ring mag-email ng inyong katanungan sa [email protected].

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articlePasukan na naman, tiyak stress ka na naman!
Next articleMILF arm decommissioning, laban o bawi?

No posts to display