MARAMI NANG lumi-liham sa akin na nagrereklamo tungkol sa pag-ipit sa kanilang passport at pagkakait ng exit visa nila. Pangkaraniwang nagaganap ito sa Middle East, partikular sa Saudi.
Halimbawa, kapag tumakas ang isang DH o manggagawa mula sa amo niya at kinukupkop siya ng ating embahada o konsulada, hindi rin siya makalipad papauwi sa Pilipinas dahil nasa amo niya ang passport at ayaw siyang bigyan ng exit visa. Ito ay kostumbre na sa Middle East at maituturing na paglabag sa karapatan ng tao.
Ginagawa ito ng mga Arabo dahil alam nilang sa malao’t madali ay ta-takasan sila ng kanilang mga DH dahil sa kanilang pang-aabuso. At para patuloy nilang maalipin ang mga Pinoy, iipitin nila ang passport at visa ng mga ito. Sa ibang bansa na maayos at makatao ang trato sa mga OFW ay hindi naman ginagawa ang ganitong panggigipit.
Ang dapat gawin ng gobyerno ng Pilipinas ay isama sa kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa na ipagbabawal ang ganitong practice ng mga employer. Kung hindi papayag ang mga employer sa kundisyong ito, huwag na tayong magpadala ng mga maggagawa sa mga abusadong bansang ito.
Dapat malaman ng mga Arabong ito na laos at lipas na ang araw ng mga kaharian na nasusunod kung ano ang gustuhin ng hari. Kaya nga niyayanig ng mga rebelyon at protesta ang mga bansang ito sa Middle East ay dahil sa makalumang kaparaanan ng pamamahala na hindi na matanggap ng mga mamamayan nilang mulat na sa kahalagahan ng demoksrasya.
Sa bahagi naman ng DFA natin, maaari rin namang mag-isyu ito ng mga travel document para magamit sa pag-uwi sa Pilipinas kung patuloy na iniipit ang kanilang passport o exit visa.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo