KUNG PAGBABASEHAN ang sumbong ng 50 anyos na ginang, maluwag na ang mga turnilyo sa ulo ni Police Chief Inspector Noel Campus ng Directorate for Investigation & Detective Management ng Camp Crame, at kailangan na sigurong pihitin ng screwdriver para sumikip bago pa man tuluyang kumalas ang mga ito.
Noong January 16, nagkasabay bumili si Lita Capoquian at Campus sa isang sari-sari store sa Antipolo City. Nagyabang si Campus kay Capoquian at sinabi nitong bibili raw siya ng vitamins – na ang tinutukoy niya ay serbesa.
Inakala ng ginang na nakikipagbiruan sa kanya ang pulis kaya sumagot din ito ng “oo masarap ‘yan kapag malamig, kaya lang nakakalaki ng tiyan.”
HINDI PA man naiinom ni Campus ang serbesa, agad na namula ang kanyang mukha dahil ‘di sinasadyang naging patama pala iyon sa kanya sapagkat ‘di hamak na malaki ang kanyang tiyan.
Gayunpaman, umalis si Campus na nagkikimkim na pala ng sama ng loob kay Capoquian. Pagkalipas ng dalawang araw, muling nagkrus ang landas ng dalawa. Nang mga oras na iyon, marami nang serbesang natungga si Campus.
Walang paliguy-ligoy, sinigawan niya si Capoquian ng, “Wala kang pakialam sa pag-iinom ko, basura ka lang sa akin. Basura lang kayong dalawa ng mister mo!”
Hindi na maikubli ni Campus ang kanyang labis na galit kay Capoquian kaya binunot niya ang kanyang baril at pinaputukan ang ginang. Masuwerte namang may kasamang pamangkin ang pulis na tumulak sa ginang para hindi ito tamaan.
At dahil doon, hindi nga nasapol si Capoquian pero ang bala ay tumama sa paa ng pamangkin ni Campus.
MAKAILANG BESES naming tinawagan si Campus para kunin ang kanyang panig tungkol sa sumbong ni Capoquian pero tumanggi itong magbigay ng komento.
Sa tulong ng programa kong Wanted Sa Radyo, nakapagsampa ng administrative at criminal case si Capoquian laban kay Campus na grave misconduct at attempted homicide. Pero kung ako ang tatanungin, ang bagay na kasong isampa kay Campus ay “illegal possession of loose screws”.
ILANG TEXT messages ang aking natanggap bilang reaksyon sa nakaraan kong column noong Miyerkules, January 29, na pinamagatang “Si Boy Pick-up ay si Boy Bukol din!”
Sa nasabing artikulo, aking isiniwalat ang sumbong ng isang Camp Crame source na paggamit umano ng nagngangalang “Sulit” at ng kanyang mga alipores sa pangalan ni Secretary Mar Roxas at ng DILG para makipag-“kasundo” sa mga gambling lord sa iba’t ibang lugar ng bansa.
Ayon sa source, si Sulit ay isang kawani umano ng Office of the Internal Security ng DILG main office sa Kamuning, Quezon City. Sinuyod daw ng grupo ni Sulit ang iba’t ibang siyudad at probinsya ng bansa kamakailan para makipag-“kasundo” sa mga gambling operator doon.
Ngunit isa sa mga text message na ito ang labis na nakatawag ng aking pansin. Ayon sa texter, nang suyurin daw ng grupo ni Sulit ang La Union noong January 9, Huwebes, lulan daw sila ng isang puting Toyota Innova na may plate number SJG 247.
Nang magberipika kami sa LTO, napag-alaman naming nakarehistro ang nasabing plaka sa Marikina City Government. At nang tawagan namin ang motorpool ng munisipyong ito, lumilitaw na ang plaka ay nakapangalan sa isang miyembro ng City Council doon.
Tinawagan namin ang tanggapan ng nasabing konsehal ngunit nasa convention daw ito at hindi namin nakausap. Ayaw ring ibigay ng motorpool ang cellphone number ng konsehal.
Ang tanong, bakit plaka ng Marikina City Council ang ginagamit ni Sulit sa kanyang pag-o-orbit?
SA TUWING nagiging sentro ng atensyon ang isang mainit na isyu, nagsusulputan ang mga sertipikadong gunggong na opisyal ng ating pamahalaan at nagkakanya-kanya silang pakitaan ng gilas. Pero sa mga pangkaraniwang situwasyon, ang mga hinayupak na ito ay natutulog sa pansitan.
Maihahalintulad sila sa mga daga na saka lamang lalabas ng lungga kapag may naamoy nang nabubulok na pagkaing pinagpipiyestahan ng mga langaw at ipis upang makipapak din.
Ang mga daga, kapag ‘di mo nakikitang nakikisawsaw sa mga pinagpipiyestahan ng mga kapwa scavenger, sila ay abala sa pagngangatngat ng mga damit ng mga may-ari ng bahay na kanilang pinaglulunggaan. At katulad din ng daga ang mga walanghiyang opisyal na ito, kapag walang masasawsawang isyu, abala naman sila sa pambubutas sa kaban ng bayan.
NOONG JANUARY 22, nakipagpulong sa ilang private donors si Department of Education Secretary Armin Luistro para pumasok sa isang memorandum of agreement upang pondohan ang pagpapatayo ng mga classroom at palikuran sa mga paaralan ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.
Kasama rin ang PAGCOR at ibang kilalang fastfood chain na nilapitan ng DepEd para sa feeding program ng mga estudyante rito. Bakit kinailangan pang gamitin ang isang trahedya para maipangalandakan ni Luistro sa sambayanan na siya ay may pagmamalasakit sa mga estudyanteng paslit ng public schools?
Araw-araw, daan-daang text messages ang natatanggap ng aking programa sa radyo mula sa mga magulang ng mga estudyante sa iba’t ibang public schools sa buong bansa at isinusumbong ang talamak na hinihinging “voluntary contribution” a.k.a. pangingikil ng mga eskuwelahang ito sa kanilang mga anak para sa pagpapa-repair ng kanilang classroom, toilet at para sa pambili ng mga upuan, blackboard, electric fan at kurtina.
Pati ang pambayad sa mga janitor, security guard, kuryente at tubig ay sinisingil din sa kanilang mga anak. Talamak din daw ang pangingikil para sa pambili ng pagkain ng kanilang mga anak sa school canteen a.k.a. “feeding program”.
At marami sa mga estudyante, dahil walang maibigay sa mga pangingikil na ito – at sapagkat hinaharang din ang kanilang report card dahil dito – napipilitan na lamang mag-drop out.
NANG TANUNGIN ko ang mga principal at guro ng ilan sa mga eskuwelahang isinusumbong, pare-pareho ang kanilang isinasagot. Pinababayaan lang daw sila ng DepEd at kulang ang suportang nakukuha nila kaya napipilitan na lang silang magremedyo sa mga estudyante.
Bakit tahimik si Luistro sa matagal nang talamak na problemang ito? Pero nang sumapit ang Yolanda, todo-todo ang kanyang pag-eksena.
Daga ba siya o hindi? Kayo na ang bahalang humusga.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo