ISANG NAPAKASIMPLENG pro-blema pinapakumplika. Ito ang sitwasyon na kinakaharap ngayon ni Presidente Noynoy. Ang kanyang pinoproblema ay ang pagreretiro ni PNP Chief Gen. Nick Bartolome pagsapit ng Marso ng susunod na taon.
Natataon ang pagretiro ni Bartolome na dikit sa May 13, 2013 midterm elections. Dahil dito, hindi maaring mag-appoint si P-Noy ng kapalit niya pagkatapos nitong bumaba sa puwesto dahil ito ay lalabag sa 45 days appointment ban sa panahon ng eleksyon.
Isa sa mga gustong gawin ni P-Noy ay ang pagretiruhin nang mas maaga si Bartolome – bago matapos ang taong ito – para makapag-appoint na agad siya ng bagong chief PNP. Masakit para kay Bartolome ang pagretiruhin nang maaga samantalang maganda naman ang kanyang performance. Maliban na lang siguro kung siya ay bibigyan ng bagong puwesto.
Bakit hindi na lang i-extend ni P-Noy ang termino ni Bartolome hanggang matapos ang eleksyon? Kung mangyayari ito, maiksing panahon lang naman ang ipapanatili ni Bartolome sa puwesto na halos dalawang buwan lang.
PERO MAY bagong problema na naman si P-Noy. Kapag in-extend niya ang termino ni Bartolome ng dalawang buwan, iisipin ni P-Noy na baka magdaramdam sa kanya ang taong napangakuan na niyang magiging susunod na PNP chief dahil ang dalawang buwang extension ni Bartolome ay magiging dalawang buwang kabawasan naman sa length of service ng susunod na PNP chief.
Gusto sanang i-appoint ni P-Noy si Bartolome sa DILG kapalit ng nag-resign na si Usec. Rico Puno para may dahilan na siya na pagretiruhin ito nang maaga. Ngunit iniisip ni P-Noy na baka magdamdam naman si Mar Roxas dahil napangakuan niya itong bibigyan ng freehand sa pagpili ng kanyang mga magiging kasama sa DILG.
Kung ito nga ang pinoproblema ni P-Noy, ang napa-kasimpleng paalaala lamang sa kanya ay “Mr. President, ikaw ang Pangulo ng Republika at dapat masunod ang iyong kagustuhan at ‘di ang kapritso ng iyong mga tauhan”.
NOONG HUWEBES ng gabi, nahuli sa akto si PO2 Mark Erickson Cañete habang naghihithit ng Shabu sa loob ng isang sasakyan sa Quezon City na naka-uniporme pa man din. Nang pumutok ang balitang ito sa media, hindi na ako nagulat.
Malas lang ni Cañete at siya ay naaktuhan ‘di tulad sa marami niyang kabarong adik na hindi nadidiskubre ang kanilang pagiging Shabu user hangga’t hindi natitiyempuhan sa isinasagawang random drug testing ng PNP.
Kung gusto talaga ng PNP na walisin ang mga adik sa hanay nito, mag-umpisa sa mga miyembro ng kanilang anti-illegal drugs. Hindi ko na mabilang ang mga naengkuwentro kong sumbong tungkol sa mga kasapi ng grupong ito na tumatawid ng teritoryo at nanghuhulidap ng mga pusher para samsamin ang mga Shabu nila at gamitin. Hindi nila hinuhulidap ang mga pusher sa lugar na kanilang kinasasakupan dahil alaga na nila ang mga ito.
KUNG GUSTO namang malaman ng PNP kung sino sa mga miyembro nila ang nakikinabang sa mga drug lord, magsagawa sila ng lifestyle check sa bawat miyembro ng kanilang anti-illegal drugs.
May naisumbong sa akin na miyembro ng Station Anti-Illegal Drugs na nagmamay-ari ng 40 units na pampasahe-rong jeep. Mayroon namang miyembro ng Regional Anti-Illegal Drugs na nagmamay-ari naman ng trucking company.
Mayroon ding miyembro ng District Anti-Illegal Drugs na may-ari ng car rental company at financier pa sa casino. Isa pang miyembro ng Station Anti-Illegal Drugs na nagmamay-ari ng malaking KTV club ang naisumbong na rin sa akin. Karamihan sa mga ito ay may mga ranggong SPO1 hanggang SPO4.
Shooting Range
Raffy Tulfo