ANG MINDANAO Avenue sa Quezon City ay isang main road, at dahil dito, ang kalyeng ito, sa lahat ng oras ay ‘di dapat pinaparadahan. Itinuturing ang kahabaan nito bilang towing zone.
Pero kung kayo ay madalas na napapadaan sa Mindanao Avenue, inyong mapapansin na halos araw-araw, palaging ma-trapik sa lugar na ito. Ang isa sa mga dahilan ay sapagkat nagkalat ang mga sasakyang nakaparada sa kahabaan nito sa magkabilaan.
May ilang parte ng Mindanao Avenue kung saan ay naghihile-hilera ang mga business establishment tulad ng mga car dealership at tiangge.
Ang mga establisyamentong ito, dahil nasa tabi mismo ng kalsada at walang espasyo para sa parking, ang isang buong lane sa tapat nila ay sinakop na para sa diagonal parking ng sasakyan ng kanilang mga customer pati na ng mga nagde-deliver sa kanila.
Sa madalas na pagdaan ko sa lugar na ito, hindi ko maiwasang mapansin ang mga nakaunipormeng traffic enforcer na pagala-gala roon at pinagmamasdan lamang ang pagkakabuhul-buhol na ng trapiko dahil sa mga nakaparadang sasakyan sa halip na tumawag ng tow truck.
Dahil ang Mindanao Avenue ay isang main thoroughfare, ang MMDA ang may responsibilidad na magbatak ng mga sasakyang nakaparada rito. Pero isang impormasyon ang nakarating
sa Shooting Range na tinatarahan umano ang ilang business establishments dito ng mga taga-MMDA kapalit ng pagsakop ng isang buong lane ng kalsada sa kanilang harapan para sa parking ng kanilang mga customer.
Minsan ko nang itinawag sa MMDA ang problema ng iligal na pag-park ng mga sasakyan sa Mindanao Avenue. Umabot ng dalawang oras bago dumating ang mga tow truck at natimbrehan na ang mga may-ari ng mga nakaparadang sasakyan doon kaya wala silang nabatak.
Pero kinabukasan, hanggang sa mga sumunod na araw, balik sa dati ang sistema. Maging ang mga kilabot na illegal towing company na talamak na inirereklamo dahil sa kanilang mga modus operandi ay takot na mag-operate sa Mindanao Avenue. Ito ay dahil ang illegal parking dito ay protektado nga raw ng ilang tiwaling opisyal ng MMDA.
ANG KAKAPAL naman talaga ng mga mukha nitong ilang hinayupak na opisyal ng Social Security System (SSS). Nagpa-kasasa ang ilang matataas na opisyal dito sa natanggap nilang bonus ng nakaraang taon ng hanggang tig-P1.4 million bawat isa samantalang marami sa mga maliliit na manggagawang miyembro nito – tulad ng mga security guard at factory worker, ay halos wala nang makain dahil sa kinakaltas na SSS contribution sa kanila nang sapilitan.
Marami sa mga security guard at factory worker ay tumatanggap ng suweldo na mas mababa sa minimum wage. Kaya pagkatapos ng kaltas sa kanilang suweldo para sa SSS contribution, kakarampot na lang ang kanilang take-home pay.
Ngayon, ang balat-kalabaw na mga opisyal na ito ng SSS ay may gana pang itaas ang buwanang kontribusyon para sa mga miyembro nila sa susunod na taon. Ang nasa kukote siguro ng mga kupal at moron, kapag tinaasan nila ang kontibusyon, tataas na rin ang kita ng SSS kaya tataasan din nila ang kanilang mga bonus.
Maging ang Malacañang ay nakahalata na rin kaya pinagpapaliwanag ng Palasyo ang SSS kung bakit nabigyan ng malala-king bonus ang ilang mga matataas na opisyal dito.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Napanonood din ang inyong lingkod sa T3 sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm. At sa Aksyon Weekend news tuwing Sabado, 5:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo