NOONG AUGUST 30, 2013, Biyernes, muling ginawaran ng parangal ng programang Wanted Sa Radyo ang sampung taxi driver sa Metro Manila dahil sa kanilang katapatan. Sila ay kabilang sa 11th batch ng Gawad Katapatan Award. Ang pagbibigay-parangal ay isinagawa live sa studio ng 92.3 FM, Radyo5 sa TV5 Compound sa 762 Quirino Highway, San Bartolome, Novaliches, Quezon City, alas-dos ng hapon.
Katulad sa mga taxi driver ng mga nakaraang batch na nabigyang-parangal, sila ay mga bukod-tangi at maituturing na mga bayani ng ating lansangan. Sa kabila ng kaliwa’t kanang napapabalitang mga katiwalian at pagnanakaw umano sa kaban ng bayan – na kinasasangkutan ng mga personalidad tulad ni Janet Lim-Napoles at ilang mga pulitiko – nakahuhugot pa rin tayo ng inspirasyon at pag-asa mula sa kanila.
Ang mga bayaning taxi driver na kabilang sa 11th batch ng Gawad Katapatan Award ay ang mga sumusunod: (1) Ernie T. Picoro ng Valonda Taxi, nagsoli ng bag na may P14,800.00 cash, groceries at Nokia Express Music cellphone. (2) Carlos M. Cabaylo Jr. ng MGE Taxi, nagsoli ng P11,000.00. (3) Armandy G. Tridanio ng Polanne Taxi, nagsoli ng wallet na may lamang P5,500.00. (4) Julie S. Sabordo ng DSJ Taxi, nagsoli ng wallet na may lamang P5,020.00. (5) Danny A. Samante ng DCRM Taxi, nagsoli ng Blackberry Z10. (6) Carlito B. Panugaling ng Yee Taxi, nagsoli ng bagahe na may lamang 2 Apple iTouch, mga damit at mga tsokolate. (7) Rommel R. Gueta ng Clean Trans, nagsoli ng Samsung Galaxy S3. (8) Romeo B. Priel ng Southland Trans, nagsoli ng iPad mini. (9) Felipe B. Pariñas ng Equinox Taxi, nagsoli ng Bass guitar. At (10) Alfonso S. Montañez Jr. ng DMC Taxi, nagsoli ng Acoustic guitar.
Ang awarding ceremony ay napanood din nang live sa Aksyon TV Channel 41. Kasabay na napakinggan din ito sa ilang Radyo5 FM stations sa iba’t ibang probinsya gaya ng 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa 101.5 FM sa Cagayan de Oro pati na sa 97.5 FM sa General Santos City. Napakinggan din ito sa Bacolod City sa pamamagitan ng 102.3 FM.
Shooting Range
Raffy Tulfo