ILANG TULOG na lang at mapakikinggan na natin ang huling SONA o State of the Nation Address ni Pangulong Noynoy Aquino. Ang SONA ang natatanging paraan ng Pangulo upang mag-ulat sa taong bayan ng mga nagawa ng kanyang administrasyon kada taon sa loob ng buong termino nito.
Dito rin sinasabi ng Pangulo ang kanyang mga balak sa darating pang mga nalalabing taon sa kanyang panunungkulan. Ang kaibahan ngayon ay ito na ang huling SONA para kay PNoy. Kaya naman inaasahan na magiging mahaba ito at dito niya ihahabi ang kabuoan ng anim na taong serbisyo at mga mabubuting pagbabagong nagawa niya bilang Pangulo ng bansa.
May mga pangulong hindi naman pinalad at namatay sila sa ginta ng kanilang panunungkulan gaya nina Manuel Quezon, Manuel Roxas, at Ramon Magsaysay. Mayroon ding mga hindi nakapaghuling SONA dahil sila ay naalis sa kapangyarihan sa pamamagitan ng People Power gaya nina Pangulong Ferdinand Marcos at Joseph Estrada. Gaano nga ba kahalaga ang huling SONA ng isang Pangulo?
Lahat ng Pangulo ay pawang magaganda ang inuulat lalo’t sa huling SONA nila. Gaya ng mga nagtatanghal, na nagsasabing sa huling pagpapalabas, awit, at sayaw sila naaalala. Totoo nga kayang sa huling SONA rin maaalala ang nagawa ng isang Pangulo?
Graduation o pagtatapos din kung tawagin ang huling SONA para sa mga Pangulong nakabuo ng 6 na taon. Panghihinayang naman at kalungkutan siguro para sa Pangulong masiba sa kapangyarihan at nagpahaba ng kanyang termino, kung saan ay ayaw tuldukan ang pagkapangulo nito sa kanyang huling SONA.
HINDI LANG naman talaga ang Pangulo ang bida sa SONA. Maraming mga nagpapakitang-gilas sa SONA at nagbibida-bidahan sa araw na ito. Tatawagin ko silang mga palamuti sa SONA. Sila ang mga asawa, kasintahan, kapatid, at kaanak ng mga Kongresista, Senador, Gabinete, at mismong Pangulo.
Ang kanilang naggagandahan at nagmamahalang damit ang tila mas inaabangan ng marami. Ang mga mananahi ay tila nagpapatalbugan din sa disenyo at presyo ng mga obra nila. Ngunit kailangan ba talaga ito?
Minsan ay iisipin mo na talagang ang pulitika ay para sa mga mayayaman lamang. Ang hindi lang katanggap-tanggap ay sa kabila ng kahirapang dinaranas ng marami sa ating bansa ngayon ay tila hindi nila alintana ang pagwawaldas ng pera sa isang kasuotang hindi naman dapat pinagkagastusan. Hindi mo maiiwasang isipin na kung tunay silang nagbibigay-serbisyo sa bayan ay ibinigay na lamang sana nila ang ginastos na pera sa mga mahihirap na walang makain at maisuot.
Papaanong kayang tiisin ng makakapal nilang mukha ang ipagmalaki ang halaga ng damit na tila minsan lang naman nila gagamitin. Kung ibigay ito sa mga nagugutom, walang damit, at sinelas ay mas makatao sana ang ganitong gawa, kaysa sayangin ang pera sa hindi naman dapat pag-aksayahan ng salapi.
BAHAGI NA rin ng isang SONA ang tema at kulay na sumasagisag sa Pangulo at mga partidong sumusuporta sa kanya. Ang kulay na dilaw ay muling magpapaliwanag sa bulwagan ng Kongreso.
Ang gabinete at mga tagasuporta ng Pangulo ay tiyak na magdidilaw at magsusuot ng simbolong kalapati para makita ang kanilang pagkakaisa. Bakit ba kailangan gawin ito? Bakit ba kailangang mag-dilaw para makita ang grupo ng administrasyon? Hindi ba nagpapakita lamang ito ng pagkakaiba-iba ng paniniwala ng mga taong bumubuo ng ating pamahalaan at gumagawa ng ating mga batas?
Hindi rin pahuhuli ang mga kalaban at kritiko ng pangulo na tila nagluluksa sa araw ng SONA. Tiyak na may mga magsusuot ng itim. Mayroong pula, asul at bughaw na nagpapakita ng kaanyuan ng ibang mga partido.
Ang mga sari-saring kulay na ito ang lalong nagpapasalimuot at nagbibigay komplikasyon sa ating bayan dahil lagi naman silang nagbibirahan at naghahanapan ng mali sa isa’t isa. Sa huli ay mas napag-uusapan pa ang mga kasiraan ng bawat pulitiko at partido kaysa sa mabuting kapakanan ng buong bayan.
Ang mga humihimod ng puwet ng Pangulo ay tiyak na mangangapal na naman ang mga palad dahil sa walang tigil na pagpalakpak. Kahit na sa mga sinasabi ng Pangulo na hindi naman dapat palakpakan, basta maubo o masamid lang si PNoy ay magpapalakpakan na ang mga ito.
Ang mga kritiko at kaaway naman ng Pangulo ay halos sumayad na ang mukha sa pagsimangot, habang ang iba naman sa kanila ay naging bato na dahil sa kawalang reaksiyon ng mga ito sa sinasabi ng Pangulo. Sana ay hindi na lang sila dumalo rito para hindi na rin sila nahirapan sa pagsimangot at pagiging bato.
ANG MGA tao ay nananabik na mapakinggan ang SONA na tila isang pelikulang kaabang-abang sa marami. Ang bagong kamalayang ito ng mga mamamayan dala ng media, teknolohiya at iba pa ay nagpapataas ng antas ng karunungan ng mga tao.
Ito ay mahalaga para sa kanilang pagpili ng mga susunod na lider sa 2016. Sana ay maging behikulo ang huling SONA ni PNoy para sa mas kritikal na pagpili ng mga botante sa mga magpapabida sa darating na eleksyon.
Isang paalala lamang. Tandaan nating ang mga nagpapabida sa SONA ay kadalasang mga kontrabida sa isang maayos at tapat na pamumuno sa bayan.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo