MARAMING MGA boss si Pangulong Noynoy sa labor sector ang hindi napagsisilbihan nang maayos ng kanyang mga alipores at ngayon ay winawalanghiya.
Isang malawakang kawalanghiyaan na nagaganap ngayon laban sa kanyang mga manggagawang boss ay patungkol sa mahigit 2,000 mga dating empleyado ng nabangkaroteng Pantranco North Express Inc.
Ang mga empleyadong ito ay pinagkakautangan ng Pantranco ng mga suweldo at benepisyo matapos mabangkarote. Inakyat ng grupo ang kanilang hinaing sa National Labor Relations Commission (NLRC) pagkatapos magsara ng Pantranco.
Kinatigan ng NLRC ang kanilang reklamo at ang paborableng desisyon na ito ay ipinarating naman ng NLRC sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Iniutos naman ng LTFRB na ang prangkisa ng 498 na bus ng Pantranco ay mai-award sa mga dating manggagawa nito para maibenta nila at maging kabayaran sa kanilang back wages and benefits.
Pero matindi ang ginagawang pagtutol dito ng ilang bus companies. Umaarangkada na ngayon ang gapangan sa iba’t ibang sangay ng ating gobyerno ng mga bus company na ito para huwag lang matuloy ang transaksyon.
Dito ngayon magkakasubukan kung kaya ba talagang panindigan ni P-Noy ang binitiwan niyang salita sa kanyang inaugural speech na ang boss niya ay ang taumbayan at hindi ang mga kapwa niyang tauhan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
ISA PANG malawakang kawalanghiyaan na nagaganap nga-yon laban sa mga manggagawa natin ay ang patungkol sa mga boss ni P-Noy na tinaguriang mga makabagong bayani ng bayan – ang mga OFW.
Marami sa kanila ang kinakawawa ngayon sa Middle East. Karamihan ay biktima ng matinding pagmamaltrato at hindi tamang pasuweldo. Ang iba naman, pagkatapos ng kontrata, at sa akalang tapos na ang kanilang pagdurusa’t gusto na agad makabalik ng bansa, pero hindi pinapayagang makauwi ng kanilang mga agency at mga amo dahil gusto pa ring pagsamantalahan.
Ang ilan namang naglakas-loob na lumayas sa kanilang mga amo ay nagiging palabuy-laboy ngayon doon at walang permanenteng matirhan at makainan. Ang isa pang kinakaharap nilang problema ay kapag sila ay nahuli ng mga awtoridad doon, kalaboso ang kanilang bagsak.
Pero ang pinakamasaklap sa lahat, kapag lumapit sila sa ating embahada at maging sa mga taga-OWWA roon, hindi sila sineseryoso kaya wala silang nakukuhang tulong.
Bakit ko alam ang lahat ng mga ito? Halos araw-araw, dumadagsa ang mga reklamo ng mga mismong OFW na naiipit sa Middle East na natatanggap ng Wanted sa Radyo. Mabuti na lang at mabilis umaksyon ang mga taga-OWWA rito sa Pilipinas, sa pangunguna ni Deputy Administrator Josefino Torres, kaya ilan na ring mga naaaping OFW natin ang napauwi.
Napapanahon na para dapat bumuo ng isang special task force ang Pangulo para tumutok sa kalagayan ng mga OFW partikular na sa problema, kung saan government to government lamang ang tanging paraan para mabigyan ng solusyon ang hinaing ng isang OFW halimbawa na naiipit sa bansa na kanyang pinagtatrabahuhan.
Sa mga problemang ganito kasi nagmimistulang inutil na ang mga pulpol na kawani ng ating embahada roon.
Kung nakaya ngang bumuo ni P-Noy at ni V-Nay ng isang special group noon na ang layunin ay para arborin lamang ang ilang mga kababayan nating drug mule na bibitayin sa China, bakit hindi puwede para sa mga OFW nating nabibitay sa kalupitan ngayon sa Middle East?
Ang Wanted Sa Radyo ay mapapakinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00pm. Ito ay kasabay na napapanood sa Aksyon TV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo