SI POLICE Major Benny Basilio, chief ng investigation division ng Taguig PNP ay isang bukod-tanging pulis.
Ayon kay Basilio, ang mga suspek na iniimbestigahan sa kanilang tanggapan ay pinagmemeryenda nila for humanitarian reason. Sa mada-ling salita, nais ni Basilio na maging mabait sa lahat ng mga kriminal na kanilang kinakausap.
Bukod sa pagpapameryenda, kasama sa humanitarian package ni Basilio ang huwag posasan ang isang arestado nilang kriminal at payagan itong maipatong ang kanyang mga paa sa mesa habang iniimbestigahan.
Ito ang makabagong technique ni Basilio sa pag-iimbestiga para ang isang arestadong kriminal ay maging kampante sa kanya at kusang-loob na magbibigay ng salaysay.
Pero para kay Police Colonel Jose Dueñas, ang hepe sa tanggapan ng Isumbong Mo Kay Chief PNP, si Basilio ay isang uri ng pulis patola.
Ang technique ni Basilio, ayon pa kay Dueñas ay palpak at maaari siyang makasuhan dahil dito.
NOONG JULY 17, 2012 tinaga sa mukha si Norcel Bayudan ng kanyang kapitbahay na si Armando Bello.
Pero bago pa man makatakas si Bello, nahuli siya ng taumbayan at agad na pinaaresto sa grupo ni Major Basilio. Pagda-ting ng presinto, pinagmeryenda ni Basilio si Bello – ito’y ayon na rin mismo kay Basilio. Ginawa raw niya ito dahil sa kanyang humanitarian instinct.
Inamin din ni Basilio na hindi nila pinosasan si Bello, na ayon na rin sa kanya, ay dahil kampante raw sila kay Bello.
Pero ang matindi, ayon sa biktima, nakita ng kanyang asawa na nakapatong ang mga paa ni Bello sa lamesa habang ito’y iniimbestigahan ng mga tauhan ni Basilio na pangisi-ngisi pa.
At ang pinakamasaklap sa lahat, pagkatapos maimbestigahan si Bello, inamin ni Basilio na nasalisihan sila ni Bello. Ang nasalisihan ang salitang ginamit ni Basilio sa halip na natakasan.
SI SPO4 Sergio Macaraig ng MPD traffic ay isa pang bukod-tanging pulis. Hindi tulad sa kanyang mga kabaro na kapag nalaman na Chinese ang suspek na kanilang iimbestigahan, lalo pa kung ito ay Chinaman, nagkakandarapa at tulo-laway sa pag-uunahan, si Macaraig ay tinatamad at hindi ginaganahan.
Ang tricycle driver na si Joelysis Dasipal at dalawa niyang pasahero ay biktima ng hit and run noong July 16, 2012.
Nabangga ang grupo ni Dasipal ng isang humaharurot na Nissan X-Trail na siyang ikinaospital nila. Masuwerte na lang at may mga testigo na nakakuha sa plaka ng X-Trail na XRH529.
Matapos makapagpagamot, ini-report ng grupo ni Dasipal ang insidente kay Macaraig. Ibinigay rin ng grupo ang plate number ng sasakyang nag-hit and run sa kanila sabay bigay na rin ng pangalang Chen Ying bilang registered owner ng nasabing sasakyan, pati na ang address nito na napag-alaman nila mula sa LTO.
PERO ANG ipinagtataka ng mga biktima ay kung bakit makalipas ang sampung araw, pagkatapos nilang makapag-file ng reklamo kay Macaraig, hindi pa raw nabibigyan ng atensiyon nito ang kaso. Samantalang ilang metro lamang ang layo ng address ni Chen Ying sa presinto ni Macaraig.
Ayon kay Macaraig, pinadalhan na daw niya ng sulat si Ying sa registered mail at inaantay lang niya ang tugon nito. Pinapuntahan din daw niya ang bahay ni Ying sa isa niyang tauhan pero hindi pa raw niya naitatanong dito kung ano ang naging resulta ng kanyang utos dahil ang dami raw niyang inaasikaso.
Kung totoo ang mga sinasabi ni Macaraig, pinagtatawanan siya ngayon ng kanyang mga kabaro, ‘di dahil sa siya’y tamad, kundi dahil sa siya ay istupido.
Shooting Range
Raffy Tulfo